Kaibigan

45 5 3
                                    

Hello! Heto na po ang bagong kuwento. Sana maenjoy n'yo ang pagbabasa..
==========================

Wala pa akong sampung taon nang mapalipat na naman kami ng tirahan dahil sa  trabaho ng Tatay.

Natatandaan n'yo 'yung kapatid ko na binibisita tuwing gabi ng isang babaeng pinaghinalaang 'aswang'?

Siya na naman ang bida dito.

Ewan ko ba kung bakit napakamasakitin ng batang ito. Sabi ng Tatay baka daw kasi mahina ang resistensiya.

Sa natatandaan ko, habang lumalaki kaming lima, siya iyung payat, laging inuubo, may hika, pero mapagbiro at sobrang mabait.

Balik tayo sa kuwento.

Sa likod ng aming bahay ay may malawak na palaisdaan na pinagmamay-arian ng isang mayamang pamilya. Mabait naman sila. Sa katunayan, tuwing matapos sila sa pagha-harvest ng mga bangus, pinapayagan nila ang mga taong lumusong at kunin ang mga tira-tira.

Hindi biro ang nakukuha sa palaisdaang ito at kadalasan pa, naibebenta pa ng mga tao ang mga tirang isdang nakukuha tulad ng tilapya at kahit wala pang harvest, pinapayagan kaming mamingwit at minsan manguha ng alimango sa mga butas sa gilid-gilid nito.

Isang mahabang kanal, na marahil may isa't kalahating dipa ang lawak,  ang pagitan ng bahay namin at ng palaisdaan. Maaari itong talunin para makatawid sa kabila.

Apat na taon pa lamang noon ang kapatid ko, na tawagin nating Manuel, nang magkasakit uli.

Inapoy siya ng lagnat isang araw matapos siyang isama sa gilid ng palaisdaan upang mamingwit.

Tahimik lang siya noon. Para sa isang apat na taong bata, hindi siya malikot at hindi rin palasalita. Pumupulot siya ng nga mumunting bato at ibinabato sa tubig.

Pinagalitan siya ng pangalawa kong kapatid na si Andre.

"Huwag mong batuhin ang tubig. Maiistorbo ang mga isda at
wala tayong mabibingwit."

Tumayo si Manuel at lumipat ng upo sa di kalayuan ng pilapil. Hindi naman siya pinansin ng pangalawa kahit nang makita siya nitong kumukumpas-kumpas at parang may kausap.

Katanghaliang tapat noon. Walang kaulap-ulap ang papawirin at lubhang mainit pero hindi alintana ng dalawa. Nandoon din ang ibang mga bata na naglalaro at namimingwit na rin.

Pamayamaya pa, tinawag na sila ng Nanay para mananghalian.

May kinawayan daw si Manuel bago pumasok ng bahay. Walang pumansin noon sa pag aakalang isa sa mga bata ang kinawayan nito.

Kinagabihan, matutulog na ang lahat nang mapansin ng Nanay na wala si Manuel sa loob ng silid-tulugan.

Lumabas siya sa sala. Wala. Sa kusina. Wala rin.

Kinabahan na si Nanay at tinawag si Tatay na nasa labas ng bahay at nakikipag-inuman sa mga kaibigan.

" Hindi ko makita si Manuel. Napansin mo ba?"

Umiling si Tatay sabay ang pangugunot ng noo. Kadalasan kasi, pag oras na ng tulog, mauuna pa si Manuel sa silid-tulugan at magtatalon-talon sa kawayang higaan.

"Saan pupunta 'yon? Natingnan mo ba sa loob ng paliguan? Baka naglalaro sa tubig."

Umiling si Nanay at nabalot ng pagkabahala ang mukha.

"Hanapin natin sa paligid. Doon ka magpunta sa kalsada. Baka naglakad na naman papunta doon. Doon ako sa likod-bahay."

Tumalima ang Tatay habang lumigid si Nanay sa likod-bahay.

Madilim sa bahaging iyon. Ang bahagyang anag-ag lang ng ilaw na nanggagaling sa loob ng bahay ang umiilaw sa daanan ni Nanay.

May narinig siyang nagsasalita sa gilid ng kanal sa di kalayuan. Mabilis niyang tinugpa ang pinagmulan ng tinig.

Naabutan niyang nakasalampak ng upo si Manuel sa lupa. Natatawa ito sa ... wala.

Mabilis niyang binuhat si Manuel at nagpalinga-linga sa paligid. Walang kahit ano o sino.

Hintakot na tumakbo papasok ng bahay si Nanay lalo pa nang makitang may kinawayan si Manuel sa dilim.

Inapoy ng lagnat si Manuel ng gabi ding 'yun. Kabado rin si Nanay at kung ano-ano na ang pumapasok sa isip.

"Dalhin na natin sa ospital si Manuel."

Nag-atubili si Tatay. Malayo ang bahay sa ospital. Wala pang sasakyang maaring gamitin dahil wala nang dumadaan na traysikel.

"Ipagpabukas na natin. Painumin mo na lang siya ng gamot at punasan ng basang bimpo. Baka sakaling bumaba ang lagnat."

Walang nagawa si Nanay kundi bantayan ang kapatid ko. Naghalinhinan sila ng Tatay. Mag-uumaga na nang magising si Manuel at may itinuturo sa kisame. Tumatawa ito at sinasabing naroon daw ang mga kaibigan niya. Inaaya siyang maglaro.

Nagkatinginan sina Nanay. Wala naman silang may nakita sa kisame.

Nakatulog uli si Manuel at inakala nilang nagdedeliryo lang ito sa taas ng lagnat.

Hindi na nila dinala sa ospital si Manuel. Medyo bumaba ang lagnat nito pero parang lantang gulay naman at walang lakas.

"Dalhin n'yo na si Manuel kay Tandang Berto. Siguradong mapapagaling siya ng matanda." sabi ng isang kapitbahay.

Si Tandang Berto ay ang albularyo ng lugar. Magaling daw talaga ito at marami nang napagaling na may sakit.

Hindi na nag-aksaya ng oras si Tatay. Sa pilapil sa gilid ng palaisdaan ang pinakamalapit na daan. Doon siya dumaan karga si Manuel.

Noon nagising si Manuel at tuwang kinausap si Tatay.

"Tay, mga kaibigan ko, humahabol sa atin."

"Ha? Wala akong nakikita..." Lumingon pa si Tatay habang naglalakad.

"Ayun oh. Mga isdang may sarisaring kulay, tapos may hipon at alimangong pula. Gusto nila akong kunin."

Doon na natakot si Tatay. Hindi man niya nakikita ang nakikita ni Manuel, naninindig naman ang mga balahibo niya, dagdagan pa ng malamig na ihip ng pang-umagang hangin.

Lakad-takbo ang ginawa ni Tatay. Wala namang ginawa si Manuel kundi ang tumawa dahil daw bumibilis din ang paghabol ng mga kaibigan niya.

Malapit na sila sa bahay ni Tandang Berto nang mapansin ni Tatay ang pagkaway ng albularyo.

"Bilisan mo! Malapit na sila!"

Napatakbo na si Tatay at kaagad isinara ni Tandang Berto ang pinto nang makapasok ang dalawa.

"Bakit ba doon kayo dumaan? Kukunin nila ang anak mo pag naabutan kayo kanina."

Hindi na nakasagot si Tatay dahil sa sobrang pagkahapo. Kinuha ni Tandang Berto si Manuel at pinaupo sa mesa.

"Nagustuhan siya ng mga elemento dahil masyadong tahimik at mabait. Huwag mo na siyang palapitin sa palaisdaan pansamantala. Ibalik mo siya dito pagkatapos ng tatlong araw."

Nilapatan niya ng kung ano-anong dahon at pantapal sa noo at tiyan si Manuel. Pagkatapos binigyan niya ng isang bote na may laman ng kung anong likido si Tatay.

"Ipahid mo sa kanyang noo at tiyan tuwing takipsilim. May ikinabit akong halamang gamot sa damit niya. Huwag mong ilayo sa kanyang katawan."

Nagpasamat si Tatay ngunit bago lumabas ng bahay, pinagsabihan siya ni Tandang Berto.

"Sa ibang daanan kayo dumaan pag-uwi. Nag-aabang sila."

============================

Untold Where stories live. Discover now