Chapter 8

613 13 0
                                    

CHAPTER EIGHT

"HINANAP kita," luhaang saad ni Leonardo na pinilit kumilos sa kinauupuan upang mayakap si Consuelo. "Pero bigla na lamang kayong nawala sa Ermita. Pagkatapos ay ipinakasal ako ng mama't papa sa isang babaeng hindi ko gusto dahil hangad nilang tuluyan na kitang makalimutan."
"Itinago ako ng aking papa," umiiyak namang saad ni Consuelo.
Hindi napigilan ni Natalie ang pagpatak ng mga luha habang nakamasid sa mga ito. Noon siya nakatitiyak na kailanman ay hindi minahal ng kanyang abuelo ang lola niya hanggang sa pumanaw ito. At marahil ay ganoon din ang lola ni Natalie. Ang nangyari sa kanila ay kagustuhan lamang ng kanilang mga magulang.
Dahil ang totoong mahal ng kanyang abuelo ay si Consuelo. At hindi naging dahilan ang paglipas ng panahon upang makalimutan nila ang isa't isa. Isang wagas na pag-ibig.
"Theirs was a great love," narinig ni Natalie na saad ni Allan habang nakamasid sa mga ito. "Meron pa kayang katulad nila sa panahong ito?"
"Hindi mo ba matatawag na great love ang pag-iibigan ninyo ni Floricel?" tanong niya.
Hindi sumagot si Allan.
Saka lamang napansin ni Natalie na hawak-hawak pa rin nito ang kanyang kamay. Binawi niya iyon. "They deserve to be left alone," sabi niya at lumabas ng silid.
NAGTUNGO si Natalie sa hardin at naupo sa garden set. Masaya siya para sa kanyang abuelo at kay Consuelo. Ngunit malungkot siya para sa sarili. Natalie was able to fix a broken heart, subalit ni minsan ay hindi niya naisip na ang magiging kapalit niyon ay ang pagkawasak ng kanyang puso.
"Salamat at pinilit mong gawin ang bagay na ito, Natalie." Tinig iyon ni Allan mula sa kanyang likuran. "May nadarama akong kakaibang kaligayahan ngayon para kay Lola Consuelo. Marahil ay matatanggap ko na rin ang aking pinagmulan. Ipagtatapat ko na kay Floricel ang lahat. You're right, kung mahal niya ako ay mauunawaan niya na hindi ko ginusto ang nangyari kay Lola."
Tipid na ngiti ang pinakawalan ni Natalie. Ah, kung alam lamang ni Allan kung gaano niya ito kamahal. Kung alam lamang ng binata na ito lamang ang makapagpapaligaya sa kanya nang mga sandaling iyon.
Subalit alam ni Natalie na hindi ito ang lalaking para sa kanya.
Kahit pa nga isiping totoo ang mga sinabi ng kanyang abuelo. Natalie could see herself growing old with Allan. But, maybe, it was too late when she met him. Nakilala ni Natalie si Allan sa maling panahon at maling pagkakataon. Hindi pala ito para sa kanya. Marahil ay may makikilala pa siyang katulad ng binata in the near future.
"Pinagtagpo tayo ng tadhana upang buuin ang nahating puso," makahulugang saad ni Allan pagkaraan. "That's the only reason kung bakit tayo nagkita. At pagkatapos nito ay maghihiwalay tayong masaya. We've made it. You made it. Thanks for coming into our lives, Natalie." Pagkasabi niyon ay masuyo siyang hinagkan ni Allan sa pisngi... at niyakap nang mahigpit.
Natalie's heart ached with pain. Wala nang sasakit pa sa katotohanang hindi para sa kanya ang lalaking mahal niya.
ILANG araw pang nagkasama sina Don Leonardo at Consuelo. Ilang araw pang naging masaya ang kanilang pagkakasama na hinayaan naman nina Melita at Allan. Madalas ay si Don Leonardo naman ang dinadala ni Natalie sa mansiyon nina Allan.
Hanggang sa muling atakihin sa puso si Don Leonardo na siyang naging dahilan upang muli itong matali sa kama.
"Nakahanda na akong mamatay, hija," minsan ay sinabi nito kay Natalie habang nakaupo siya sa gilid ng kama at hinahaplos-haplos ang noo nito. "Masaya na ako. Pagkatapos ng maraming mga taon ay ngayon lamang nabura ang guilt sa dibdib ko... dahil hindi ko man lamang naipagtanggol si Consuelo."
"Hindi n'yo kasalanan ang nangyari, Lolo," sabi niya. "Sinikap naman n'yong ipagtanggol siya. At huwag n'yong isipin na mamamatay na kayo."
"Matanda na ako, apo," anito at tipid na ngumiti. "Alam kong nahihirapan ka na rin sa pag-aalaga sa akin. 'Pag nawala ako ay wala ka nang ibang aatupagin kundi ang pamamahala mo sa negosyo mo."
"Negosyo n'yo," pagwawasto ni Natalie.
"Kung sana ay makikita muna kitang ikinakasal," ani ng abuelo at hinaplos ang kanyang pisngi. "Sana ay makatagpo ka rin ng isang lalaking tapat kung magmahal."
"Katulad n'yo." Hindi niya napigilan ang mapaluha.
Pagkatapos ay hinubad nito ang suot na kuwintas at isinuot sa kanya. "Keep this..."
Niyakap iyon ni Natalie nang mahigpit.
ILANG araw magmula noon ay pumanaw na si Don Leonardo. Labis iyong dinamdam ni Consuelo. Halos kasunod lamang itong pumanaw ni Leonardo.
Pinagtabi nila ang mga libingan nina Leonardo at Consuelo sa isang memorial park. Ilang araw magmula noon ay umiiyak na niyang itinatago ni Natalie sa isang kahon ang mga alaala ng kanyang abuelo. Subalit nanatiling nakasuot sa kanyang leeg ang antigong kuwintas na ibinigay nito.
Sunod-sunod na mga katok sa pinto ang pumukaw sa pagdadalamhati ni Natalie habang nakaupo sa kama. Hindi na nakatiis ang kumakatok, binuksan na nito ang hindi naman naka-lock na pinto.
"Ano ba, hindi ka ba talaga bababa?" nakapamay-wang na tanong ni Shiela na mukhang inip na inip na sa paghihintay sa kanya. "Kanina pa naghihintay si Attorney Vier sa ibaba. Babasahin na niya ang testamentong iniwan ni Lolo. Don't tell me na hindi ka interesado?"
Tahimik na tumayo si Natalie at sumunod kay Shiela pababa ng hagdan. Naratnan niyang nakaupo na si Attorney Vier sa isang single-seater sofa sa sala. Naupo si Shiela sa tabi ng excited na si Andrew. Mag-isa siya sa mahabang sofa.
Hindi nagtagal ay binasa na ni Attorney Vier ang testamento at halos magwala sa galit sina Shiela at Andrew nang matapos iyon.
"How dare him!" malakas na saad ni Shiela na ang tinutukoy ay si Don Leonardo. "Bakit niya ipinamana kay Natalie ang kompanya at ang bahay na ito?"
"Halos lahat ng kayamanan niya, Ate," nakasimangot na dugtong ni Andrew. "He's so unfair. Ano'ng mapapala natin sa ilang milyon lamang? Mauubos din iyon."
"Mangyayari lamang iyan kung ipagpapatuloy ninyo ang walang pakundangang pagwaldas ng pera," malungkot niyang saad. "Marahil ay naisip ni Lolo na mauuwi lamang sa wala ang lahat kapag pinamanahan kayo nang malaki. Hindi mahalaga sa akin ang malaking kayamanan. Oras na nakita kong nagbago na kayo ay nakahanda akong ibigay sa inyo ang ibang parte ko sa mga pamana niya."
"We hate you!" singhal sa kanya ni Andrew. "Nagresulta ng maganda ang kasipsipan mo sa kanya. Ayaw na naming makasama ka!"
"That's right!" nakataas-noong saad ni Shiela. "Gagawin namin ang kung ano ang gusto naming gawin sa aming mga pamana at wala ka nang pakialam!"
"Pinaghirapan ni Lolo ang lahat," mahinahon pa ring saad ni Natalie. "Sana naman ay matuto kayong magpahalaga."
"Let's go, Andrew!" sabi ni Shiela at hinila na ang kapatid.
Pumanhik sa hagdan ang mga ito. At nang muling pumanaog ay may dala nang mga gamit. Wala nang nagawa si Natalie nang umalis ang magkapatid nang araw rin na iyon.
Naiwang nag-iisa si Natalie sa mansiyon. At wala siyang ibang naramdaman kundi kahungkagan at pangungulila. Magmula noon ay hindi na muling napanaginipan ni Natalie ang madalas na mapanaginipan noon—makita ang sarili niya na nasa isang makalumang panahon. Marahil ay nagkita na sina Leonardo at Consuelo. Iyon lang marahil ang nais mangyari ng kanyang mga panaginip.
"YOU SEEM very quiet," puna ni Allan kay Floricel isang araw. "Simula nang bumalik tayo rito mula sa asyenda ay parang hindi mo na magawang ngumiti. Dahil ba sa ipinagtapat ko sa 'yo, Floricel? Dahil ba nalaman mo ang nakaraan ng aking lola?"
Sunod-sunod na pag-iling ang pinakawalan ni Floricel habang nakaupo sa harapan ng desk nito. Nasa loob sila ng jewelry shop.
"Ilang araw na lamang at ikakasal na tayo," pumiyok ang tinig na saad ni Floricel.
"At nagdadalawang-isip kang ituloy ang kasal dahil sa nakaraan ng pamilya ko, gano'n ba?"
"Hindi, Allan." Seryoso ang mukha nito nang tumingin sa kanya. "Wala akong hindi nagustuhan sa klase ng pamilyang pinagmulan mo. Natatakot lang akong ituloy ang kasal natin dahil alam kong pareho tayong hindi handa."
"What are you saying?" napakunot-noong tanong ni Allan, sabay tungkod ng mga kamay sa desk nito. "I don't understand."
"Nabigla lamang tayo, hindi ba?" tanong ni Floricel. "Masyado tayong na-amaze sa sobrang pagkakasundo natin noon. We're compatible in many ways. Akala natin ay tayo na talaga ang para sa isa't isa. But the truth is, we've never felt true love. It's like an empty box, Allan."
Hindi nakapagsalita si Allan sa narinig.
"Alam ko, nakikita ko sa mga kilos mo, at nararamdaman ko na ang mahal mo ay si Natalie."
"You do not know what you are talking about!" malakas niyang sabi.
"Oh c'mon, Allan." Tumayo si Floricel at naglakad paroon at parito. "Hindi ako magagalit. Hindi ako magdaramdam. Dahil ako man ay hindi handang magpakasal sa 'yo."
Napaawang ang mga labi ni Allan sa narinig. Hindi niya alam kung matutuwa siya, malulungkot o magagalit. Pero bakit ganoon?
Tila nabunutan siya ng malaking tinik sa dibdib. Hindi ba't matagal na ring hindi pinatatahimik ang binata ng isiping ilang araw na lang ay ikakasal na siya kay Floricel? At alam niyang hindi siya handa.
"Ang pangunahing rason ko nang imbitahing magbakasyon sa asyenda si Natalie ay ang mapalapit siya kay Christopher," pagpapatuloy ni Floricel. "Hindi dahil gusto kong mapangasawa siya ng kapatid ko kundi dahil alam kong makakatulong siya sa career ng kapatid ko. Isang malaking scoop ang napi-picture out kong kuwento ng lolo niya at ni Lola Consuelo.
"And I wasn't wrong. Alam kong isang istorya iyon na panonoorin ng masa at tiyak na kikita ang show ni Kuya Christopher. Subalit nagbago ang lahat ng iyon nang makarating tayo sa asyenda at makita kong muli si... Carlo."
"Ang ex-boyfriend mo," sabi ni Allan. May ilang beses na ring naikuwento sa kanya ni Floricel ang tungkol kay Carlo. Anak-mahirap ang lalaki na tinutulan ng papa ni Floricel nang nabubuhay pa ito. Umalis ng Quezon si Carlo at nakipagsapalaran sa ibang lugar.
"Bumalik siya sa Quezon, hindi man ganoon kayaman, ngunit may maipagmamalaki na rin siya sa buhay." Umiiyak na si Floricel habang sinasabi ang mga salitang iyon. "Pinilit ko siyang kalimutan noon kaya ibinaling ko sa 'yo ang atensiyon ko. Pero sa muli naming pagkikita ay napatunayan namin na mahal pa rin namin ang isa't isa. Iyan ang dahilan kung bakit madalas akong umaalis ng mansiyon nang nagbabakasyon tayo. Nakikipagtagpo ako sa kanya—sa paborito naming lugar—sa gulod. I'm so sorry, Allan."
Yumakap si Floricel sa kanya habang umiiyak. "Ayoko nang muling malungkot," garalgal ang tinig na saad nito. "Ayokong tumandang katulad ni Lola Consuelo. At alam kong gano'n ka rin. Hanapin mo ang taong alam mong makapagpapaligaya sa 'yo."
Wala nang nasabi si Allan pagkatapos niyon. Gumiit na lamang sa kanyang isipan ang babae sa kanyang mga panaginip. Ang babaeng laman ng kanyang isipan sa mga nagdaang araw...
Si Natalie.
NAG-ANGAT ng mga paningin si Natalie nang makita si Keith na nakatayo na sa harapan ng kanyang desk sa opisina. Halos hindi na niya namalayan ang pagdating nito. Dalawang linggo na ang nakalilipas simula nang ilibing si Don Leonardo.
"Hi," nakangiting bati nito. "Condolence."
"No'ng isang linggo pa inilibing si Lolo," pormal na sagot ni Natalie. Sa tingin ni Natalie ay lalong gumuwapo ang kasintahan. Na-maintain ni Keith ang magandang built ng katawan. At tila nakangiti pa rin ang mga mata nito. Subalit tapos na ang pagkabulag ni Natalie sa pisikal na katangian ng boyfriend. Wala na siyang nadaramang excitement sa muling pagkikitang iyon.
Hindi na tumitibok ang kanyang puso para kay Keith.
"At alam mong nasa ibang bansa ako at may inaasikaso kaya hindi ako nakarating, 'di ba?" ani Keith.
"Sanay na ako." Ipinagpatuloy niya ang pagpirma sa mga papeles na nasa kanyang harap. Tinangka ng halikan ni Keith si Natalie, ngunit mabilis na umiwas ang dalaga.
"May problema ba?" napakunot-noong tanong ni Keith.
"Alam kong nasa huli ako sa listahan ng priorities mo, Keith," seryoso niyang saad. "Alam kong trabaho mo pa rin ang pipiliin mo kung saka-sakali. Kaya habang maaga pa ay tapusin na natin ang lahat sa atin."
"Ano ba'ng pumasok sa kukote mo?" tila naiinis na tanong nito. Madaling uminit ang ulo ni Keith at isa iyon sa mga bagay na hindi niya gusto. Kaya madalas ding nauuwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap.
"Nagising lang ako, that's all," ani Natalie. "Hindi ko na kayang ikulong ang sarili ko sa isang relasyon na alam kong walang magandang patutunguhan. Malaya ka nang gawin ang gusto mo at wala nang makikialam sa 'yo. At wala na ring magde-demand ng oras at atensiyon mo. Go ahead, Keith."
"Bahala ka sa buhay mo!" Tuluyan nang uminit ang ulo nito. "Hindi ka kawalan sa buhay ko." Pagkasabi niyon ay mabilis nang lumabas ng opisina si Keith.
Tila mas nakahinga pa si Natalie nang maluwag pagkatapos niyon.Walang nadaramang panghihinayang ang dalaga. Mas mabuti pang mag-isa si Natalie kaysa may kasamang isang taong wala namang pagpapahalaga sa kanya at sa damdamin niya.
MAALIWALAS ang paligid nang hapon na iyon. Mabagal na naglalakad si Natalie sa malawak na memorial park hanggang sa makarating siya sa tapat ng magkatabing puntod. Unang nilagyan ni Natalie ng mga bulaklak ang puntod ni Consuelo at pagkatapos ay ang puntod naman ng kanyang abuelo.
"Wherever you are, I wish you're happy," bulong ni Natalie. Pagkatapos ay napangiti siya nang maalala ang araw ng pagtatagpo ng mga ito. "Masaya na rin ako para sa inyo."
May ilang sandaling nanatili si Natalie sa harap ng dalawang puntod. Napakislot siya nang makita ang pumpon ng mga bulaklak na inilalagay ng isang kamay sa puntod ni Consuelo. At pagkatapos ay nilagyan din nito ng mga bulaklak ang puntod ng kanyang abuelo.
Tumalon sa tuwa ang kanyang puso nang makita ang lalaking nagmamay-ari ng kamay na iyon.
"A-Allan..." hindi napigilang sambit ni Natalie. Labis niya itong pinanabikang muling makita. Nang huling nakita ni Natalie si Allan ay nang ilibing si Consuelo. Noon ay tiyak na nakahanda na ang lahat para sa kasal nito at ni Floricel.
"How are you?" tanong ni Allan kasabay ang isang matamis na ngiti. Mukhang napakasaya ng binata. Nakita niya ang kakaibang kislap sa mga matang iyon. Marahil ay dahil sa nalalapit nitong pagpapakasal kay Floricel.
"F-fine," sagot niya.
"And your boyfriend?"
"We broke up," pagtatapat niya. Tila noon lamang muling nakasumpong si Natalie ng mapagsasabihan niya ng mga bagay-bagay pagkatapos ng ilang araw na pag-iisa sa mansiyon.
"I-I'm sorry..." napapormal nitong saad.
"Naisip-isip kong hindi ako magiging masaya sa piling niya," pagpapatuloy niya. "Hindi ako ang mahalaga sa kanya kundi ang trabaho niya." Pagkatapos ay pinilit ni Natalie na ibahin ang usapan. "So, when is the grand wedding?"
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ni Allan. "There will be no wedding between me and Floricel."
"H-ha?" Pakiramdam ni Natalie ay dinala siya ng kanyang mga paa sa alapaap sa sobrang kaligayahan. "W-why? What happened?"
"She loves someone else..."
Kung ganoon ay bakit parang hindi man lamang nalungkot si Allan? Bakit maaliwalas pa rin ang anyo ng mukha ng binata? Bakit tila ang saya-saya nito?
"And I love someone else," pagpapatuloy nito.
Sumikdo ang kanyang dibdib. May ilang sandaling naghari ang katahimikan habang nag-uusap ang kanilang mga mata. At pagkatapos ay noon lamang napansin ni Natalie na suot ng binata ang antigong kuwintas na ibinigay ng kanyang abuelo kay Consuelo.
Kinapa ni Natalie ang kuwintas sa kanyang leeg at may isang matamis na ngiting sumilay sa mga labi. Hinubad niya iyon at idinugtong niya ang pendant sa pendant ng suot na kuwintas ni Allan.
Saka lamang naunawaan ni Natalie ang ibig sabihin ng mga salitang nakaukit sa mga iyon.
MIZPAH... May the Lord watch us even in the absence of one another.
"Pinagtagpo na naman ba tayo ng tadhana to fix a broken heart?" pagkaraa'y nakangiting tanong ni Natalie.
"Maybe," sagot ni Allan. "Maraming beses na kitang natagpuan sa aking mga panaginip. Ngunit ngayon ko lamang lubos na naunawaan ang ibig ipahiwatig ng mga panaginip na iyon. Ikaw ang babaeng para sa akin. And you're the woman I see myself growing old with." Ginagap ni Allan ang kanyang palad.
"At marahil ay pinagtagpo tayo ng tadhana upang dugtungan ang magandang kahapon nina Lolo Leonardo at Lola Consuelo... because we are their future."
Pumatak ang masaganang luha sa kanyang mga mata.
"I love you, Natalie."
"I love you, too, Allan."
Nagyakap nang mahigpit ang dalawa. Pumatak ang ulan, ngunit nanatili silang magkayakap.
ANG kasalang Allan at Floricel ay nauwi sa kasalang Allan at Natalie at kasalang Floricel at Carlo. Mahiwaga talaga ang pag-ibig. Maraming bagay ang minsan ay mahirap ipaliwanag. Sa kabila ng misteryo nito ay patuloy pa rin na tinutugunan ng bawat tao ang tawag ng pag-ibig. Because loving is the sweetest thing on earth!

•••WAKAS•••

Broken Heart - Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now