Chapter 5

305 11 0
                                    

CHAPTER FIVE

HINDI malaman ni Natalie ang kanyang gagawin nang magpatuloy sa pagsigaw si Consuelo na tila nasisiraan ng bait. Nasa mukha rin nito ang matinding takot. Hindi na niya ito maawat.
"Lola!" mayamaya ay narinig ni Natalie na pagtawag ni Allan. Nakita niyang humahangos sa pagtakbo ang binata patungo sa kanila. Nang makalapit ay niyakap nito nang mahigpit ang abuela.
"Lola, it's okay!" anito habang hinahagod sa likod ang matanda. "It's okay!"
Nagpatuloy pa rin sa pagtangis si Consuelo.
"Ano'ng ginawa mo sa kanya?" mayamaya ay tanong ni Allan sa kanya. Tila galit ito. "Ano'ng sinabi mo sa kanya."
Sunod-sunod na pag-iling ang isinagot ni Natalie.
"Magmula ngayon ay huwag ka nang lalapit sa kanya, Natalie," saad ni Allan. "Hindi makabubuti sa kanya ang makipag-usap sa isang estranghero. Marami siyang kinatatakutan."
Napatango na lamang si Natalie sa sinabi nito.
Pagkatapos niyon ay tinawag na ng binata ang nurse na nag-aalaga kay Consuelo. "Bakit mo pinababayaan nang nag-iisa si Lola?" galit nitong tanong sa nurse.
"Siya po ang gustong magpaiwan, Sir," sagot ng nurse. "Gusto raw po niyang mapag-isa sa garden."
"From now on ay huwag mo nang pakikinggan ang sasabihin niya, okay?"
Tumango ang nurse. Binuhat na ni Allan si Consuelo at ibinaba sa wheelchair nito na nasa tabi lamang ng bench. Pagkatapos ay itinulak na ng nurse ang wheelchair patungo sa loob ng mansiyon.
Muling binalingan ni Allan si Natalie pagkatapos niyon. "Do what I said," matigas ang tinig na saad ng binata. "Hindi mo alam ang nangyayari kay Lola. May traumatic incident na nangyari sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi pa siya lubos na gumagaling." Pagkasabi niyon ay mabilis na siya nitong tinalikuran.
Sunod-sunod na pagbuntunghininga ang pinaka-walan ni Natalie habang sinusundan ito ng tingin.
PAGKATAPOS ng insidente sa hardin ay kinausap ni Allan si Floricel habang nagpapahinga sa silid ang babae. "Pa'no kayong nagkita ulit ni Natalie?" tanong niya.
Napabalikwas ng bangon si Floricel sa kinahi-higaan. "Pumunta siya sa shop," napakunot-noong sagot ng fianceé.
"At inimbita mo na kaagad siya na magbakasyon dito?" hindi kumbinsidong tanong nito. "Hindi sapat ang isa o dalawang beses na pagkikita para maging close kayo sa isa't isa."
"She's a nice person." Dumapa si Floricel sa kama. "The truth is hindi lamang dalawang beses kaming nagkita. Maraming beses na. Wala akong masyadong kaibigan sa Manila, you know. I find Natalie nice at gusto kong maging magkaibigan kami. Besides, boto ako sa kanya para kay Kuya Christopher.
"Tumatanda na ang kapatid ko at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang asawa o girlfriend. Mas pabor sa akin kung siya ang unang makakapag-asawa dahil pinaniniwalaan pa rin naman ng pamilyang ito ang kasabihan na hindi dapat unahan ng bunso ang panganay sa pag-aasawa dahil baka hindi na ito makapag-asawa pa."
Hindi alam ng binata kung nagsasabi ng totoo ang dalaga. Kunsabagay, ano nga naman ang magiging ibang dahilan pa ni Floricel upang imbitahin si Natalie na magbakasyon sa asyenda? Marahil ay nagsasabi nga ito ng totoo.
Bumangon si Floricel at hinila si Allan sa kamay hanggang sa mapahiga siya sa tabi nito. Pagkatapos ay maalab siyang hinagkan sa mga labi. Tumagal nang ilang sandali ang halikan na iyon. Kapwa sila humihingal nang maghiwalay.
"Bakit ba ayaw mo pang sabihin sa kanya na lola mo ang may-ari ng kuwintas na hinahanap niya?" pagkuwa'y tanong ni Floricel.
"Ayokong kulitin niya nang kulitin si Lola," pagsisinungaling ni Allan. Batid niya sa kanyang sarili na hindi iyon ang totoong dahilan. "Nananahimik na ang matanda."
"At ang kuwintas, Allan," anito. "Bakit nagbago ang isip mo na ipagbili ang kuwintas? Where is the necklace now?"
Hindi sumagot si Allan. Bumangon siya at inayos ang sarili. "Mananatiling 'Maximiana' ang pangalan ni Lola habang kasama natin si Natalie," saad niya. "Ayokong may sasabihin ka sa kanya tungkol kay Lola. Mas makabubuting huwag na silang magkausap ni Lola habang naririto tayo. Or else, mapipilitan akong iuwi sa Manila si Lola."
Pagkasabi niyon ay lumapit si Allan sa nakabukas na terrace. Hindi niya inaasahang matatanaw mula roon si Natalie na kausap si Christopher. At kung bakit binundol ng selos ang kanyang dibdib ay hindi alam ni Allan. Mabilis pa sa alas-kuwatrong pumasok siya sa silid at isinara ang sliding door.
"What's the matter?" tanong ni Floricel nang makita iyon.
Umiling ang binata. "Nakakasilaw ang liwanag ng araw."
PAGKATAPOS mag-siesta ni Allan kinahapunan ay balak sana niyang yayain si Floricel na mamasyal sa asyenda. Ngunit wala ito sa silid nito nang puntahan. Saka lamang nalaman ni Allan na naliligo ito sa swimming pool nang dumungaw siya sa bintana. Natanaw niyang naglulunoy sa tubig ang fianceé.
Medyo maalinsangan nang hapon na iyon. Kaya marahil naisipan ni Floricel ang magbabad sa tubig. Minabuti ni Allan na magsuot ng swimming trunks. Isinukbit niya ang tuwalya sa leeg bago lumabas ng silid.
Napangiti si Allan nang matanaw mula sa lanai si Floricel. Nasa kabilang dulo ito ng pahabang swimming pool at nakakapit sa handrail sa may hagdan na tila natatakot bumitaw. Napailing siya. Anong drama ba ito ni Floricel na alam naman niyang magaling lumangoy?
Dahan-dahang lumapit si Allan at tahimik na lumusong sa tubig. Nang makalapit ay mabilis pa sa alas-kuwatro na ipinulupot ang mga kamay sa baywang nito at hinalikan ito matunog sa pisngi si Floricel.
"Bastos!" Umigkas ang isang kamay nito at pinadapuan siya ng isang malakas na sampal sa pisngi.
Nanlaki ang mga mata ni Allan nang makitang si Natalie pala ang babaeng iyon at hindi si Floricel!
"N-Natalie?" sapo ang pisnging nasampal na sambit niya.
Naningkit ang mga mata ni Natalie sa inis habang nakatitig sa kanya. Kaya pala hindi umaalis ang babae sa bahagi ng tubig na mababaw. Alam niyang hindi ito gaanong marunong lumangoy.
"Oh my—shit!" napatampal sa noong saad niya. "I'm sorry," pagkuwa'y mabilis niyang paumanhin. "I thought you're Floricel." Pagkasabi niyon ay mabilis nang umahon si Allan mula sa tubig at mabibilis din ang mga hakbang na tinungo ang mansiyon.
Hiyang-hiya si Allan sa nangyari. Hindi niya alam kung may mukha pang ihaharap kay Natalie.
Nang makapasok mula sa loob ay saka lamang nalaman ni Allan mula sa isang maid na namasyal daw sa asyenda si Floricel, lulan ng kabayo.
PAGKATAPOS ng pangyayari sa swimming pool ay hindi na nagawang magtagal pa ni Natalie sa tubig. Hindi niya alam kung magagawa pang tumingin nang tuwid sa mga mata ni Allan. Naniniwala naman si Natalie na napagkamalan siya ni Allan na si Floricel dahil halos magkapareho sila ng buhok at korte ng katawan.
Nagkulong si Natalie sa kuwarto pagkatapos niyon. Kahit ano ang gawin na paglilibang sa sarili ay hindi pa rin makalimutan ni Natalie ang nangyari kaya minabuti niyang tawagan sa cell phone si Keith. Baka sakaling makalimutan niya si Allan.
"Sweetheart, I'm presently having a meeting," narinig niyang sagot ni Keith sa kabilang linya. "I'll call you... no, you call me. Baka kasi makalimutan ko na namang tumawag sa 'yo."
Kagat ang ibabang labi na pinindot ni Natalie ang end button ng cell phone. Siya pa ang kailangang tumawag para lamang maalala ni Keith. Nakakasama talaga ng loob ang bagay na iyon. Pakiramdam ni Natalie ay hindi isang girlfriend ang turing nito sa kanya.
Paano na lang kapag mag-asawa na sila? Para siyang alalay na bubuntot-buntot kay Keith kapag may kausap na ibang tao at magmumukha na lang tanga dahil halos hindi na mapansin nito?
Hindi yata ma-imagine ni Natalie ang sarili na asawa ni Keith!
MAY ISANG magandang outdoor room ang villa nina Floricel. Ang nagsisilbing dingding ng bahaging iyon ay ang matataas na halaman sa paligid. May isang swing doon na yari sa narra na kasya ang dalawang tao.
Doon nagyayang mag-merienda ni Floricel nang bumalik ito mula sa pamamasyal. Umiiwas man na muling makaharap si Allan dahil sa nangyari sa swimming pool ay wala nang nagawa si Natalie nang isama na rin siya rito ni Floricel. Katabi niya sa upuan si Christopher. Kaharap niyon ang swing.
Pagkatapos kumain ay naupo sa swing si Floricel at hinila nito paupo sa tabi nito si Allan.
"This is my favorite place," sabi ni Floricel habang idinuduyan nito nang banayad ang swing. "Dito ako madalas maglaro noong bata pa ako. Dito ako nagmu-mukmok 'pag napapagalitan ako ni Mama. And the most important thing is..." Nakangiting tumingin ito kay Allan. "Dito ko sinagot si Allan."
Pagkasabi niyon ay masuyo nitong hinagkan sa mga labi si Allan.
Hindi alam ni Natalie kung bakit ganoon na lamang ang pagkirot ng kanyang puso sa tagpong iyon. Hindi kaya nami-miss lang niya si Keith at alam na hindi ito katulad ni Allan na masyadong romantiko kay Floricel? Hindi yata matatagalang pagmasdan ni Natalie ang paglalambingan nina Allan at Floricel. Kulang na lang ay langgamin sa sobrang sweetness sa isa't isa. Pilit ang ngiting bumaling na lamang siya kay Christopher.
At nakita ni Natalie na tila naengkantong nakatitig na naman sa kanya si Christopher. "Y-yes?" hindi nakatiis na tanong niya nang manatili itong nakatingin sa kanya, ngunit wala namang sinasabi.
"You're a very beautiful woman," sagot ni Christopher. "God, ang laki sana ng nawala sa akin kung hindi ako pumayag sa imbitasyon ni Floricel na magbakasyon ako rito. Marahil ay makakapag-asawa na rin ako sa wakas."
"C-Christopher..." Humugot siya ng malalim na hininga bago nagpatuloy. "Alam mong may boyfriend na ako."
"A boyfriend, yes," hindi man lamang natinag na saad nito. "But not a husband. So there's always a big chance for us to—"
"To be just friends," putol ni Natalie sa nais sabihin ni Christopher. Pagkatapos ay hindi siya nakatiis na sulyapan sina Allan at Floricel. Patuloy pa rin ang mga ito sa walang katapusang paglalambingan at pagbubulungan ng matatamis na salita.
Minabuting tumayo na ni Natalie at iwanan ang mga ito. Tinangkang sumunod ni Christopher, ngunit binilisan na niya ang paghakbang. Nagmamadali ng pumanhik si Natalie ng hagdan at balak na sanang pumasok sa silid nang makitang lumabas ang nurse ni Consuelo mula sa silid ng matanda.
Muli niyang kinabig pasara ang pinto ng kanyang silid. Nagpalinga-linga siya ng tingin. Nang walang makitang ibang tao—maliban sa nurse na pumapanaog na sa hagdan dala ang tray ng pagkain—ay mabilis na kumatok si Natalie sa silid ni Consuelo.
"It's open!" tinig ng matanda mula sa loob.
Marahan niyang binuksan ang pinto at tumuloy.
"H-hi," mahina niyang sabi nang maratnan si Consuelo na nakaupo sa kama. Ang unang napansin ni Natalie ay ang hawak nitong litrato. Ang larawang katulad ng ipinakita sa kanya ng kanyang abuelo. Ang larawan ng mga ito na kuha nang magdiwang si Consuelo ng eighteenth birthday.
Ngumiti si Consuelo nang makita si Natalie. Buong tiwalang ipinakita nito sa kanya ang lumang larawan na black and white pa.
"This was me," pagbibida nito. "And this was Leonardo... during my debut."
"S-si Leonardo ba ang... asawa ninyo?" kunwa'y tanong ni Natalie na ang pangunahing rason ay ang hikayatin na magkuwento ang matanda tungkol sa sarili.
Umiling si Consuelo. "Wala akong asawa, hija," sagot nito.
Napaawang ang kanyang mga labi sa narinig. Paano nito magiging apo si Allan kung walang asawa si Consuelo? Ampon lamang ba nito ang mama ni Allan? O anak sa pagkadalaga kaya?
"Iisa lamang ang lalaking minahal ko sa buong buhay ko," pagpapatuloy nito. "At iyon ay walang iba kundi si Leonardo... ang aking si Leonardo." Nakapikit ang mga matang niyakap ni Consuelo nang mahigpit ang hawak na larawan. "Siya ang pinakamagandang lalaking nakilala ko. Sa kanya umikot ang aking kabataan. Sa kanya umikot ang aking mga pangarap. Ngunit..." Hindi na itinuloy ni Consuelo ang pagsasalaysay.
Saka naman dumating ang nurse nito kaya minabuti ni Natalie na magpaalam na. Baka mapagsabihan na naman siya ni Allan kapag nagsumbong ang nurse na nakikipag-usap kay Consuelo.
TUMATAKBO nang mabilis sa isang kakaibang lugar si Natalie. Isang lugar na ang mga nakikita niya ay pawang naglalakihang mansiyon. May mga nakaunipormeng lalaki na tila sundalo ang sabay-sabay na nagmamartsa sa kabilang kalsada, ngunit hindi naman pinapansin si Natalie ng mga ito.
Patuloy siya sa pagtakbo. Halos madapa siya dahil ang kanyang suot ay isang mahabang damit na may mahabang manggas. Ang kanyang buhok ay nakapusod. Ang mga suot niyang alahas ay kakaiba. Naglalakihan ang mga iyon at kay bibigat.
Nauuhaw si Natalie. Ngunit sa tuwing sinasabi iyon sa mga taong nakakasalubong ay hindi siya pinapansin ng mga ito. Pagdaka'y may narinig siyang mga yabag sa di-kalayuan. Nang makalapit iyon ay saka lamang natantong mga yabag ng kabayo ang kanyang naririnig. Isang calesa. Humimpil iyon sa harapan ni Natalie at umibis ang isang lalaking nakasuot ng tuxedo. Isang lalaking napakaguwapo.
At hindi maaaring magkamali si Natalie. Ang lalaking iyon ay si Allan! Tinanggal nito ang suot na sombrero, yumukod sa kanyang harap at nagsabi ng: "Buenas diaz, Señorita."
Hindi makapagsalita si Natalie na wari'y nanuyo ang kanyang lalamunan. Pagkatapos ay bumalik si Allan sa nakatigil na calesa at may kinuha. Hindi nagtagal ay iniaabot na nito sa kanya ang isang baso na may lamang tubig.
Nawala ang pagod ni Natalie matapos niyang mainom ang tubig na iyon.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong nito at lalo pang gumuwapo nang ngumiti at malantad ang mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin.
"M-mabuti," sa wakas ay sagot niya.
"Sumama ka sa akin, mahal ko." Inilahad ni Allan ang kamay. "Nakahanda na ang simbahan para sa ating kasal."
Naguguluhang napatutop si Natalie sa noo. Hindi maintindihan ng dalaga kung bakit niyayaya siya ni Allan ng kasal, samantalang alam niyang may kasintahan na ito.
Mayamaya ay may kinuha si Allan sa bulsa. Isang kuwintas. At wala na siyang nagawa nang isuot nito ang kuwintas sa kanyang leeg. Pagkatapos ay niyakap siya ni Allan nang mahigpit. Naghiwalay lamang sila nang biglang may umalingawngaw na mga putok!
Kasunod niyon ay tinamaan ng bala sa dibdib si Allan. Duguan itong bumagsak sa lupa.
"Allan!"
NAPABALIKWAS ng bangon si Natalie. Isang panaginip lamang pala ang lahat. Ngunit parang totoo. Napatutop siya sa noo. Sa hangarin ni Natalie na mapagtagpo sina Don Leonardo at Consuelo ay kung ano-ano tuloy ang kanyang napapanaginipan.
"God, what is happening to me?" Alam ni Natalie na mahihirapan na siyang makatulog ulit kaya minabuting lumabas na muna ng silid at uminom ng tubig sa kusina.
Natigilan si Natalie sa pintuan ng kitchen nang makita si Allan na nagbubukas ng refrigerator at kumukuha rin ng tubig. Balak na sanang umalis ni Natalie nang makita siya ng lalaki.
"Water?" tanong nito.
Tumango siya. Kumuha ito ng baso at sinalinan iyon ng tubig bago iniabot sa kanya.
"T-thanks," mahina niyang sabi. Pagkatapos uminom ay nasulyapan niya ang wall clock sa kitchen. Alas-tres na ng madaling-araw.
"Hindi ka rin makatulog?" tanong ni Allan.
"G-ganito lang ako kapag nasa ibang bahay," saad niya. "I-ikaw?"
"Nanaginip ako at nagising."
Napaawang ang mga labi ng dalaga sa narinig. Kung ganoon ay pareho silang nanaginip? Magkapareho rin kaya sila ng napanaginipan? Totoo nga kaya ang kasabihang kapag napanaginipan ang isang tao ay napapanaginipan ka rin nito?
"A-ano naman ang panaginip mo?" hindi nakatiis na tanong niya.
Hindi kaagad sumagot si Allan. Sa halip ay tiningnan siya nito nang makahulugan. "Isang bangungot," pagkuwa'y napailing na sagot ng binata.
Umusok ang tainga ni Natalie sa inis. Kung siya ang laman ng panaginip nito, nangangahulugan lamang na isa siyang masamang panaginip para dito. "B-bakit mo naman nasabi 'yan?" tanong pa rin niya.
"Hinahabol ako ng isang monster."
Lalong nainis si Natalie. Kung siya nga ang napana-ginipan nito, isa pala siyang monster!
"Goodnight," pagkuwa'y saad ni Allan at ibinaba sa mesa ang hawak na baso. "Ang monster ay nasa madidilim na bahagi," anito bago umalis.
Kinilabutan si Natalie nang mapatingin sa patio. Madilim na madilim doon. Tumayo ang kanyang mga balahibo sa takot nang maalala ang sinabi nito. Nabitiwan tuloy ni Natalie ang hawak na baso at nabasag iyon nang bumagsak sa marmol na sahig.
NAPABUNTUNGHININGA si Allan nang makita ang nangyari. Kunot-noong tinulungan niya si Natalie sa paglilinis ng mga bubog sa sahig.
"Next time, be careful," mahina niyang sermon, hawak-hawak ang walis.
Isa-isa naman nitong pinupulot ang pira-pirasong baso. "Tinakot mo ako," inis na sagot ni Natalie.
"Hindi ka lang pala sa aso at sa tubig takot kundi maging sa monster," natatawang saad ni Allan.
Tila nainis na binilisan ni Natalie ang ginagawa.
"Ano kaya kung ipaubaya mo na sa akin ang paglilinis dito?" tanong niya. "Mamaya ay kung ano na naman ang mangyari."
At hindi siya nagkamali. Hindi yata sinasadyang napahawak si Natalie sa matalim na bahagi ng basag na baso at nasugatan ang isa sa mga daliri. Nakita na lamang ni Allan na bumulwak ang masaganang dugo mula roon.
"Oh, God!" saad ni Allan. "I just told you to be careful!" Pagkasabi niyon ay mabilis siyang umalis at tinungo ang medicine cabinet. Nang bumalik si Allan ay nakaupo na si Natalie sa harap ng mesa. Ibinaba niya roon ang dalang alcohol, betadine, ointment, cotton at gauze pad.
Hindi napigilan ni Allan ang mapangiti nang makitang hawak-hawak ni Natalie nang mariin ang daliri upang maampat ang pagdurugo niyon. Tila ito isang batang nasugatan. Kumuha siya ng cotton at nilagyan ng alcohol at balak na sanang idampi sa daliri ng dalaga nang biglang inilayo ang daliri sa kanya.
"What are you doing?" pagkuwa'y nanlalaki ang mga matang tanong ni Natalie.
"Lilinisan ko ang sugat mo," sagot niya.
"That's alcohol," tila nagpapaalalang saad ni Natalie. "At masakit 'yan 'pag inilagay sa sugat."
"You're not a child anymore, Natalie," naiiling na saad ni Allan at mabilis na inabot ang daliri nitong may sugat. "Maliit na bagay lang ito para katakutan mo." Pagkasabi niyon ay idinampi na niya ang cotton na may alcohol sa sugat nito.
Nakita ni Allan na nakagat ng dalaga nang mariin ang ibabang labi. Marahil kung hindi gagawin iyon ay tiyak na mapapahiyaw si Natalie sa kirot. Pagkuwa'y naipikit nito ang mga mata. Hindi niya maitindihan ang sarili kung bakit hindi magawang ibaling sa iba ang mga paningin. Parang gustong-gustong pagmasdan ni Allan ang maganda at makinis na mukha ni Natalie. Ang cute-cute nitong tingnan habang hindi maipinta ang mukha dahil sa nadaramang kirot.
"Enough!" pagkuwa'y saad ni Natalie nang hindi pa rin niya inaalis ang cotton sa daliri nito.
"Okay," nangingiti niyang saad. Betadine naman ang isinalin ni Allan sa cotton at idinampi sa daliri ni Natalie. Alam niyang hindi magdudulot ng kirot iyon. Pagkatapos ay maingat na pinahiran ni Allan ng skin antibiotic ang sugat. At nilagyan ng gauze.
Hindi man lamang nakaalalang magpasalamat ni Natalie pagkatapos ng lahat.
"Next time, be careful," muling paalala ni Allan.
"Well, I am careful," mataray nitong sagot. "Hindi ko lang alam kung bakit sa tuwing nandidiyan ka ay may nangyayaring aksidente." Pagkasabi niyon ay mabilis nang umalis.
At habang sinusundan ito ng tingin ni Allan ay naalala niya na madalas ngang may nangyayaring disgrasya kapag nagkakatagpo sila.
Una ay nabuhusan niya ng soft drinks ang suot ng dalaga; pangalawa ay nadisgrasya ang paa nito sa may gate ng kanilang bahay; pangatlo ay hinabol si Natalie ng aso at nahulog sa swimming pool; pang-apat ay napagkamalan niya ang dalaga na si Floricel kaya biglang nayakap at nahalikan; at panlima ang pangyayaring iyon.
Sadya yatang pinaglalaruan sila ng pagkakataon. Idagdag pa na ito ang totoong laman ng kanyang panaginip.

Broken Heart - Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now