Chapter 4

279 11 0
                                    

CHAPTER FOUR

ALAK ang ginagawang pampaantok ni Allan kapag may isang bagay na bumabagabag sa kanyang kalooban. Hindi niya makalimutan si Natalie. Isang dahilan upang magalit siya sa sarili.
Noon lamang muling nagkaroon ng interes ang binata sa ibang babae pagkatapos ng maraming taon na itinuon ang atensiyon kay Floricel.
Marahil iyon ay dahil sa napahanga si Allan sa matinding hangarin ng dalaga na pagtagpuin ang abuelo nito at si Consuelo. Marahil ay dahil sa hangarin ni Natalie na mapaligaya ang abuelo. At dahil na rin sa paniniwala nito tungkol sa pag-ibig at pagpapakasal.
Nang maubos ang laman ng kopitang hawak ay minabuti na ni Allan na ang pumanhik sa itaas. Papasok na lamang siya sa kanyang silid nang may maalala.
Hindi pa nga pala niya nabibisita ang kanyang lola. Kumatok si Allan sa pinto ng silid nito.
"Bukas 'yan," tinig ng matanda mula sa loob.
Marahang pinihit ni Allan ang seradura at tumuloy sa loob. Nakahiga na sa kama nito ang matanda at nakangiting nakatingin sa kanya habang papalapit siya rito.
"Gising pa rin kayo, Lola," mahinang saad ni Allan.
"Dahil hinihintay kita," sagot nito. "Hindi ka yata nakaalalang humalik sa akin simula nang makaalis ang maganda mong bisita kanina. Sino siya, hijo?"
"Isang kaibigan, Lola," tipid niyang sagot. "Kumusta na ang pakiramdam ninyo?"
"Palagi naman akong mabuti," napangiting sagot nito.
Alam niyang nagsisinungaling ang lola niya. Minsan ay tinitiis nito ang kung anumang sakit na nararamdaman. Marahil ay upang hindi sila mag-alala nang husto ng kanyang mama. Ayaw kasi ng lola niya na maging pabigat sa kanilang mag-ina.
Madalas sabihin noon ng lola niya na sana ay binawian na ito ng buhay habang malakas-lakas pa upang hindi na makaranas ng sobrang paghihirap sa pagtanda. Diabetes ang sakit nito na nagkaroon na rin ng iba't ibang komplikasyon.
"Nasa'n na ang kuwintas, hijo?" mayamaya ay tanong ng lola niya. "Umaasa akong hindi mo itinuloy ang pagbebenta sa antigong kuwintas. Sinabi sa akin ni Floricel na kinuha mo ulit iyon sa shop. Where is it now, apo? Mahalaga iyon sa akin."
"Kalimutan n'yo na ang kuwintas, Lola," seryosong saad niya at hinagod-hagod ng kamay ang noo nito. "Forget about the past."
"I can't," sagot nito at may nangilid na luha sa mga mata. "The bad memory haunts me all the time. Matatahimik lamang marahil ako kapag muli kong nakaharap si..." Pumatak ang mga luha nito pagkuwan. "Nasa'n na kaya siya?"
"Magpahinga na ho kayo." Muling ginawaran ni Allan ng halik ang noo ng matanda.
"Sabihin mo muna sa akin na hawak mo ang kuwintas," pamimilit nito.
Hindi na niya pinansin ang sinabi nito. Itinaas ni Allan ang kumot nito hanggang sa dibdib ng kanyang lola. "Makabubuting matulog na kayo, Lola Consuelo."
HINDI pa makatulog si Allan nang nasa loob na siya ng silid at nakahiga sa kama. Bakit bigla na lamang nabubuo sa kanyang imahinasyon ang magandang mukha ni Natalie? Ano bang mayroon ang babaeng iyon na kailan lamang nakilala ni Allan para pagtuunan niya ng pansin?
Marahil ay dahil sa hangarin ng dalaga na matagpuan ang kanyang lola. Marahil ay si Leonardo ang lolo nito. Si Leonardo na madalas ikuwento sa kanya ng kanyang Lola Consuelo.
Nang hindi pa rin dalawin ng antok ay minabuti ni Allan nat ang bumangon at binuksan ang drawer ng study table. Mula roon ay dinampot niya ang antigong kuwintas.
Binalak itong ipagbili ni Allan, subalit nanaig pa rin ang pagmamahal niya sa kanyang lola.
Nawala lamang doon ang atensiyon ni Allan nang tumunog ang telepono sa side table. "Honey," sabi niya nang mabosesan si Floricel.
"I just want to remind you na tuloy ang bakasyon natin sa asyenda. Nalulungkot si Mama at gusto niya ng makakasama kahit man lang sa loob ng isang linggo."
"Okay."
DAHIL walang nalaman si Natalie mula kay Allan kung saan matatagpuan si Consuelo ay muli niyang pinuntahan si Floricel sa shop nito. Salamat naman at naroroon ang dalaga nang araw na iyon at malugod naman siyang hinarap nito.
"Desidido ka talagang mabili ang kuwintas," naiiling na saad ni Floricel nang makaupo si Natalie sa harap ng desk nito. "Ano ba'ng meron sa kuwintas na iyon bukod sa mataas na value ng gold nito sa panahon ngayon?"
"Ang kuwintas ay binili ni Lolo noong 1942," diretsang pahayag ni Natalie. "May kasama iyon. Ang isa ay nasa kanya at ang isa naman ay iniregalo niya sa isang babaeng nagngangalang Consuelo."
Hindi kaagad nakapagsalita sa narinig si Floricel. Tila hindi ito makapaniwala sa sinabi niya.
"Kasintahan ni Lolo si Consuelo noong kanilang kabataan," pagpapatuloy ni Natalie. "Nakatira sila sa Ermita kung saan naninirahan ang mayayamang Pilipino. Nagkahiwalay sila sa hindi malamang dahilan. Wala pang sinasabi sa akin si Lolo tungkol sa bagay na 'yon. Ngayon ay ipinapahanap sa akin ni Lolo ang kuwintas dahil batid niyang iyon ang magdadala sa kanya kay Consuelo."
"I can't believe this," sa wakas ay bulalas nito.
"May sakit si Lolo," aniya. "Si Consuelo lamang ang alam kong makakapagpaligaya sa kanya. Si Consuelo lamang."
Tumayo si Floricel at nagsindi ng sigarilyo. Pagkatapos ay naglakad paroon at parito. "How did you know na ang kuwintas na nakita mo rito ang kapares ng kuwintas ng lolo mo?"
"Wala silang ipinagkaiba maliban sa mga letrang nakasulat sa kanilang mga pendant," sagot niya. "Naniniwala akong may kahulugan ang mga letrang iyon at malalaman lang natin kapag pinagdugtong natin sila."
May ilang sandali pang nag-isip si Floricel bago bumalik sa upuan.
"I'll help you. Just don't tell Allan na sa akin mo nakuha ang impormasyon. Hindi ko alam kung bakit kailangan niyang ilihim sa 'yo na si Consuelo ay kanyang lola."
Napaawang ang mga labi ni Natalie sa narinig. Pagkatapos ay gumiit sa kanyang isipan ang babaeng nakita sa terrace at sa entertainment room.
Ang matandang iyon marahil ay si Consuelo at nagsinungaling si Allan nang sabihin nitong "Maximiana" ang pangalan ng matanda.
Bakit kailangang itago ni Allan si Consuelo? Sa tingin naman ni Natalie ay biyuda na rin si Consuelo sa asawa. Besides, ang gusto lang naman niya ay ang makita ng kanyang abuelo si Consuelo.
May iba pa kayang malaking istorya sa likod ng mga antigong kuwintas na siyang nagbigay ng dahilan kay Allan upang itago si Consuelo? Hindi malalaman ni Natalie ang kasagutang iyon hangga't hindi nakakausap si Allan dahil mukhang wala nang iba pang nalalaman si Floricel tungkol sa inililihim nito.
"Oh God!" Napatutop si Floricel sa noo. "Nangako ako kay Allan na hindi ko sasabihin sa 'yo ang totoo. I'm sure na magagalit siya sa akin kapag nalaman niyang ako ang nagsabi sa 'yo ng lahat."
"Don't worry, Floricel, he will not know," pagbi-bigay-assurance ni Natalie.
"At huwag mo sanang subukang sabihin sa kanya na natuklasan mo nang si Consuelo ang lola niya at siyang nagmamay-ari ng kuwintas," paalala nito. "I'm sure na hindi siya papayag na isama mo si Consuelo sa inyo. O maski dalhin ang lolo mo sa mansiyon nila. At makakabuting huwag mo ring biglain si Lola Consuelo.
"I suggest na ilihim mo na lamang ang lahat kay Allan. Kung gusto mong makita ng lolo mo si Consuelo, kaibiganin mo ang matanda hanggang sa mapapayag mo na siyang sumama sa 'yo. By that time ay magtitiwala na rin sa 'yo si Allan. Magkakaroon ka na ng pagkakataon na pagtagpuin ang lolo mo at si Lola Consuelo."
"Thanks a lot, Floricel." May nabuhay na pag-asa sa kanyang dibdib sa mga natuklasan. Ngunit hindi pa rin maialis sa sarili ni Natalie ang mag-isip kung bakit itinatago ni Allan si Consuelo.
"Natutuwa ako sa mga sinabi mo," nakangiting saad nito. "Interesado tuloy akong malaman ang buong istorya ng lolo mo at ni Lola Consuelo noong sila'y nag-iibigan pa."
Ngumiti si Natalie. Pagkatapos niyon ay nagpaalam na siya kay Floricel. Hindi pa lubos na nakakalabas ng pintuan si Natalie nang marinig ang pagtawag nito.
"Yes?" tanong niya.
"Ipapasyal namin ni Allan si Lola Consuelo sa asyenda ng mga magulang ko sa Quezon," ani Floricel. "Would you like to come?"
"I've never been to that place," nag-aalanganing saad niya.
"And this is your chance." May maluwang na ngiting nakaguhit sa mga labi ni Floricel. "Pagkakataon mo na rin ito na mapalapit kay Lola Consuelo."
"Pero hindi na siya nakakarinig," ani Natalie na naalala ang sinabi ni Allan tungkol sa matanda.
"That's not true," sabi nito. "Malinaw pa rin ang pandinig ni Lola Consuelo sa kabila ng kanyang katandaan."
Sa narinig ay may matamis na ngiting sumilay sa mga labi ni Natalie.
"AALIS muna ako nang ilang araw."
Nagtatanong ang mga mata ng kanyang abuelo nang balingan si Natalie na noon ay nakaupo sa gilid ng kamang kinahihigaan ng matanda. Hawak-hawak niya ang palad nito.
"Iiwanan mo ako, hija?" tanong ni Don Leonardo, sabay hawak nang mahigpit sa kamay niya. "Alam mong ikaw lamang ang nagmamahal sa akin dito."
"Nand'yan lang naman sina Shiela at Andrew," sabi niya. "Hindi ka rin nila pababayaan."
"Pero, hija—"
"Hahanapin ko ho si Consuelo," putol ni Natalie sa sinasabi nito. "Hindi ba't iyon naman ang gusto n'yong mangyari?"
Nangilid ang luha sa mga mata ni Don Leonardo. "At 'pag natagpuan mo na siya ay dalhin mo kaagad ako sa kanya, ha?" nagsusumamo ang mga matang saad nito.
"I promise, Lolo. Kaya dapat ay magpalakas na rin kayo. Palagi n'yong susundin ang mga sinasabi ng doktor n'yo. Iinom kayo ng gamot at kakain sa tamang oras."
Nakangiting tumango ito.
CANDELARIA, Quezon.
Napapansin ni Allan na hindi mapuknat ang mga mata ni Floricel sa mataas na gate ng asyenda nang hapon na iyon. Naglalakad-lakad sila sa malawak na lawn sa harapan ng villa ng pamilya nito.
Tubong-Quezon kasi si Floricel. Malawak ang lupaing pag-aari ng mga magulang nito roon. Ang papa nito ay ilang taon nang patay. Ang tanging nabubuhay na lang ay ang ina ng fianceé.
"May inaasahan ka bang bisita?" nang hindi makatiis ay tanong ni Allan.
Hindi na nagawang sumagot ni Floricel nang may bumusinang kotse sa harapan ng gate na bakal.
"Here she is!" excited nitong bulalas.
"Who?" nagtataka niyang tanong.
Hindi na naman sumagot ang fianceé. Sa halip ay tinawag nito ang isang hardinero at pinabuksan ang gate. Hindi nagtagal ay pumasok ang kotseng iyon at humimpil sa malawak na garahe.
Mula roon ay nakangiting umibis si Natalie.
"WHAT is she doing here?" Agad na narinig ni Natalie ang tanong na iyon ni Allan nang makababa siya ng kotse. Kaagad din siyang lumapit at humalik kay Floricel. At pagkatapos ay binati rin niya si Allan.
"I invited Natalie to take a vacation here," sagot ni Floricel kay Allan.
"And why did you do that?" tila nabigla nitong tanong.
"Because my brother is also having a vacation here," sagot ni Floricel. Binigyan si Natalie ng dalaga ng direksiyon kung paano makakapunta sa asyendang iyon nang araw na imbitahin na magbakasyon doon. "At gusto kong magkakilala sila ni Natalie."
Pagkasabi niyon ay pasimpleng kinindatan ni Floricel si Natalie. "Mas masaya kung mas marami tayo rito." Bago pa muling nakapagsalita si Allan ay hinila na si Natalie ni Floricel patungo sa loob. "I'll introduce you to my mother."
Hindi nakatiis si Natalie na hindi sulyapan si Allan at nakita niya ang pagdilim ng anyo nito.
NANG gabing iyon ay magkakasalo ang lahat sa harap ng hapunan maliban kay Consuelo na tumangging lumabas ng silid. Nakaupo sa kabisera ng mahabang mesa ang mama ni Floricel na si Josefa. Magkatabi naman sa upuan sina Floricel at Allan. Katabi ni Natalie ang kapatid ni Floricel na si Christopher na ipinakilala na rin nito sa kanya nang dumating mula sa pamamasyal.
"So what do you do, Natalie?" nakangiting tanong ni Josefa matapos mapag-usapan ang tungkol sa nalalapit na kasal nina Allan at Floricel.
"I manage my grandfather's investment company," nakangiting sagot ni Natalie.
"Very good," tatango-tangong saad ng sa tingin niya ay mahigit singkuwenta anyos na babae. "Katulad ka rin pala nina Allan at Floricel na mahilig sa negosyo. Hindi ako pinagbigyan ni Floricel sa request ko na pamahalaan niya ang asyendang ito dahil gusto niyang magtayo ng sariling business sa Manila.
"Si Christopher naman ay iba ang hilig. Ipinagpatuloy niya ang pagkahumaling niya sa broadcasting. He's now a producer of the daytime talk show na 'Let's Talk About People'."
"Oh, really?" Nakangiting tiningnan ni Natalie si Christopher. Sa tantiya niya ay nasa treinta na ito pataas. Moreno si Christopher, ngunit magandang lalaki rin naman. Madalas na mapanood ni Natalie ang programang sinasabi ni Josefa. Iba't iba ang topic sa bawat episode niyon. Ngunit pawang tumatalakay ang mga iyon sa Filipino culture, habits, and styles. Malimit na celebrity people ang guests sa live shows nito.
Ngumiti si Christopher kay Natalie. Kumurap-dili ang mga mata nito sa pagkakatitig sa kanya. Mukhang nakukursunadahan siya!
Minabuti ni Natalie na ibaling na lamang ang mga mata sa iba. At napalunok siya nang ang masalubong naman ng mga mata ay ang mga tingin ni Allan.
"Do you believe in destiny?"
Muling napabaling si Natalie kay Christopher sa narinig na itinanong nito.
"Me?"
Tumango ito.
"I-I don't know," bigla niyang nasabi.
"I do," saad ni Christopher. "Madalas akong magpahula. At madalas ding sabihin sa akin ng fortune teller na makikilala ko ang babaeng mapapangasawa ko sa asyendang ito. I guess, this is it."
Pinamulahan si Natalie ng mukha sa narinig. Natitiyak niyang siya ang babaeng tinutukoy ng binata. Gusto niyang pagalitan ang sarili nang muling mapatingin kay Allan. Hindi ito nakatingin kay Natalie kundi kay Christopher. At matatalim ang mga tingin na iyon na tila hindi kumbinsido sa mga huling sinabi ni Christopher.
"And where are your parents, hija?" muling tanong ni Josefa. Mukhang nagigiliw ito sa kanya.
"They died when I was eleven," malungkot niyang sagot.
"Oh, I'm sorry," tila nagsising saad ni Josefa.
"It's okay, Tita," nakangiting saad niya. "Tanggap ko na naman na wala na sila. Si Lolo Leonardo ang nag-alaga sa akin and he's a very good grandfather." Pagkatapos sabihin ang mga salitang iyon ay hindi nakatiis si Natalie na sulyapan si Allan. Hindi niya alam kung bakit nakatitig ito sa kanya na wari ay interesado sa kanyang mga ikinikuwento.
Ginanahan pa tuloy magkuwento si Natalie tungkol sa kanyang sarili. "I have two cousins. One is a woman, the other one is... acting like a woman."
"What do you mean by that?" tila naguluhang tanong ni Floricel.
"Gay."
Sabay-sabay pang natawa ang mga ito.
PAGKATAPOS ng hapunan ay sina Natalie, Allan, Floricel at Christopher na lamang ang magkakasama sa malawak na sala. Nakaupo sila sa sahig. Sa gitna nila ay naroroon ang isang nakahigang bote.
"This is truth or consequence," masayang saad ni Floricel. "Lahat ng mga nagiging bisita sa bahay na ito ay pinaglalaro ko ng ganito."
"At sawang-sawa na ako sa kakasabi ng totoo, honey," nakangiting saad ni Allan na tila ayaw nang sumali sa larong iyon.
"It's all right, Honey," baling ni Floricel sa nobyo. "We have a new guest." Pagkasabi niyon ay hinagkan nito sa mga labi si Allan.
Awtomatikong napatingin si Natalie sa iba sa tagpong iyon. Tila kinukurot ang kanyang puso.
Mayamaya lamang ay pinaiikot na ni Floricel ang bote. Itinuro niyon si Christopher.
"Consequence," nakangiting sabi ni Christopher.
"Okay," si Floricel. "How about a kiss for... Natalie?"
Napalunok si Natalie. "Naku, naman! Iba na lang," reklamo niya.
"Hindi puwede," sabi ni Floricel. "No excuses, please..."
Napapitlag na lamang si Natalie nang maramdaman ang mabilis na paghalik ni Christopher sa kanyang pisngi. Parang gusto pa niyang sampalin ang lalaki. Kung hindi lamang ba naisip ni Natalie na bahagi lamang ng laro ang ginawa nito.
Nakita niyang nakatingin sa kanya si Allan. Hindi maipaliwanag ni Natalie ang expression ng mukha nito. Tila nainis si Allan sa ginawa ni Christopher.
Muling umikot ang bote. Sumunod na itinuro niyon si Allan.
"Consequence," saad nito.
"O, ba't mukhang takot na takot yata kayong sabihin ang truth?" puna ni Floricel. "But, anyway, here's your punishment, Honey. Can you get a rose for me from the garden?"
Tumalima naman si Allan. Pansamantala itong umalis at nang bumalik ay may dala nang rose. Ibinigay ng binata ang bulaklak kay Floricel, sabay gawad ng halik sa mga labi nito.
Naiilang na napatungo si Natalie. Siya na ang sumunod na itinuro ng bote pagkatapos niyon.
"Truth!" bigla niyang nasabi. Natatakot kasi si Natalie na baka siya naman ang utusan ni Floricel na humalik kay Christopher.
"Okay." Lumawak ang pagkakangiti ni Floricel. "Are you happy with your present relationship and why?"
Ilang sandali ang lumipas bago nasagot ni Natalie ang tanong na iyon. Hindi niya kasi alam kung magsasabi ng totoo o magsisinungaling. Sa huli ay nanaig ang pagsasabi ni Natalie ng katotohanan.
"N-no."
Sabay-sabay na napapormal ang mga ito.
"M-my boyfriend is not a romantic person," pagpapatuloy niya. "And he has no time for me. His job is his priority. And I'm just his girlfriend."
Hindi nakapagsalita ang lahat sa mga ipinahayag niya. Hindi alam ni Natalie kung naaawa ang mga ito sa kanya. Saka lamang nakaramdam ng hiya si Natalie.
"Excuse me," aniya at mabilis na tinungo ang powder room. Napaiyak siya.
MAAGANG nagising si Natalie kinabukasan. Hindi kasi siya nakakatulog nang mahimbing sa hindi niya bahay lalo na kapag unang gabi pa laman. Mabilis na inayos ni Natalie ang sarili bago pumanaog ng hagdan. Naglakad-lakad siya sa lawn at napangiti nang malanghap ang sariwang hangin. Ibang-iba iyon sa polluted na hangin sa siyudad. At ipinagpasalamat ni Natalie na inimbita siya ni Floricel na magbakasyon doon dahil matagal-tagal na rin palang hindi nakapag-babakasyon sa ibang lugar.
Walang plano si Keith na yayain siyang magbakasyon kahit pa summer. Ang buong oras at atensyon nito ay nakatuon sa negosyo at hindi makakaalalang magbakasyon, gaano man niya kumbinsihin.
Pansamantalang natigilan si Natalie nang matanaw si Consuelo sa di-kalayuan. Nakaupo ito sa garden bench at nakangiting nilalanghap-langhap ang sariwang bulaklak na marahil ay ipinapitas sa garden. Wala siyang nakitang kasama ni Consuelo roon.
Sinamantala ni Natalie ang pagkakataon na lapitan si Consuelo.
"GOOD morning," nakangiting bati ni Natalie kay Consuelo.
Tumingin si Consuelo sa kanya at tipid na ngumiti. Pagkatapos ay ibinalik din kaagad ang mga mata sa bulaklak na rosas na hawak.
"Puwede ba akong maupo sa tabi n'yo?" magalang na tanong niya.
Muli siya nitong tiningnan ni Consuelo at tumango.
"Salamat." Naupo si Natalie sa tabi nito. "Sinabi sa akin ni Allan na mahilig kayo sa mga bulaklak."
Muli itong tumingin sa kanya. Halos kulubot na rin ang balat ni Consuelo sa mukha. Katulad ng nakikita ni Natalie sa mga mata ng kanyang abuelo ay may nababanaag din siyang hindi maipaliwanag na kalungkutan sa mga mata ni Consuelo.
"Marami akong alagang halaman sa aming mansiyon noon," sa wakas ay saad ni Consuelo. Tama si Floricel, nakakarinig pa nga ang matanda. Ang tinig nito ay tila paos. Halatang matanda na. "Madalas akong mamasyal sa hardin," pagpapatuloy ni Consuelo na may nakaguhit na ngiti sa mga labi. "Malimit ko ring pakialaman ang aming hardinero habang nagtatanim ito ng halaman. Pagkatapos ay biglang darating ang aking mama at sisigaw ng: 'Consuelo! Marurumihan ang bestida mo!'" Pagkatapos bigkasin ang mga salitang iyon ay bahagya itong natawa. "Masyadong malinis sa katawan si Mama. Masyado rin siyang maingat sa akin. I'm her only child."
Napangiti si Natalie. "Hindi pa man nalalaman ni Consuelo ang kanyang pangalan ay nagawa na kaagad nitong magkuwento ng tungkol sa sarili nito.
"Ano nga pala ang pangalan mo, hija?" pagkaraan ay tanong nito.
"Natalie."
"Alam mo, Natalie. Hindi uso ang damit na 'yan nang kapanahunan ko."
Tiningnan ni Natalie ang sariling suot na tinutukoy nito. Isang spaghetti-strapped na pang-itaas at maiksing palda.
"Ang mga suot namin noon ay mahahabang damit," patuloy nito. "Mga gown. Itinuturing na hindi disenteng babae ang naglaladlad ng binti o mga braso noon. At pagpipistahan ka ng mga kalalakihan. Iisang lalaki lang ang nakilala kong magalang at maingat sa mga babae. Si Leonardo."
Pagkasabi sa pangalang iyon ay tumanaw si Consuelo sa malayo. Nakita ni Natalie ang nangilid na luha sa mga mata ng matanda. May ilang sandaling nakatanaw si Consuelo sa malayo na tila may naaalala. Pagkatapos ay nagulat na lamang ang dalaga nang bigla itong sumigaw nang malakas.

Broken Heart - Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now