Chapter 2

299 7 0
                                    

CHAPTER TWO

MATUTUNOG ang takong ng mga sapatos ni Natalie habang binabagtas ang kahabaan ng mall kinabukasan pagpatak ng alas-diyes ng umaga. Hindi mapigilan ang excitement na naghahari sa dibdib ni Natalie. Ang kuwintas ang magtuturo sa kanya sa kinaroroonan ni Consuelo. Makikita na rin sa wakas ng kanyang abuelo ang babaeng matagal na nitong hinahanap. At pagkatapos niyon ay manunumbalik na ang kaligayahan ng matanda kahit man lamang sa maikling sandali ng buhay nito.
Ganoon na lamang ang pagkadismaya niya nang makitang wala na ang antigong kuwintas sa kinalalagyan niyon.
"Shit!" hindi napigilang sabi ni Natalie habang pumapasok sa jewelry shop. Agad na hinanap ni Natalie ang saleslady na nakausap nang nagdaang araw.
"Wala na ho ang kuwintas," sabi ng saleslady nang makausap ng dalaga.
"Nabili na?" tanong niya.
Umiling ito. "Hindi po. Binawi ho ulit ng totoong nagmamay-ari. Nagbago po ang isip at ayaw nang ipagbili."
"Kung gano'n sino ang may-ari ng kuwintas at saan ko siya makikita?" excited niyang tanong.
May ilang sandali na nag-isip ang saleslady bago nagpaalam na itatanong lang sa manager.
"Puwede n'yo raw hong kausapin ang manager," sabi nito nang bumalik. Pagkatapos ay itinuro ang opisina ng manager.
Kinakabahan si Natalie habang patungo sa silid na itinuro ng saleslady. Kumatok siya.
"Come in." Tinig iyon ng babae mula sa loob.
Marahang binuksan ni Natalie ang pinto at pakiramdam niya ay tumigil sa pag-inog ang mundo nang makita ang lalaking iyon na nakabanggaan sa labas ng jewelry shop nang nagdaang araw. Iyon din ang lalaking nagbayad ng kanyang pinamiling damit. Nakaupo ang lalaki sa visitor's chair sa harapan ng desk ng marahil ay manager.
Allan, sabi ng kanyang isip. Hindi na nawala sa isip ni Natalie ang pangalang iyon simula nang marinig na sinabi nito nang nagdaang araw.
"Hi," nakangiting bati ng babaeng nakaupo sa harap ng desk. "Have a seat."
Tahimik siyang naupo sa katapat na upuan ni Allan. Pakiramdam ni Natalie ay pinamumulahan siya ng mukha dahil matagal na itong nakatitig sa kanya. Marahil ay namukhaan din si Natalie ng lalaki.
"My name is Floricel," pakilala ng babae. "I'm the owner of the shop. And this is my fiancé, Allan. He's on leave. Inaasikaso kasi namin ang aming nalalapit na kasal." Nasa himig nito ang pagmamalaki sa kasintahan.
Hindi alam ng dalaga kung bakit bigla siyang nadismaya nang marinig ang sinabi nito. Ikakasal na rito si Allan? Parang hihimatayin si Natalie sa sobrang panlulumo samantalang may boyfriend naman siya para mag-ilusyon pa ng ibang lalaki.
"Nice to meet you. My name is Natalie." Unang inilahad ni Natalie ang palad kay Floricel. Naalala pa niya kung paanong nabasa ang damit nang dahil sa pagkakabanggaan nila ni Allan.
Inis na inis si Natalie habang bumibili ng damit sa department store pagkatapos niyon. Subalit nang mga sandaling iyon ay parang hindi na niya magawang magalit kay Allan. Napilitan siya na makipagkamay rin sa lalaki.
Pakiramdam ni Natalie ay may gumapang na nakapangingilabot na kuryente sa kanyang buong katawan nang magdaop ang kanilang mga palad habang magkahinang din ang kanilang mga mata.
Si Natalie na ang unang umiwas sa nakatutunaw na mga tingin ni Allan.
"So, what can I do for you, Natalie?" pagkaraa'y tanong ni Floricel.
"Ah, it's about the necklace with a half of a broken heart pendant," sagot ni Natalie. "I wanted to purchase it, pero ang sabi sa akin ng saleslady ay kinuha raw ulit ng may-ari. Gusto ko sanang malaman kung saan ko matatagpuan ang may-ari ng kuwintas."
Napansin ni Natalie na nagkatinginan sina Floricel at Allan matapos marinig ang kanyang mga sinabi. Mas tinitigan ni Natalie nang husto si Allan kaya nakita niyang napakunot-noo ito.
"I think there would be a little problem," pagkaraa'y muling saad ni Floricel. "The necklace is no longer for sale. May sentimental value iyon sa may-ari. At hindi na niya kami pinahihintulutan na magbigay ng impormasyon tungkol sa kuwintas o sa kanya. I'm sorry, Natalie. If you want, we have here some new models na kinopya namin sa kuwintas na iyon."
"No," agad niyang saad. "I want the original."
"Bakit?" sabad na tanong ni Allan.
"I just like it, that's all." Naisip ng dalaga na baka taasan pa nito ang presyo ng kuwintas kapag sinabi niya ang totoong dahilan. "For my collection."
"I'm sorry," sabi ni Allan. "Gaya ng sinabi sa 'yo ni Floricel, hindi na ipinagbibili ang kuwintas at wala kaming karapatan na magbigay ng impormasyon tungkol sa may-ari."
Sa huli ay naisip din naman ni Natalie na mas mahalaga ang kuwintas at ang may-ari nito kaysa sa malaking ibabayad. Iyon na lamang ang magagawa niya upang mapaligaya ang kanyang abuelo. "Nakahanda akong magbayad kahit magkano, makita ko lang ang may-ari ng kuwintas."
"You're just wasting your time." Si Allan ulit ang sumagot.
"I'm sorry again, Natalie," si Floricel.
Gusto pa sanang ipagpilitan ni Natalie ang gusto ngunit napansin niyang halos magkasalubong na ang mga kilay ni Allan na para bang hindi na naiibigan ang kanyang kakulitan. Minabuting magpaalam na ni Natalie sa mga ito.
Nakita niya ang makahulugang tingin ni Allan bago siya tumalikod paalis.
"IS THERE any problem, Becky?" Kausap ni Natalie sa telepono ang sekretarya niya habang nakaupo siya sa loob ng isang coffee shop na di-kalayuan sa jewelry shop ni Floricel. Mula roon ay nakikita niya ang lumalabas at pumapasok sa shop. Mistulang isang spy si Natalie na may minamanmanan.
"No, Ma'am," sagot ni Becky. "I just called to ask you if you can make it to the board meeting this afternoon."
"No," agad niyang sagot. "May mahalagang bagay akong inaasikaso as of this moment."
"Okay."
Matapos magpaalam ni Becky ay nakasentro na naman ang buong atensyon ni Natalie sa jewelry shop. Mayamaya ay nakita niyang magkasamang lumalabas sina Allan at Floricel. Mabilis na binayaran ni Natalie ang kapeng nainom bago nagmamadaling lumabas ng coffee shop. Sumunod siya sa mga ito.
Tuloy-tuloy sa carpark sina Allan at Floricel. Tamang-tama naman na hindi naman pala kalayuan sa kotse ng mga ito ang kinapaparadahan ng kanyang kotse. Sumakay ang dalawa sa iisang kotse. Pinaandar ni Natalie ang kotse at sinundan sina Allan at Floricel.
PUMASOK sa isang kilalang subdivision ang kotseng kinalululanan nina Allan at Floricel. Nag-iwan lang si Natalie ng driver's license sa guard na nagbabantay sa gate ng subdivision at pinapasok na siya. Nakita niyang pumasok sa isang mansiyon ang kotse ng mga ito.
Ipinarada ni Natalie ang kotse sa di-kalayuan at pagkatapos ay umibis at lumapit sa mansiyon.
Bakal ang gate. Mataas, ngunit kita ang malawak na front garden.
"Yes, Ma'am?" tanong ng security guard na nakapansin sa kanya. "Sino po ba ang kailangan nila?"
"Si... Allan," sabi ni Natalie. Nawala na sa kanyang isip na maaaring bahay iyon ni Floricel dahil tiyak na inihatid lamang ito ni Allan.
"Ah, si Sir Allan ho ba?"
"Oo... hindi. Teka..." Hindi na alam ng dalaga kung ano ang sasabihin. Kausap lamang ni Natalie ang security guard mula sa labas dahil hindi man lang siya pinagbuksan ng gate. Marahil ay dahil sa hindi siya nito kilala.
"Ano ho bang pangalan ang sasabihin kong naghahanap?" tanong nitong muli.
"Natalie... teka! May kilala ka bang Consuelo Alba?"
Hindi na yata narinig ng security guard ang tanong ni Natalie dahil matapos niyang sabihin ang pangalan ay mabilis na itong tumalikod patungo sa loob ng mansiyon.
May ilang sandali pang nag-isip si Natalie. Mayamaya ay nakita niyang paparating ang security guard at kasama na si Allan! Tila bigla siyang naputulan ng buntot. Balak na sanang umalis ni Natalie nang bigla na lamang magkamali ng naapakan ang isang paa at nasuot iyon sa isang makitid na daluyan ng tubig-ulan na nasa gilid ng driveway.
Sa hangarin na makaalis kaagad ni Natalie ay pilit niyang hinihila ang paa, ngunit lalo lamang napasama ang kanyang pagkilos. Tila nabalian siya ng buto. Halos mapasigaw sa sakit si Natalie na idinulot niyon.
"It's you again," narinig niyang saad ni Allan nang lubusang makalapit.
"I'm leaving," natatarantang saad ni Natalie at pilit na hinila ang paa mula sa kinasuotan nito. Sa wakas ay nagtagumpay siyang makawala, ngunit bigla namang natisod sa pagmamadali at awtomatikong napaupo. Lalong sumakit ang kanyang isang paa.
Pag-angat ng mukha ni Natalie ay nakita niyang iiling-iling si Allan habang nakatingin sa kanya.
"What are you standing there for?" salubong ang mga kilay na tanong niya. "Aren't you going to help me?"
Nagulat na lamang si Natalie nang kumilos si Allan at bigla siyang binuhat.
NAPAPIKIT si Natalie. Sinadya niyang humilig sa dibdib ni Allan habang karga-karga siya nito patungo sa loob ng mansiyon.
God, he smells so sweet!
Tila napakalinis na lalaki. Parang nakalutang sa alapaap habang nararamdaman ang mga kamay nito na sumusuporta sa kanyang katawan.
Walang kibo si Allan hanggang sa makarating sila sa isang eleganteng sala. Ibinaba ng binata si Natalie sa mahabang couch at pagkatapos ay maingat na minasahe ang paang inireklamo ng dalaga na masakit.
Napapikit na naman si Natalie sa hindi maipaliwanag na sensasyong gumapang sa buong katawan habang minamasahe nito ang kanyang paa. Tumagal nang ilang sandali ang tagpong iyon.
"How do you feel now?" pagkaraa'y tanong nito.
"Better," tipid niyang sagot na siyang totoo naman. May kirot pang nararamdaman si Natalie, ngunit hindi na katulad ng dati.
Sukat sa narinig ay iniwan na ni Allan ang kanyang paa at naupo sa kabilang sofa. "So, tungkol na naman ba sa kuwintas?" tanong nito. "Mukhang nagkamali ka yata ng pinuntahan. This is my house and not Floricel's."
"But I saw her with you a while ago."
"Are you following us?" kunot-noong tanong ni Allan.
"Nagkataon lang na nakita ko kayong paalis," pagtatapat ni Natalie. "Sumunod ako. And this is what I got." Napailing na sinulyapan niya ang paang naapektuhan.
"All right, Floricel's upstairs," pagkuwa'y saad ng binata. "Kausap siya ni Mama."
"I want to ask you something," ani Natalie. "Do you know someone by the name of Consuelo Alba? I'm sure na siya ang nagmamay-ari ng kuwintas."
"Wala akong kilalang Consuelo Alba," napailing na sagot ni Allan. "I'm sure na gano'n din si Floricel. Iba na ang nagmamay-ari ng kuwintas. Perhaps ipinagbili lang iyon sa kanya."
"Itatanong ko sa kung sino mang bagong may-ari ng kuwintas kung saan niya iyon binili," pangungulit ni Natalie.
"I told you, nagsasayang ka lang ng panahon," napakunot-noong saad nito. "Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip mo para pag-aksayahan ng panahon ang paghahanap sa may-ari ng necklace. Antigo ang kuwintas. Panahon pa ng Spanish. The original owner must be dead."
"Mukhang marami ka nang alam tungkol sa kuwintas," sabi niya.
"Well, ilang beses ko nang nakita ang kuwintas na iyon sa jewelry shop. And the owner of that jewelry shop is my fiancée. Natural lang siguro na makapagkuwentuhan kami nang madalas ni Floricel tungkol sa kanyang negosyo. She said na babayaran na sana niya ang antigong kuwintas nang bawiin ito sa kanya ng may-ari."
"So, hindi mo ba talaga sasabihin sa akin kung saan ko matatagpuan ang may-ari niyon?" huling hirit ni Natalie.
"Definitely, not."
"Then I have to come back hanggang sabihin mo." Pagkasabi niyon ay balak na sanang tumayo ni Natalie at umalis nang saka naman pumanaog ng hagdan si Floricel.
May ilang sandaling pinagmasdan ni Floricel si Natalie bago siya nito natandaan. "Oh, Natalie!" pagkuwa'y nakangiting saad nito. "What are you doing here?"
"Sinundan niya tayo, Honey." Si Allan ang sumagot. "Dahil na naman sa kuwintas."
"My God, gano'n mo talaga kagusto ang kuwintas?" hindi makapaniwalang tanong ni Floricel.
Hindi na malaman ni Natalie ang isasagot. "I think I should go," nasabi niya. Tumayo siya at pipilay-pilay na umalis.
"Can you drive?" pahabol na tanong ni Allan na wari ay nag-aalala.
Hindi na sinagot ni Natalie ang tanong na iyon.
"What happened to her?" narinig pa niyang tanong ni Floricel kay Allan.
"Natisod siya sa may gate," sagot ni Allan.
"My God!"
NAMAGA at nagkaroon ng mga pasa ang paa ni Natalie kinagabihan. Pinatingnan niya iyon kaagad sa private nurse ng kanyang abuelo. Wala naman daw dapat na ipag-alala.
Hindi makatulog si Natalie nang gabing iyon. Simula nang makita niya ang kuwintas ng abuelo ay interesado na siyang makitang muli ang kapares niyon. Nararamdaman niyang may malaking kuwento sa likod ng mga kuwintas.
At simula rin nang makilala ni Natalie si Allan ay parang gusto na niya itong palaging nakikita. Marahil ay dahil sa nakatitiyak siyang may koneksyon si Allan sa may-ari ng kuwintas. Subalit bakit iba ang ibinubulong ng kanyang puso? Para bang sinasabi nito na na-love at first sight siya kay Allan?
Istupida! sermon ni Natalie sa sarili. Ikakasal na ang lalaking iyon para pagpantasyahan mo pa. May boyfriend ka naman.
Oo nga, may boyfriend si Natalie. Ngunit wala itong ibang inatupag kundi ang negosyo nito. Halos hindi na siya maalala ng boyfriend. Parang nasa huling listahan ang dalaga ng priorities nito. Ikakasal na marahil sila ay nasa negosyo pa rin ang atensiyon ni Keith. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit tila nakaramdam si Natalie ng kaunting inggit kay Floricel nang malamang nag-leave sa trabaho si Allan para asikasuhin ang kasal ng mga ito.
Nakadama siyang bigla ng panghihinayang sa isiping ikakasal na si Allan.
Makaraan ang ilang sandaling pag-iisip ay bumangon si Natalie at pumasok sa maluwang na aklatan. Doon madalas na namamalagi ang kanyang abuelo noong malakas-lakas pa ito. Ginagawa na nito iyong opisina kapag nasa bahay. Magbabaka-sakali siyang may matagpuan doong ilang bagay tungkol kay Consuelo. At least kung mayroon man ay hindi na mahihirapang kausapin nang kausapin ni Natalie ang kanyang abuelo na kung minsan ay hindi na maayos ang pinagsasasabi.
Naghalungkat si Natalie sa ilang file cabinets. Sa drawers. Sa mga librong nasa shelves. Baka may matagpuan siyang diary. Nagulat na lamang ang dalaga nang biglang bumukas ang pinto ng aklatan at nakapamaywang na pumasok si Shiela.
"Anong mga papeles ang hinahanap mo?" tanong ni Shiela nang maabutan siyang naghahalungkat. "Ang tungkol ba sa ating mga mamanahin?"
Napaismid na tinapunan ni Natalie ng tingin ang pinsan. "Hindi ako katulad mo, Shiela."
"Eh, ano nga'ng hinahanap mo?" giit nito.
"Wala ka na do'n!" Imbes na ipagpatuloy ang paghahanap ay minabuti na niyang iwanan na si Shiela.

Broken Heart - Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now