Ang Patalim at ang Panauhin

52 9 4
                                    

Lumipat kami ng bahay dahil sa trabaho ni tatay. Isa siyang welder sa machine shop at para hindi siya palaging umuwi sa bukid kung saan kami naroon, minabuti niyang dalhin na lang kami ng nanay at ng kapatid kong lalaki.

Ang bahay na pinatirhan sa amin ng bagong amo ni tatay ay
gawa sa pawid na bubong at may kawayang sahig. Ito ay nakaangat sa lupa at maaaring maupuan sa ilalim.

Ang ginawa ng tatay, ang kalahati noon ay pinaglagakan niya ng mga alagang manok. Gumawa siya ng kulungan at hinati pa iyon para may pangitlugan ang mga alaga niya.

Iniwan niyang walang bakod ang kalahati ng silong. Ito yung bahagi na natapat sa silid na tinutulugan namin.

Maganda ang naging trabaho ng tatay doon. Mabait yung amo niya at kung hindi lang sa isang pangyayari, hindi pa sana magreresign.

Kakapanganak pa lang noon ng nanay sa pangatlo kong kapatid. Dahil hindi pa naman uso noon ang panganganak sa ospital, sa bahay nagluwal si nanay ng isang malusog na sanggol na lalaki.

Matapos ihabilin kay tatay ang mga kakailanganin at karampatang alaga para kay nanay, umalis na ang hilot.

Tuwang-tuwa si tatay dahil nakadalawang lalaki na siya. Nakangiti naman si nanay at mayamaya pa ay nakatulog ito.

Isang kapitbahay namin ang nagmagandang loob na magluluto at magbabantay kay nanay at sa kapatid ko tuwing magtatrabaho si tatay sa araw.

Kadalasan, gabing-gabi na kung umuwi si tatay. Nag-oovertime siya para pandagdag sa pambili ng gatas ng bunso.

Isang gabi, kauuwi lang ni tatay nang magsumbong si Aling Nena na hindi raw matigil sa kaiiyak si bunso simula nang magtakipsilim.

Napasukan ni tatay na inaalo ni nanay si bunso para tumahan. Namumula na ang kapatid ko sa kaiiyak pero kahit anong gawing pagpapatahan, walang epekto.

Nataranta na rin si tatay. Hindi niya maisip kung ano ang nangyayari kay bunso.

"Busog naman iyan. Napalitan ko na rin ang lampin. Nag-umpisa lang talaga siyang umiyak nang papadilim na..."

Bumaba ng bahay si tatay at nag-umpisa ng siga. Tapos itinapon niya dito ang isang lumang gulong ng bisikleta.

Paniwala kasi nila na kapag nagsunog ka ng goma, aalis ang amsamang ispiritu na makaamoy nito.
Natigil sa pag-iyak si bunso at nakatulog ito ng mahimbing.


Pero nang sumunod na gabi, iyon pa rin ang nangyari. Nagpapalahaw ng iyak si bunso at inabot na iyon ng halos madaling araw.

At iyon ay nasundan pa. Ilang gabi na ring hindi makatulog sina nanay at napagdesisyunan nila na dalhin na sa doktor si bunso dahil baka kung may malala itong sakit.

Iyon ang ginawa nila. Hindi na rin pumasok ng trabaho si tatay para masamahan ang aming ina.

Walang nakitang anumang karamdaman ang doktor. Sabi pa, napakalusog daw ni bunso para nagkasakit, ngunit nagbigay pa rin ito ng gamot para sa kabag, kung sakali.

Masayang umuwi ang mga magulang ko. Nakahinga rin sila nang maluwag dahil wala naman palang sakit si bunso.

Naglalakad na sila pauwi nang may masalubong silang babae at lalaki.

Bata pa ang mga ito. Baka nga mag-asawa dahil nagkahawak kamay habang naglalakad.

Tumigil sa harapan mismo ng nanay ang babae at ngumiti. Ngumiti rin si nanay kahit parang naasiwa sa tingin nito.

"Anak nyo? Ang poging bata..."

Hahawakan sana nito si bunso ngunit umiwas si nanay nang disimulado.

Untold Where stories live. Discover now