Chapter 3

295 7 0
                                    

CHAPTER THREE

GUSTUHIN man ni Natalie na ipagpatuloy ang paghahanap sa kuwintas at kay Consuelo ay hindi na puwede dahil mas higit siyang kailangan ng kompanyang ipinagkatiwala sa kanya ng abuelo. Kinabukasan ay nasa opisina na naman si Natalie at busy sa pagpirma ng kung ano-anong mga papeles.
Salamat naman at nakaalalang bumisita ni Keith. Nagulat na lamang siya nang maramdaman ang paghalik nito sa kanyang pisngi. Sa sobrang kaabalahan ay halos hindi na napansin ni Natalie na nakapasok na pala ang boyfriend.
"What's up?" tanong ni Natalie na hindi malaman kung matutuwa o maiinis lang. Matagal-tagal na rin silang hindi nakakapag-date nito. Ni hindi nga alam ni Natalie kung yayayain siya ni Keith na lumabas o dumaan lang upang alamin kung buhay pa siya.
"Heto, busy pa rin." Naupo si Keith sa visitor's chair na nasa harapan ng kanyang desk. Mas lalo itong gumuwapo sa paningin niya. Matangkad na lalaki ang boyfriend. Makisig at tila nakangiti ang mga mata. Magaling din itong magdala ng damit. Matanda si Keith kay Natalie nang pitong taon. "Maraming pressures sa negosyo ko," patuloy na saad nito.
"That means to say na... hindi mo man lang ako idi-date ngayon?" Hindi pa man nagsasalita si Keith ay alam na ni Natalie kung ano ang lalabas sa bibig nito.
"I'm sorry, Sweetheart." Sabi na nga ba at iyon ang isasagot ni Keith. "Alam mo namang para sa future din natin ang ginagawa kong ito."
"But we deserve a break," seryosong saad ng dalaga. "Kahit sinong tao ay nangangailangan ng pahinga. Hindi pa naman siguro tayo mamumulubi kung a-absent ka nang isang araw."
"Hindi ko puwedeng ipagpaliban ang trabaho ko," anito. "Sayang ang opportunities. Ipagpapalit ko ba iyon sa isang date lang?"
"Then you may go now, Keith." Sinalansan ni Natalie ang mga gamit. "Baka naman kaabalahan pa ako sa 'yo." Pagkasabi niyon ay mabilis na siyang lumabas ng opisina.
"Natalie!" Humabol si Keith kay Natalie hanggang sa labas, ngunit hindi niya pinakinggan o nilingon man lang ang boyfriend. Ang walanghiya at hindi man lamang siya niyayang kumain maski sa coffee shop.
KINAHAPUNAN ay hindi pa rin nakatiis si Natalie na muling daanan si Floricel sa jewelry shop. Hindi raw ito pumasok ayon sa saleslady. Busy marahil sa preparation ng kasal nito at ni Allan. Ayaw namang sabihin ng saleslady ang address ng babae.
Napilitan si Natalie na sadyain muli si Allan sa mansiyon nito. Balak niyang sa binata magpasama sa pagtungo sa bahay ni Floricel. At dahil namukhaan na rin naman si Natalie ng security guard nina Allan ay kaagad na siyang pinatuloy sa loob.
Iginiya siya ng maid hanggang sa garden set at mula roon ay natanaw niya si Allan sa malawak na lawn.
"Maiwan ko na ho muna kayo, Ma'am," paalam ng maid na naghatid kay Natalie roon. Hindi na niya halos narinig ang sinabi nito dahil nakatuon ang mga mata niya kay Allan. Ni maupo ay hindi na magawa ni Natalie sa labis na paghanga sa kakisigan ni Allan habang itinataas-baba nito ang hawak na dumbbells.
Walang pang-itaas na damit si Allan kaya kitang-kita niya ang mabalahibo nitong dibdib. Ang tanging suot ng binata ay isang boxer shorts. Nagulat na lamang si Natalie sa sarili nang mapatingin sa nakaumbok nitong hinaharap at hindi na halos mapakli ang mga paningin sa mga iyon.
Ano ba ang nangyayari sa kanya? Minsan na rin naman nakita ni Natalie na naka-shorts lamang si Keith. Ngunit bakit parang noon lamang siya nakakita ng makisig na lalaki sa tanang buhay niya?
"Yes?"
Napakislot si Natalie nang marinig ang tinig na iyon ni Allan na sa wakas ay napansin din siya sa kanyang kinatatayuan. Ibinaba nito ang hawak na dumbbells at nagsuot ng puting T-shirt bago lumapit sa kanya.
"You're here again," pormal nitong sabi. "Please, sit down."
Naupo si Natalie sa garden chair. Ganoon din si Allan.
"G-gusto ko sanang magpasama sa 'yo kay Floricel," mahinang sabi ng dalaga na halos hindi makatingin nang tuwid. Nahalata kaya ni Allan kanina na pinagmamasdan niya ang makisig nitong katawan? "Dinaanan ko siya sa shop, pero wala siya."
"What do you want from her?" Pagkatapos sabihin ang mga katagang iyon ay tinawag nito ang natanaw na maid at inutusang kumuha ng maiinom.
"Hindi ko na dapat sabihin dahil alam mo na," sagot niya.
"At iisa rin lang ang sasabihin ko sa 'yo. Nagsasayang ka lang ng panahon."
"Nakikiusap ako sa 'yo." Nasa himig ni Natalie ang pagsamo. "Ginagawa ko ito alang-alang sa lolo ko na batid kong sandali na lamang ang ilalagi sa mundong ito. Gusto kong maging masaya siya bago man lang siya pumanaw. At mangyayari lamang iyon kapag natagpuan ko si Consuelo, ang may-ari ng antigong kuwintas na kapares ng kuwintas niya."
May ilang sandaling natigilan si Allan sa narinig. Tila pinag-iisipan nitong mabuti ang sinabi niya. "Ano'ng magagawa ni Consuelo para sa lolo mo?" pagkuwa'y kunot-noong tanong nito.
"Si Consuelo ang palagi niyang hinahanap mula pa noon," sagot ni Natalie. "Hindi ko pa naririnig mula sa kanya na dati niyang kasintahan si Consuelo, ngunit may kutob akong may relasyon sila nito noon. At nagkahiwalay. Natitiyak kong napakarami niyang gustong sabihin kay Consuelo."
"That is nonsense, Natalie," natatawang saad ni Allan. "Iniisip mo bang dating nag-iibigan ang lolo mo at si Consuelo? Kung gano'n ay ano ang naging silbi ng lola mo sa buhay ng lolo mo para ang hanapin nito ay si Consuelo? Kung totoo man iyon, marahil ay matagal nang nangyari at nakalimutan na rin ni Consuelo ang lolo mo."
"Hindi namamatay ang pag-ibig," makahulugang sabi ni Natalie. "Gaano man katagal ang panahon na lumipas, Allan."
"I don't know what to say." Napailing ang binata.
"Sinasayang mo lang ang panahon mo sa walang kuwentang bagay na katulad nito. Bakit hindi na lang kaya ang sarili mo ang intindihin mo? I'm sure you have a boyfriend na dapat mong pagtuunan ng pansin. Huwag mo nang tangkaing buhayin ang pag-iibigan ng dalawang taong matatanda na."
"Ang gusto ko lang ay maging maligaya ang lolo ko," seryosong sagot ni Natalie. "Nabuhay siya sa kalungkutan at hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano ang dahilan. Marahil ay dahil kay Consuelo. Nakikiusap ako, dalhin mo ako kay Consuelo. Alam kong kilala mo siya at—" Naputol ang iba pang sasabihin ni Natalie nang mapasulyap siya sa mataas na terrace.
Isang matandang babae ang nakita ni Natalie na nakaupo sa wheelchair at sinusuklayan ng isang nakaputing babae na marahil ay private nurse nito.
MAHABA ang buhok ng matanda at halos puti na ring lahat iyon. Hindi alam ni Natalie kung nakikita pa siya dahil napakalayo ng tingin nito.
"S-sino siya?" hindi napigilang tanong ni Natalie kay Allan.
"My grandmother," sagot ni Allan. "Her name is Maximiana."
"I'm sure na siya ang nakakakilala kay Consuelo," hula ni Natalie.
"Wala siyang kilalang Consuelo," mabilis nitong sagot. "Wala siyang ibang inatupag noon kundi ang alagaan ang kanyang mga bulaklak at halaman sa mansiyon na ito."
Iginala ni Natalie ang kanyang paningin. Marahil ay ang matandang iyon ang nagpanatili ng magandang landscaping sa paligid noong malakas-lakas pa ito.
"Puwede ko ba siyang makausap?" pagbabaka-sakaling tanong niya.
"Hindi na nakakarinig si Lola," sagot nito. "Hindi rin kayo magkakaintindihan."
Pansamantalang naputol ang kanilang pag-uusap nang may dumating na isang babae na marahil ay mahigit singkuwenta anyos na ang edad. Gayunpaman ay maganda pa rin itong magdala ng sarili.
Tumayo si Allan nang makita ang babae. "Hi, Mom," anito, sabay gawad ng halik sa pisngi ng babae.
"Hello, son," nakangiting pagbati ng mommy ni Allan. "Mukha yatang hindi mo pa naipapakilala sa akin ang bisita mo."
"Oh, well, Natalie. This is Melita, my mother," pagpapakilala ni Allan. "Mom, this is Natalie."
Nakangiting inilahad ni Natalie ang palad na tinanggap naman ng mommy ni Allan. "Nice to meet you, Ma'am," aniya.
"Same here, hija," sagot naman nito. "Anyway, maiwan ko muna kayo. Kararating ko lang from the office and I'm a little bit tired. Matanda na rin kasi." Muli itong ngumiti. Sa ilang sandali lamang ay papalayo na ang mama ni Allan sa kanila.
Hindi napigilan ni Natalie na sundan ng tingin ang mommy ni Allan. Suddenly, she started to miss her own mother again.
"My mom is a workaholic person," narinig niyang saad ni Allan. "Siya mismo ang nag-encourage sa akin na pagtuunan ko muna ng pansin ang wedding preparation namin ni Floricel at siya na muna ang bahala sa kompanya. Besides, siya rin ang nagpalago niyon despite all the trials and frustrations sa buhay."
"And your dad...?" bigla niyang naitanong.
Tumayo si Allan na tila walang narinig. "I'll see kung bakit napakatagal dumating ng merienda mo." Pagkasabi niyon ay iniwan na siya nito.
Muling napatingin sa terrace si Natalie. Wala na ang matandang babae. Sa muling pagbaba ng mga paningin ng dalaga ay isang malaking aso ang nakita niyang papalapit sa kanya. At mukhang sasakmalin si Natalie ng nakalantad nitong mga ngipin!
BIGLANG napaahon sa kinauupuan niya si Natalie. Kaagad na hinagilap ng mga mata si Allan, ngunit tila nasa loob pa rin ito. Malapit na malapit na sa kanya ang aso at hindi na alam ni Natalie kung ano ang gagawin dahil sa totoo lang ay may phobia siya sa aso.
Bago pa makalapit ang aso ay napakaripas na si Natalie ng takbo na walang tiyak na patutunguhan. Napakahol tuloy ang aso at hinabol si Natalie. Palibhasa mataas ang takong ng sapatos ay makailang beses din siyang natapilok. Maya't mayang napapalingon ang dalaga upang tingnan kung humahabol pa iyon sa kanya.
Ilang dipa na lang at maaabutan na si Natalie.
"Dogger!" narinig niyang pagtawag ng isang lalaki. Iyon marahil ang pangalan ng aso. Nang lumingon si Natalie ay nakita niya si Allan na natatarantang humahabol na rin sa kanila habang paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ng aso.
Gusto sanang huminto ni Natalie sa pagtakbo at lumapit kay Allan upang magpasaklolo, ngunit tiyak na sasalubungin siya ni Dogger.
Ipinagpatuloy ni Natalie ang mabilis na pagtakbo na nakalingon kaya huli na nang mapansin ang nasa unahang swimming pool.
Bago pa nakaiwas ay tuloy-tuloy na siyang nahulog sa tubig.
Napasigaw nang malakas si Natalie.
NAPATUTOP sa noo si Allan. Dali-dali niyang tinawag ang house boy at ipinahuli si Dogger. Pagkatapos ay mabilis siyang lumapit sa may swimming pool. Inaasahan niyang lumalangoy na si Natalie upang umahon, ngunit laking gulat ni Allan nang makitang lumubog-lumitaw ito sa tubig na wari ay nalulunod.
"I can't swim!" sigaw ni Natalie sa minsang pagsungaw ng ulo.
Sa narinig ay mabilis na lumundag sa tubig si Allan at sinagip ang dalaga. Buhat-buhat niya ito hanggang makaahon.
Hindi maipaliwanag ni Allan ang kakaibang sensasyong gumapang sa buong katawan sa pagkakalapit ng kanilang mga katawan ni Natalie. Tila nakuryenteng ibinaba niya ang dalaga sa lounge chair.
"ARE YOU okay now?"
Tumango si Natalie. Namumutla ang mga labi niya dahil sa sobrang takot.
"Hindi mapanganib na aso si Dogger," sabi ni Allan. "Hindi ka niya aanuhin. Hindi ka sana tumakbo."
"M-may phobia ako sa malaking aso," paliwanag ni Natalie. "Minsan na akong sinakmal ng aso sa subdivision namin habang nagdya-jogging. I thought I was going to die. Mabuti na lang at hindi naman bumaon sa binti ko ang mga ngipin ng aso... At hindi rin ako marunong lumangoy." Alam niyang namula ang kanyang mukha sa pagkapahiya dahil sa deklarasyong iyon.
"May phobia ka rin pala sa tubig," natatawang biro ni Allan. "Anyway, let's get inside so you could change your clothes." Akma sanang bubuhatin muli ni Allan ang dalaga ngunit siya na ang umiwas.
"I-I can manage," sabi niya.
Nailing ito, napangiti. Tila napahiya.
Sinundan ni Natalie si Allan papasok sa mansiyon. Iginiya siya nito hanggang sa itaas at hanggang sa isang pink na guest room.
"Pumili ka na lang ng maisusuot mo sa closet," pagkuwa'y bilin nito. "Those are meant for visitors."
"Thanks." Nanatiling nakatitig si Natalie kay Allan.
"Y-yes?" nagtatakang tanong nito.
"H-how can I change my clothes kung... nanonood ka?"
Nakita ni Natalie na pinamulahan ng mukha ang binata. Tipid siyang napangiti bago tahimik na lumabas ng guest room si Allan.
HINDI mapantayan ang kaligayahan sa dibdib ni Natalie habang naghahanap ng maisusuot na damit sa walk-in closet. Pinili niya ang isang garterized na three-forth pants at sleeveless top na kulay pula. Pagkatapos ay inayos ang buhok sa harap ng dresser. Nag-retouch din siya ng makeup. Tiniyak ng dalaga na maganda siya bago lumabas ng guest room.
Tahimik na hallway ang bumulaga kay Natalie. Binagtas niya ang kahabaan niyon. Mayamaya ay bigla na lamang bumulaga sa pandinig ni Natalie ang isang makalumang tugtugin. Tila may kapangyarihan ang awitin na iyon at parang hinihila niyon si Natalie.
Namalayan na lang niya ang sarili na nakatayo sa may pintuan ng isang silid na sa kanyang tingin ay entertainment room.
Doon nagmumula ang awitin.
Nakita ni Natalie ang lola ni Allan na nakaupo sa couch at nakapikit ang mga mata habang pinakikinggan ang tugtog.
"Here you are!"
Kamuntik nang mapasigaw si Natalie nang bigla na lamang yugyugin ni Allan ang kanyang mga balikat.
"Akala ko'y kung sino na," nasabi niya.
"Sa wakas ay nakahanda na ang merienda," ani Allan. "Let's go down."
Isang sulyap pa sa lola nito at sumama na siya pababa ng hagdan.
"Mahilig pala sa musika ang lola mo," hindi nakatiis na komento ni Natalie habang pumapanaog.
"She loves dancing, too," dagdag ni Allan. "Malimit niyang ikuwento noon sa amin na madalas magkaroon ng pagtitipon sa kanilang mansiyon at malimit na siya ang nangunguna sa ballroom dancing. Masayahing tao siya noon. Not until..."
"Not until what?" tanong niya nang bigla itong matahimik.
"W-wala."
Hindi maintindihan ni Natalie ang ibig sabihin ng sumilay na pait sa mukha ni Allan. Katahimikan na ang sumunod na namayani hanggang sa makarating sila sa lanai kung saan nakahanda na ang merienda.
"SO, HOW long have you and Floricel been steady?" hindi nakatiis na tanong ni Natalie nang kumakain na sila.
"Three years," tila may pagmamalaking sagot ni Allan. "Three long years. Nagkakilala kami sa shop niya. I was buying a jewelry for my mom."
"How romantic!" komento niya na hindi maka-paniwala. "Bibihira nang mangyari ang ganyan."
"Maybe because I'm a faithful boyfriend," pabirong saad nito. "So, how about you? Do you have a boyfriend or still looking for one?"
"I have," pag-amin ni Natalie. "We've been steady for six months."
"At wala pa ba kayong planong lumagay sa tahimik?"
Hindi kaagad nakasagot si Natalie. Tila kasi biglang nalungkot si Allan nang sabihing may boyfriend na siya. Totoo nga kayang nalungkot ang binata o haka-haka lang niya iyon? Marahil ay ang huli ang tama. Mukha namang masaya na si Allan kay Floricel.
"Wala pa as of now," pagkuwa'y sagot ni Natalie. "Masyado pang busy si Keith para pagtuunan ng pansin ang pag-aasawa. I think he's not ready for marriage. At hindi rin naman ako papayag na magpakasal sa kanya kung nakikita kong hindi pa siya handa."
"How would you know kung siya na nga ang lalaking para sa 'yo?" Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Natalie habang inaalala ang madalas sabihin ng kanyang abuelo. "Well, I think, if I can see myself growing old with him." Natutuhan niya iyon sa kanyang abuelo. "Kapag nakikita mo siyang kasama mo habang binubuo mo ang mga pangarap at future plans."
Biglang natahimik si Allan na tila may naalala. Mayamaya ay ngumiti ito na tila napipilitan lang.
"I think, you guys, must attend our wedding para naman ma-inspire na kayong magpakasal."
"That's not a bad idea," sabi niya. "But I think it won't work out. I think... I'm not yet ready for marriage, too. Hindi ko pa nakikita ang sarili kong tumatanda na ang kasama ay si Keith."
Muling natigilan si Allan. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito habang nakatingin sa kanya. Hindi magawang salubungin ni Natalie ang mga tingin ni Allan dahil para na naman siyang matutunaw.
Marami pa silang napag-usapan pagkatapos niyon hanggang sa mamalayan na lamang na palagay na palagay na ang kanyang loob kay Allan. Para bang matagal na niyang kakilala ang binata.
MULI ay dinaanan ni Natalie ang kanyang abuelo sa silid nito nang makauwi. Gising pa rin ito at nakatitig na naman sa kisame.
Hindi niya alam kung anong oras na itong nakakatulog sa gabi sa sobrang pag-iisip. Marahil ay gabing-gabi na.
"How are you, Lolo?" tanong ni Natalie, sabay gawad ng halik sa noo nito.
"I'm fine, apo," nakangiting sagot ni Don Leonardo sa pagbaling sa kanya. Tiyak niyang pilit ang pagngiting iyon. "How's the company?"
"Doing well." Naupo siya sa silyang nasa tabi ng kama nito.
"And Consuelo?"
Ngumiti si Natalie. "Malapit ko nang makita si Consuelo."
Tila kumislap ang mga mata ng abuelo sa excitement. Pakiwari ng dalaga ay biglang lumakas ang pakiramdam nito. "Siya nga? I'm happy to hear that, apo." Itinuro ang ibabang drawer ng side table.
Isang lumang larawan ang nakita ni Natalie nang buksan iyon. Larawan ng isang babaeng nakasuot ng lounging gown at isang lalaking nakasuot ng itim na tuxedo.
Napakaganda ng babae. Mahaba ang buhok at malaya iyong nakalugay. Ang lalaki naman ay napakaguwapo.
"That was me and Consuelo," may pagmamalaking turan nito. "Taken during her eighteenth birthday... at the grand ballroom of the Manila Hotel... 1942..." Pagkasabi sa mga salitang iyon ay may matamis na ngiting sumilay sa mga labi nito.
Napangiti rin si Natalie. Noon lamang niya nakitang sumigla ang mukha ng matanda. Noon din lamang narinig ni Natalie na nagkuwento ang abuelo tungkol kay Consuelo maliban sa unang araw na sinabi nito kung saan dating nakatira ang babae. Iba ang sandaling iyon dahil tila matinong kausap ang kanyang abuelo.
"She was the most beautiful debutante ever," pagpapatuloy ng abuelo na yakap-yakap na ang larawan at ni Consuelo. "Ako ang masuwerteng lalaking una siyang naisayaw pagkatapos siyang maisayaw ng kanyang papa. Nang araw na iyon ay sinagot niya ako ng matamis na 'oo' at kami'y naging magkasintahan. Iyon din ang araw na binigyan ko siya ng kuwintas." Kinapa nito ang suot na kuwintas.
"Ang kapares ng kuwintas na ito... ang karugtong ng pusong ito. Consuelo, nasa'n ka na?"
Naisip ni Natalie na baka ikasama ng kondisyon ng puso nito ang mga bagay na iyon kaya minabuti niyang putulin na muna ang kanilang pag-uusap.
"Magpahinga na kayo, Lolo," sabi niya at masuyong humalik sa noo nito.
Hindi na narinig ni Natalie na sumagot ang abuelo. Nakatitig na naman ito sa kisame na tila inaalala ang mga nangyari sa nakalipas.
Hindi nakatiis si Natalie na muli itong sulyapan bago lumabas ng silid.

Broken Heart - Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now