Chapter 1

764 10 0
                                    

CHAPTER ONE

"NATALIE!"
Napabalikwas ng bangon si Natalie nang marinig ang malakas na pagkatok sa pinto sa kanyang silid. Kulang na lang ay sirain iyon ng kumakatok. Saka lamang napag-isip-isip na nananaginip lamang siya nang makita ang sariling tumatakbo sa isang hindi pamilyar na lugar. At hindi pamilyar na panahon.
At ang lalaking nakita ni Natalie ay bahagi lamang ng kanyang panaginip. Walang katulad nito sa mundo ng reyalidad.
Subalit tila may malaking ibig sabihin ang panaginip na iyon, lalo na at nakaharap niya ang hindi pamilyar na lalaking iyon. Ito na kaya ang kanyang destiny? At hindi ang kasalukuyang boyfriend na si Keith?
"Natalie, ano ba?" muling saad ng nasa labas na patuloy sa pagbayo ng pinto.
Alam ni Natalie na tinig iyon ng pinsan niyang gay. Maarte at trying hard itong magkaroon ng boses ng isang tunay na babae. Hindi nahihiyang ilantad ng pinsan ang kabaklaan nito sa pagsusuot ng mga damit pambabae. Magkasinggulang lamang sila.
"Bakit ba, Andrew?" tanong niya.
"Nand'yan na si Doctor Vergara," sagot nito. "Ikaw na nga ang magbantay kay Lolo. Kanina pa kami nagbabantay ni Shiela, eh."
"O, siya lalabas na ako," yamot na sagot ni Natalie. Napuyat kasi siya sa magdamag na pagbabantay sa maysakit na abuelo nang nagdaang gabi kaya napatagal ang kanyang pagkaidlip. Nagkatrangkaso ang matanda at matiyaga niyang binantayan kasama ang private nurse nito.
Minsan lang magbantay ang mga pinsan ni Natalie ay naaaburido pa.
Inayos ni Natalie ang sarili at pagkatapos ay sinulyapan ang mga larawang nasa bedside table. Larawan niya iyon, kasama ng mga larawan ng mama na si Edna; ng papa niyang si Manolo; at ni Don Leonardo Alba, ang mayaman na abuelo na kasalukuyang nakaratay sa kabilang silid.
Masakit para sa kay Natalie ang makitang unti-unti nang iginugupo ng karamdaman ang abuelong napamahal sa kanya nang husto.
Pagkaraan ng ilang sandaling pag-iisip ay minabuti ni Natalie na lumabas na ng silid. Binantayan niya ang abuelo habang ginagamot ni Doctor Vergara.
"Mas makabubuting makapagpahinga siya nang matagal dito," anang doktor pagkaraan. "Ang nangyari sa kanya kagabi ay isa lamang sa mga komplikasyon ng kanyang sakit sa puso."
Nahahabag na pinagmasdan ni Natalie si Don Leonardo habang natutulog. Pagkatapos ay sinabayan na niya si Doctor Vergara palabas ng silid at hanggang sa labas ng bahay.
Malungkot na naupo si Natalie sa isang single-seater na sofa sa sala kung saan nagkukuwentuhan ang mga pinsan na sina Shiela at Andrew.
"O, kumusta na ba si Grandpa?" nakataas ang isang kilay na tanong ni Shiela, ang pinakamatanda sa kanilang magpipinsan. Matanda lamang ito sa kanya nang dalawang taon.
"Nagpapahinga na siya," malamya niyang sagot. "Hindi n'yo man lang ba siya binisita sa kanyang silid?"
"Kanina pa nga kami nakabantay do'n, eh," nakaingos na sagot ni Andrew, bunsong kapatid ni Shiela. "Ewan ko ba naman kung bakit kanina ka pa nakakulong sa silid mo."
"Sus!" paismid na saad ni Shiela. Liberated na babae ang pinsan. Mahilig itong magsuot ng mga revealing attire at ang buhok ay kulay-mahogany. At bukod sa makapal na makeup ay may exaggerated pang burloloy sa katawan. "Pa'nong hindi magkukulong 'yan sa silid niya, eh, nalulungkot 'yan dahil baka iwanan na siya ni Lolo. Alam mo naman, lolo's girl si Natalie. Hindi yata 'yan mabubuhay nang wala si Lolo."
"Bakit parang hindi man lamang kayo nag-aalala para sa lolo natin?" Malamlam ang mga matang isa-isang tinapunan ni Natalie ng tingin ang mga pinsan. "Napipilitan lang kayong alagaan siya. Samantalang siya na halos ang nagpalaki sa atin. Siya ang nagpakahirap sa pag-aalaga sa atin. Simula nang iwan kayo ni Tita Lourdes at simula nang maulila ako sa mga magulang."
Kapwa napaismid ang mga pinsan. Buhay pa kasi ang mama ng magkakapatid na panganay na kapatid ng kanyang papa. Pagkatapos mabuntis si Lourdes ng boyfriend nito ay basta na lamang nawala ang lalaki. Kaya ganoon na lamang ang pagrerebelde ng tiyahin.
Wala itong kaamor-amor sa panganay na anak na si Shiela.
Pagkaraan ng dalawang taon ay muling nagkaroon ng boyfriend si Lourdes at muli ring nabuntis. Ngunit tumanggi ang lalaki na panagutan ang bata dahil may asawa na raw ito. Idinamay ni Lourdes ang mga anak nito sa galit sa mga naging kasintahan.
Upang makalimutan ang hindi magandang nangyaring iyon ay nagdesisyon si Lourdes na lumipad patungong States at iniwan ang mga anak sa pangangalaga ni Don Leonardo. Nalaman na lamang ng abuelo ni Natalie na nag-asawa na ng Amerikano roon si Lourdes. Tutol ang Amerikano na kunin ni Lourdes sina Sheila at Andrew na naiwan sa Pilipinas.
Iyon ang kuwento kay Natalie ng abuelo noong malakas-lakas pa ito. Naalala pa niya na madalas ay naiinggit sa kanya sina Shiela at Andrew noong ten years old pa lamang siya dahil kasama pa ni Natalie noon ang mga magulang at masaya silang naninirahan sa mansiyon ni Don Leonardo.
Kung hindi lamang dumating ang isang hindi inaasahang pangyayari na nauwi sa pagkamatay ng mga magulang, hindi sana maninirahan si Natalie sa mansiyon. Nag-crash ang eroplanong sinasakyan ng mga ito habang patungo sa Cebu. At wala ni isa mang nakaligtas sa aksidenteng iyon. Iyon ang dahilan kung bakit lumaki si Natalie sa pangangalaga ng abuelo. At naging napakabuti naman nito sa kanya.
NAPUTOL ang pagbabalik-tanaw ni Natalie nang tumayo si Shiela at nagsindi ng sigarilyo.
"Hayaan na lamang natin na manahimik si Lolo," sabi nito. "Matanda na siya. Marami na siyang nararamdaman. Tayo lang naman ang nahihirapan sa pag-aalaga sa kanya."
Naluluhang tiningnan niya si Shiela. "Bakit ganyan ka kung mag-isip?" Hindi na niya naitago ang pagkainis sa pinsan.
"Hindi naman tayo powerful creatures na makaka-pagpahaba ng kanyang buhay, 'di ba?" katwiran nito. "Gustuhin man nating lumakas siya, eh, hindi na rin mangyayari dahil siya mismo ang nagpapabaya sa sarili niya.
"Kailan ba siya naging masaya sa bahay na ito? Hindi ba't palagi na lamang siyang bugnutin noong malakas-lakas pa siya? Parati niya tayong pinagagalitan. Parating pinupuna. Wala na tayong ginawa na nagustuhan niya."
"He just wanted the best for us," paliwanag ni Natalie. "Kung pinagsasabihan man niya tayo, iyon ay dahil gusto niyang mapabuti tayo."
"Wake up, Natalie," sabad naman ni Andrew. "Hindi mo na ba naaalala na ikaw ang madalas niyang napapagalitan?"
"Mahal ko pa rin siya." Pagkasabi niyon ay may nangilid na luha sa mga mata ni Natalie. "Siya ang nagpalaki sa akin... sa atin. Mahal niya tayo."
"Hindi niya tayo mahal." May pagdaramdam sa tinig ni Shiela. "Ang mahal niya ay si Consuelo. Si Consuelo lamang."
"Hindi na niya natagpuan si Consuelo," garalgal ang tinig na sabi niya.
"Kaya tayo ang napagbubuntunan niya ng galit at hinanakit," maarteng saad ni Andrew. "Hindi siya naging masaya sa buong buhay niya. Walang araw na hindi niya binigkas ang pangalan ni Consuelo. Si Consuelo. Puro na lang si Consuelo. Ni wala nga tayong idea kung ano niya si Consuelo, eh."
"Baka nagdedeliryo na siya paminsan-minsan," sabi ni Andrew. "Baka akala niya ay Consuelo ang pangalan ni Lola."
"Istupido!" nakapamaywang na saad ni Shiela sa kapatid. "Bettina ang pangalan ng lola natin at malayong-malayo sa Bettina ang Consuelo. Iba si Consuelo. Baka mabaliw lang tayo kapag sinunod natin ang pakiusap niya na hanapin natin si Consuelo. Baka nananahimik na rin ang Consuelo na iyon. Baka patay na siya."
Hindi alam ni Natalie kung bakit bigla siyang kinilabutan nang mga sandaling iyon. Madalas nga niyang marinig na sinasambit ng kanilang abuelo ang pangalan ni Consuelo. Ngunit wala naman itong ikinukuwento tungkol sa babae.
Hindi alam ni Natalie kung sino si Consuelo sa buhay ng abuelo. Ang alam niya ay nabuhay nga sa kalungkutan ang kanyang abuelo, subalit hindi naman nagkulang sa pag-aalaga sa kanila. Ibinigay nito ang bawat magustuhan nila. Pinag-aral sila sa isang kilalang unibersidad at binihisan nang maayos.
Dati ay may tig-iisa silang tagapag-alaga. Hindi rin sila pinagtatrabaho sa mansiyon. Nabuhay sila sa karangyaan.
Hanggang sa magkasakit ang abuelo. Nagsimula iyon sa heart disease hanggang sa magkaroon ng iba't ibang komplikasyon. Marahil ay hindi lang iisang organ nito ang apektado. Nakaratay na lamang ang matanda sa kama at walang kakayahang kumilos o gumawa ng mga bagay na madalas na gawin noon.
"Or baka naman kaya ganyan na lamang ang concern mo kay Lolo ay dahil sa 'yo niya ipinagkatiwala ang pamamahala sa kompanya niya?"
Sa narinig ay nag-angat si Natalie ng tingin at tiningnan nang diretso si Shiela. "Wala siyang choice," mariin niyang sabi. "Siguro nga ay ako lang ang maaasahan niya."
"Maaasahan?" Nag-echo ang malakas na boses nito sa apat na sulok ng sala. "Ako ang matanda sa ating lahat. I'm twenty-eight. You're just twenty-six. You and Andrew. How can you say na ikaw lang ang maaasahan niya?"
"Dahil ako lang naman ang matiyagang sumusunod sa mga gusto niya," pormal niyang paalala. "Hindi ba't pinakiusapan ka niyang kumuha ng kursong Business Administration? Pero hindi mo siya pinagbigyan. At si Andrew naman ay mas ginusto pang maging fashion designer. Ako lang naman ang sumunod, 'di ba? I took up Business Management. Well, sabagay, iyon naman talaga ang hilig ko.
"Besides, he gave you several chances pero sinayang ninyo. Palagi kayong hindi pumapasok sa opisina. Wala kayong ibang inatupag kundi pagpa-pasarap."
"No." Pinanlakihan pa si Natalie ng mga mata ni Shiela. "Talagang sipsip ka lang kay Lolo. Gusto mong ikaw ang magmana ng mga kayamanan niya."
"Hindi ako nag-iisip tungkol sa mana," mariing saad niya. "Sa bibig mo lang nanggaling 'yan. Siguro ay ikaw ang naghihintay sa mana mo kaya ipinagdarasal mong mawala na si Lolo."
Hindi nakakibo si Shiela sa sinabi niya.
Minabuting tumayo na ni Natalie at iwan ang mga ito.
PAGKATAPOS ng argumentong iyon ay minabuti ni Natalie na mamasyal na lamang sa isang shopping mall. Isang paraan na rin iyon upang malibang siya at makalimutan ang tungkol sa kondisyon ng kanyang abuelo.
Araw iyon ng Linggo at walang pasok si Natalie sa opisina. Gayunpaman, hindi pa rin niya makalimutan ang mga napag-usapan nila nina Shiela at Andrew. Natitiyak ni Natalie na wala na ngang pagmamahal ang mga ito sa kanilang abuelo at itinuturing na lamang na pabigat.
Nasa aktong naglalakad na sa loob ng mall si Natalie nang bigla na lamang mapahinto na hindi niya maintindihan. Nagpalinga-linga siya ng tingin at natuon ang pansin sa isang kuwintas na naka-display sa isang jewelry shop. Tila may kapangyarihan ang kuwintas na iyon at pilit na hinihila si Natalie papalapit doon. Pagkaraan nga lang ng ilang sandali ay namalayan ng dalaga ang sarili na patungo na sa jewelry shop.
"Miss, can I see that necklace?" tanong ni Natalie sa nakaunipormeng saleslady nang makapasok sa loob.
Tumalima naman ang saleslady. Kinuha nito ang mismong naka-display at ipinakita sa kanya.
"Wala ba kayong ibang stock nito?" tanong ni Natalie.
"Nag-iisa lang ho 'yan, Ma'am," sagot ng saleslady. "Walang katulad. Antigo ho kasi, eh. Panahon pa ng Kastila. Wala na ho kayong makikitang katulad niyan."
Sa narinig ay lalong nagkaroon ng interes si Natalie sa kuwintas. Mahilig din kasi siya sa mga jewelry. Lalo na kapag naiiba iyon. Minsan ay iminungkahi ng dalaga sa abuelo na nais niyang magkaroon ng isang jewelry store. Ngunit tumutol ang abuelo dahil inisip nito na wala nang ibang mangangasiwa ng negosyo kundi siya dahil pareho ngang pabaya sina Shiela at Andrew.
Kinilatis ni Natalie ang kuwintas. Sa isang tingin pa lang ay tiyak niyang malaki ang halaga niyon. Mabigat iyon at kakaiba ang pagka-gold. Pulido ang pagkakagawa at pagkakaukit sa pendant na kalahating puso. May precious stones sa itaas na bahagi niyon. Sa dakong gitna ng kalahating puso ay nakasulat sa malalaking letra. Ang "MIZ". Sa likod naman ay may mga nakasulat. May the... us even... of one...
Napatingin si Natalie sa saleslady. "May kapares ba ito?"
"Meron po kaya lang—"
"Kukunin ko pati ang kapares niya," putol niya sa sasabihin ng saleslady. "How much?" Naisip ni Natalie na magandang souvenir iyon na maibibigay kay Keith.
"Two hundred-fifty thousand, Ma'am," sagot ng saleslady. "Pero wala ho yung kapares niyan, eh. Ang sabi po ng may-ari ay matagal na raw pong nawala."
Napalunok si Natalie. Sabi na nga ba at napakamahal ng kuwintas. Mas matutuwa si Natalie kapag si Keith ang bumili niyon at ibinigay sa kanya. Minsan ay isasama na lamang niya ito sa jewelry shop na iyon.
"Thanks na lang, Miss," pagkuwa'y saad niya. "Babalikan ko na lang sometime."
Nanatiling nakatuon ang mga mata ni Natalie sa antigong kuwintas habang papalabas ng jewelry shop. Huli na nang mapansin niya ang kasalubong na lalaki. Bumangga na si Natalie rito at awtomatikong bumuhos sa suot na damit ang hawak nitong soft drink.
KULANG na lang ay mapamura si Natalie nang makita ang suot na white sleeveless top. Natapunan iyon ng soft drink mula sa lata na hawak ng lalaking nakabangga.
Naniningkit ang mga matang hinarap ni Natalie ang lalaki. Ngunit pansamantala siyang nawalan ng sasabihin nang makita ang mukha nito.
Isang napakaguwapong lalaki. Tuwid at makintab ang buhok nito. Almond-shaped ang mga mata, subalit hindi rin naman masasabing Asian ang features dahil ang pagkakatangos ng ilong nito ay European. Ang mga labi ay mapupula. Maputi rin at matangkad ang lalaki. Makisig ang pangangatawan na waring alaga sa gym. Higit sa lahat, tila kamukha ito ng lalaking nakita sa kanyang mga panaginip!
"Hey, Mister. Would you like to say sorry?" asik ni Natalie nang hindi man lamang ito humingi ng dispensa. Basta na lamang na nakatitig sa kanya ang lalaki na hindi maipaliwanag ang facial expression.
"I-I'm sorry," sa wakas ay paumanhin nito. "My name is Allan."
"Oh, Allan, I'm not asking your name," nakataas ang isang kilay na saad ni Natalie. "Look at me. Look at my top. Look at this mess. Now, do you know kung bakit galit na galit ako at gusto kong pumatay ng tao?"
"Uh-huh!" Isang tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi nito. "But I think, it was your fault. Ikaw ang hindi tumitingin sa nilalakaran mo. Umiiwas ako pero bumangga ka pa rin sa akin."
Napika siya. "I'm not that stupid! Ikaw ang hindi nag-iingat. Besides, hindi ba't bawal magdala ng food sa loob ng shop? What if nadisgrasya mo ang mga mamahaling jewelry sa loob? Can you afford to pay for them?"
"I'm sorry again," pormal na saad ng lalaki. Nang mga sandaling iyon ay may dumating naman na janitor kaya nalinis ang kalat sa harapan nila. "But I don't have time to argue with you. If you want, sumama ka sa akin sa loob ng department store and I'll buy a dress for you. Para naman makapagpalit ka ng damit."
"Thanks, but no thanks!" Muling tumaas ang isang kilay niya. "I can buy myself a dress." Pagkasabi niyon ay nagmamadali nang umalis si Natalie.
NAPASUNOD ang tingin ni Allan Pacibe sa magandang babae. Sa tingin niya ay five-six ang height nito. Ang kurba ng katawan ay maganda, bagama't simple lamang kung manamit. Higit sa lahat ay napakaganda ng mukha ng babae. Bilugan ang mga mata, matangos ang ilong at sexy rin ang kurba ng mapupulang mga labi.
Hindi rin maintindihan ni Allan ang sarili kung bakit ganoon na lamang ang pagkagulat nang makabanggaan ito. Biglang bumilis ang pagpintig ng kanyang puso. Bigla siyang nawala sa sarili. Tila noon lamang nakakita ng magandang babae si Allan at bigla siyang naengkanto. What happened to him?
"Honey!"
Saka lamang nawala ang atensiyon ni Allan sa babae nang marinig ang pagtawag na iyon ni Floricel, ang kanyang fiancée. Papalabas na ito ng jewelry shop.
"What happened?" nagulat na tanong ni Floricel nang makitang itinapon niya ang hawak na soft drink in can sa basurahan. Nakita rin nitong may mga tilamsik pa ng soft drink ang kanyang damit.
"Accident." Inakbayan na niya ang fianceé pabalik sa jewelry shop.
"Sabi ko naman kasi sa 'yo na magpapabili na lang ako sa janitor, eh," sabi ni Floricel. "Hindi ka naman makapaghintay na matapos ko ang ginagawa ko bago tayo mag-lunch."
"I'm just thirsty," ani Allan. Nang mga sandaling iyon ay nakapasok na sila sa loob ng opisina nito. Si Floricel ang may-ari at personal na namamahala ng jewelry shop.
"All right, after this, lalabas na tayo." Nakangiting pinisil nito ang kanyang ilong. "But in the meantime, tingnan mo muna ang magiging wedding gown ko." Iniabot ng fianceé kay Allan ang isang fashion catalogue na nakabuklat sa pahina ng wedding gown na napili nito. "Isn't it lovely?"
Nakangiting tiningnan niya ito. Naglalakad na ito sa harapan niya na tila isang modelo. At proud siya sa sarili na ganoon kaganda ang mapapangasawa niya. Napakaganda ng mukha at sexy ang katawan.
"It's perfect, Honey," saad niya. "I'm sure na ikaw ang magiging pinakamagandang bride sa taong ito."
Lumawak ang pagkakangiti nito. "At ikaw naman ang magiging pinakaguwapong groom."
Pagkaraa'y bigla na lamang nanlaki ang kanyang mga mata. Biglang nakita ni Allan sa katauhan ng fianceé ang babaeng nakabanggaan!
"What's the matter?" nagulat ding tanong ni Floricel na marahil ay napansin ang pagkagulat na rumehistro sa kanyang mukha.
"W-wala, Honey." Naupo si Allan sa gilid ng desk nito.
"Don't tell me na hindi ka pa handa sa wedding natin, Honey?" ani Floricel na yumakap sa kanya. "You're twenty-nine. Ako naman ay twenty-seven. Marrying age, 'di ba?"
"Nahilo lang ako," katwiran ni Allan.
"Ano na naman ba'ng ginawa mo?" tanong nito. "Kaya nga pinag-leave kita sa trabaho mo sa kompanya n'yo ay para makapagpahinga ka at pagkatapos ay maasikaso natin ang wedding."
"Wala 'to. Bumisita kasi ako kanina sa opisina. Medyo na-pressure lang siguro ako."
"I told you, kalimutan mo muna ang trabaho. At least ngayon lang."
"O-okay." Subalit nanatili sa kanyang isipan ang babaeng nakabanggaan. "Oh, I almost forgot," pagkuwa'y saad ni Allan. "Birthday ni Mama at mamaya ay magkakaroon ng dinner sa bahay. Hindi pa pala ako nakakabili ng gift."
"So, ano'ng ginagawa ng department store?" nakangiting tanong nito.
"All right. Babalikan kita at lunch time."
PUMIPILI na ng damit na bibilhin sa loob ng department store si Natalie ay hindi pa rin makalimutan ang aksidenteng nangyari sa kanya at ang mukha ng lalaking nakabanggaan. Maging ang pangalan nito ay natatak na yata sa kanyang isip.
Allan.
Basang-basa ang pang-itaas na damit ni Natalie at inis na inis siya sa lalaking iyon. Ngunit parang gusto naman niyang makita itong muli. At nagulat na lamang si Natalie nang makita nga ang lalaki sa pag-angat ng kanyang mga paningin.
Nakapila ang lalaki sa isang counter na tila may binili sa ladies' section. Marahil ay para sa girlfriend nito. Sa guwapo ba naman ng lalaking iyon ay imposibleng wala pang girlfriend.
Nakita si Natalie ng lalaki, ngunit mabilis niya itong inirapan. Pagkatapos ay mabilis niyang tinungo ang fitting room at isinukat ang isang damit. Nagkasya naman sa kanya at wala nang panahon si Natalie na tingnan kung maganda ang damit na iyon para sa kanya dahil nangangati na siya sa basang pang-itaas.
Nang lumabas si Natalie ay nakapila pa rin ang lalaki sa counter. Panghuli ito sa pila at ang counter na kinaroroonan ang may pinakamaiksing pila. Napilitan siyang sumunod dito.
Parang gustong pagalitan ni Natalie ang sarili dahil kulang na lang ay ilapit niya ang ilong sa katawan ng lalaki. Gustong-gusto ng kanyang ilong ang masculine scent nito!
"H-hi," sabi nito nang mapansin si Natalie.
Hindi sumagot si Natalie, inirapan lang niya ito. And then it was his turn to pay. Nakita niyang tatlong blusang may pangmatandang kulay at style ang binibili ng lalaki. Ganoon ba kakonserbatibo ang taste ng girlfriend na reregaluhan nito?
"What do you think, Miss?" pagkuwa'y tanong nito sa cashier na babae. "Magugustuhan kaya ang mga 'yan ng mommy ko?"
"Oh, sure, Sir," sagot ng cashier. "Magaling kayong pumili."
Umikot ang eyeballs ni Natalie sa narinig. Salamat na lamang at natapos na ang lalaki, ngunit nanatili ito sa may counter habang hinihintay na mabalot ang mga pinamili.
And then it was her turn to pay. Na-punch na ng cashier ang item na bibilhin niya nang iabot niya ang kanyang credit card.
"I'm sorry, Ma'am," sabi ng cashier. "Cash only po." Itinuro pa nito ang malaking signboard sa itaas. CASH ONLY. Hindi na napansin iyon ng dalaga dahil sa pagmamadali.
Natatarantang kinuha ni Natalie sa bag ang wallet at parang madidismaya nang makitang kulang ang kanyang available cash. Balak pa lang niya kasing mag-withdraw ng pera sa ATM nang agawin ng antigong kuwintas sa jewelry store ang kanyang pansin.
Natataranta pa ring iniabot ni Natalie ang kanyang ATM.
"Hindi rin po pupuwede 'yan dito, Ma'am, eh," sabi ng cashier. "Counter twenty-five po. Kaya lang po ay na-punch ko na ang item n'yo."
Halos manggigil sa hiya si Natalie. Nakatingin na sa kanya ang mga nakapila sa counter na iyon, maging si Allan. At nang balingan ni Natalie ang counter twenty-five ay napansin niyang mas mahaba ang pila roon. Pipila na naman siya.
"How much is that, Miss?"
Napakislot siya sa tinig na iyon ni Allan.
"Seven hundred ninety-five, Sir," sagot ng cashier.
"Let me..." Dumukot si Allan ng isang libong piso sa wallet at iniabot sa cashier.
Gustong tumutol ni Natalie, ngunit wala na siyang nagawa. Sa huli ay naisip niyang dapat lamang na gawin iyon ni Allan dahil ito ang nakadisgrasya sa suot niyang damit. Kahit alam ni Natalie na siya naman talaga ang hindi tumitingin sa nilalakaran niya kanina dahil sa antigong kuwintas.
Hindi man lamang nakaalalang magpasalamat ni Natalie sa lalaki. Sinundan na lamang niya ito ng tingin habang papalayo matapos bayaran ang kanyang damit.
KINAGABIHAN ay hindi nakatiis si Natalie na hindi bisitahin sa master's bedroom ang kanyang abuelo. Gising ito at nakatitig sa kisame na wari ay may iniisip.
"L-Lolo," mahinang sabi niya, sabay halik sa pisngi nito. "How do you feel?"
Ngumiti ang abuelo at hinawakan ang palad ni Natalie. "A-ang kompanya, hija?"
"Hindi ko ho pinapabayaan," napangiting sagot ng dalaga.
"Si Consuelo...."
Pormal na naupo si Natalie sa silya na nasa gilid ng kama nito at hinaplos-haplos ang noo ng kanyang abuelo. Kaunti na lamang ang natitirang buhok sa noo ng matanda at lahat ay puti na. Kulubot na rin ang balat ng matanda. Ang mga paningin ay alam ni Natalie na hindi na kasinlinaw ng dati. Kasama sa mga dahilan ng mabilis na panlalabo ng mga paningin nito ay ang madalas na pag-inom ng mga gamot.
Mahina na rin ang katawan ng abuelo. Hindi na halos makalakad. Gusto sanang dalhin ito ni Natalie sa hospital, ngunit ang matanda na ang kusang tumutol dahil lalo lamang daw itong nanghihina roon.
Well-monitored naman ang abuelo ni Doctor Vergara, na siyang family doctor nila, kahit nasa bahay at may private nurse din na nag-aalaga rito.
"Si Consuelo..." ulit ni Don Leonardo sa nahihirapang tinig. "Hanapin mo si Consuelo."
"H-hindi ko po alam kung saan ko hahanapin si Consuelo, Lolo," sabi niya.
"Consuelo Alba ang buo niyang pangalan," sabi nito. "Nakatira siya sa isang magandang mansiyon sa Ermita."
Nahahabag na ginagap ni Natalie ang palad nito. "Lolo, wala na ho ang mga mansyon sa Ermita."
"Hindi, apo," anito na tila unti-unti na ring bumabalik sa pagkabata ang isip. Unti-unti nang nawawala ang mental capacity. "Mayaman si Consuelo. Hindi mo ba alam na nakatira sa Ermita ang mga buena familia? Kapitbahay ko siya sa Ermita. Doon kami lumaki at nagkaisip. Doon kami bumuo ng aming mga pangarap."
"That was years ago," pilit na paliwanag ni Natalie na wari'y isang bata ang tinuturuan. Siya lang ang matiyagang magwasto sa mga maling paniniwala nito. "Before the Japanese occupation. Nasira ang buong Intramuros after the war. Nasira ang mga mansiyon. Pumangit ang Ermita. Hindi na ito ang lugar ng mayayamang angkan, Lolo. Marami na ang nagbago rito."
"Nasa'n si Consuelo?"
Napalunok siya. Ano ba ang nagawa ng isang Consuelo at ganoon na lamang ang paghahanap sa babae ng kanyang abuelo?
"Gusto ko po kayong pagbigyan," saad ni Natalie. "Gusto ko pong hanapin si Consuelo. Ngunit hindi ko po alam kung saan po ako magsisimula."
Itinuro ni Don Leonardo ang drawer ng dresser. Kaagad naman niyang binuksan iyon. Isang jewelry box ang unang tumambad sa kanyang mga mata. Inilabas iyon ni Natalie at ipinakita sa abuelo.
"Open it," utos ni Don Leonardo.
Binuksan ni Natalie ang jewelry box at ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makita ang kuwintas na katulad ng nakita niya sa jewelry shop sa mall!
HINDI pa man iniuutos kay Natalie ng abuelo ay mabilis na niyang dinampot ang kuwintas. Kasimbigat iyon ng nakita sa jewelry shop. Walang ipinagkaiba ang pagka-gold ng chain niyon. Kalahating puso rin ang pendant na may precious stones sa bahaging itaas. Ang ipinagkaiba lang ay ang mga letrang nakaukit doon. Kung sa unang nakita ni Natalie ay "MIZ", iyon naman ay "PAH".
MIZPAH.
Ano kaya ang ibig sabihin ng salitang iyon? Tiningnan ni Natalie ang likod ng pendant. May nakasulat din doon. Lord watch... in the absence... another. Marahil ay ang mga ito na ang karugtong ng mga salitang kanyang nakita sa likuran ng unang kuwintas na nakita.
"Hanapin mo ang kalahati ng pusong iyan, apo," saad ni Don Leonardo. "At matatagpuan mo si Consuelo."
"K-kailan pa ho ba ito sa inyo?" tanong ni Natalie.
"Matagal na matagal na," sagot nito. "Panahon pa ng Kastila."
"Oh God!" Naalala ni Natalie ang sinabi ng saleslady sa kanya. Nagmula rin sa panahon ng Kastila ang kuwintas na nakita sa jewelry shop. Tiyak na iyon nga ang karugtong ng pusong pendant na iyon. Sa naisip ay balak na sana magpaalam sa abuelo upang bumalik sa jewelry shop nang masulyapan ang wall clock. Pasado alas-nuwebe na ng gabi at hindi na niya aabutang bukas ang mall.
Minabuti ni Natalie na ipagpabukas na lamang ang planong pagtungo sa jewelry shop kung saan nakita ang antigong kuwintas.

Broken Heart - Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now