The Curse

51 7 5
                                    

Ang pamilya ng aking ama ay may lahing manggagamot. Kung tawagin sila ay mga 'siruhano'. Ang kanunuan daw namin ay bihasa lalo na sa pagpapagaling ng mga 'naengkanto', 'nabarang', 'nakulam' o mga simpleng sakit lang.

Pinakakilala sa kanilang lugar noong dekada 50 ang tiyuhin ng aking ama na si Lolo Ignacio.

Lahat daw ng sakit ay kaya nitong pagalingin. Sumusunod naman sa mga yapak nito ang anak na si Bertito. Lahat nang nalalaman ng ama ay sa kanya itinuro.

Isang araw noon, isang tao ang pahangos na pumasok sa kanilang bahay na hindi man lang nagawang kumatok.

"Tiyong Ignacio, tulong po! Iyung anak ko po, namimilipit sa sakit ng tiyan!"

Dahil may natural na kababaan ng loob at likas na matulungin, hangos naman sa pagsunod ang matanda sa lalaki.

Nang makarating sila sa bahay ng mga ito, nakita niyang nasa gitna ng sala ang tinutukoy na isang dalagita.

Nabigla man, walang inaksayang oras si Lolo.

Bitbit ang bag ng kanyang panggagamot, lumapit siya sa dalagita.

Nagkikikisay ito sa sakit habang hawak ang tiyan. Ang sigaw nito ay lubhang nakaantig sa damdamin ng matanda. Minasdan niya ito pasumandali at dumukot ng kung ano sa bag.

"Hawakan n'yo siya. Kahit anong mangyayari, huwag ninyong bibitawan hangga't di ko sinasabi."

Ang ama ng dalagita at isa pang kaanak ang dumakma sa magkabilaang braso nito at pinigilan ito makagalaw.

May kung anong dahon na kinuha si Lolo Ignacio sa bag at inutusan ang ina ng dalagita na ilagay sa tiyan ng anak.

Nang madikit ang dahon sa balat ng dalagita, lalo itong nagsisigaw na para bang nasasaktan. Ang palahaw nito ay sinasalitan ng malalim na paghinga at manakanakang paghikbi.

Tumagal pa iyon ng ilang saglit bago ito tumigil sa pagpalahaw at mawalan ng malay.

"Diyos ko! Anong nangyari? Tulungan mo ang anak ko, Tiyong!" sigaw ng ina nito.

Malalim na napabuntunghininga
si Lolo.

"Napigilan ko lang ang ginagawa sa kanya..."

"Ho? Anong ibig ni'yong sabihin?"

"Merong galit sa kanya at kinukulam siya."

Nabigla ang mag-asawa sa narinig. Wala silang alam na nakaaway na anak. Ni ayaw nga nitong lumabas ng bahay kung di rin lang kailangan.

"Sino naman ho ang gagawa nito sa kanya? Mabait ang aming anak..."

Napatingin ang matanda sa kanila at nahulog sa malalim na pag-iisip. Kapagdaka'y nagsalita. "Isang babae ang may gawa nito. Malaki ang galit n'ya sa inyong anak at gumaganti siya."

Ang mag-asawa naman ang nagkatinginan. Bakas sa mukha ng mga ito ang takot.

"Ano po ang dapat naming gawin? Baka ho maulit ito..."

May dinukot uli sa bag ang matanda at inabot sa ina.

"Ipasuot mo sa kanya. Huwag na huwag mong ipatanggal sa kanya. Kahit sa paliligo, huwag mong ipatanggal. Isang bagay lang: kailangan niyang magsimba araw-araw para madagdagan ang kanyang proteksiyon. Matibay na proteksiyon pa rin ang pananampalataya."

Ilang araw din ang dumaan bago muling nagbalik sa bahay ni Lolo ang ama ng dalagita. Sa pagkakataong iyon, kasama na nito ang asawa't anak.

"Tiyong, may nangyari na naman po. Hindi po namin napansin na tinanggal ng anak ko  ang kuwintas na ibinigay mo. Kagabi, nakalabas po siya ng bahay. Naglakad na parang wala sa sarili. Mabuti na lang at may nakakita at naipaalam sa amin."

Minasdan ni Lolo ang dalagita. Tulala ito. Ang mga mata ay nanlalalim at kahit anong gawin niyang pagtawag sa pansin nito, hindi ito kumikibo.

"May hindi ba kayo sinasabi sa akin?"

Rumehistro ang pagkabalisa sa mukha ng mag-asawa.

"Ang totoo, T'yong, may nanligaw kay Blesilda na taga kabilang bayan pero tinanggihan niya. Pero imposibleng magawa niya ito sa anak ko. Matagal nang wala siya sa lugar nila sa pagkakaalam namin."

Napatango-tango ang matanda at iminuwestrang pahigain si Blesilda sa papag tapos nagsimula na itong magsalita sa Latin.

Walang may naintindihan ang naroroon sa pinagsasabi nito pero naunawaan lahat iyon ni Bertito. Pinapaalis ng ama ang kung anuman ang lumulukob sa katauhan ng dalagita.

Biglang nangisay si Blesilda. Lalo ding bumilis ang paglilitanya ng matanda.

Biglang natigil ang pangingisay ng dalagita kasabay ng pagkatumba ng Lolo na nawalan ng malay.

Nang manumbalik ang ulirat ni Lolo Ignacio, nakatunghay sa kanya sina Bertito, Blesilda, mga magulang nito pati na rin ang ilang kaanak na nandoon din nang magsimula itong gamutin ang dalagita. Parang wala namang dinaramdam si Blesilda na maaliwalas na ang mukha.

Bumangon si Lolo at kinausap ang mga magulang ni Blesilda.

"Wala nang gagambala pa kay Blesilda. Natalo ko na ang gumawa noon sa kanya."

Masayang nagpaalam ang mag-anak at kita sa mukha ng mga ito ang saya.

Kinausap ni Lolo Ignacio ang anak.

"May mas malaki tayong problema. May masamang nangyari sa taong kumulam kay Blesilda pero may isa pang naroroon at siya ngayon ang nakabantay sa bawat kilos ko..."

"May panganib ba , Itay?"

"Naipasa ko na lahat sa iyo ang natutunan ko. Kung ano't anuman, alam kong makakaya mong pangasiwaan ang lahat  ng maiiwan ko at mapangalagaan mo ang legasiya  ng ating pamilya.  Isa lang ang magagawa mo, anak: kung makita mo isang umaga na lumalabas ako ng bahay pagkagising ko, habulin mo ako. Huwag mong hayaang tumapak ang kanan kong paa sa lupa. Tandaan mo iyan."

"Hindi kita maintindihan itay."

"Basta sundin mo ako at mag-iingat ka rin. Malakas ang nakabangga ko, Bertito. At gaganti siya."

Naging palaisipan kay Bertito ang tinuran ng ama. Unang beses na pinag-iingat siya ng ama. Sa kanilang anim na magkakapatid, sa kanya mas naging malapit ang ama. Marahil dahil sa kanya nakita ng ama ang potensyal ng pagiging isang manggagamot.

Ilang araw matapos iyon, kumalat ang usa-usapan na nagpakamatay pala iyung lalaking nanligaw kay Blesilda dahil nabigo ito. Ang ina daw nito ang nagpakulam sa dalagita dahil sa galit.

Doon napagtanto ni Bertito ang lahat. Dahil sa ginawa ng ama, ang mangkukulam ay nakaratay at nag-aagaw buhay. Ang sabi, dahil daw sa atake sa puso. Pero alam niya ang totoong dahilan at madalas ay nahuhulog siya sa malalim na pag-iisip kung ano ba talaga ang tinutukoy ng ama.

Ilang linggo pa ang lumipas bago kumalat sa buong baryo ang balitang namatay ang babaeng hinihinalang mangkukulam. Napansin din ni Bertito na naging balisa ang ama at halos ay hindi makatulog sa gabi. Sinubukan niya itong kausapin pero umiiwas ito.

Isang umaga, nagising si Bertito at narinig ang pagbubukas ng pinto sa sala. Bigla siyang sinalakay ng kaba at patakbong lumabas kahit halos magkandarapa sa pagmamadali.

Nakita niya ang amang lumabas ng sala at pumunta sa balkonahe.

'Tay, tumigil ka! Huwag kang umapak sa lupa!"

Ngunit huli na. Parang tuod na bumagsak sa lupa ang wala nang buhay na katawan ng ama...

============================

Untold Where stories live. Discover now