Chapter 08

15 3 0
                                    

Hinipan ko ang posporo matapos kong sindihan ang kandila at ilagay ito sa tuktok ng isang aparador. Saglit akong napatitig sa kawalan bago ako napabuntong-hininga. Sobrang bigat pa rin ang pakiramdam ko, kahit may higit isang oras na ang lumipas matapos ang pagtatalo namin sa sala. Hindi ko pa rin talaga matanggap sa sarili ko ang desisyon na pinanindigan ni Cassidy.


"Ma, pa," malungkot na bulong ko sa sarili ko habang nakatitig sa kandila na nasa harapan ko. "Ano na po ba'ng gagawin ko?"


Sampung taon na rin simula nang mawala si mama. Naaksidente siya habang nagmamaneho papunta sa 7th Birthday party ko. Limang taon naman ang lumipas nang mamatay siya, sumunod din si papa sa kaniya. Matapos ang insidente na 'yon, hindi ko na magawa pang mag-celebrate ng mga birthdays.


Sumpa raw ako, ayon sa kaniya. Hindi ko rin naman siya masisisi dahil ganoon din ang tingin ko sa sarili ko. Ilang taon ko rin na sinisi ang sarili ko, at ilang taon din akong nagmumukmok tuwing kaarawan ko. At dahil sa mga pangyayaring 'yon, wala akong pinagsabihan ng kaarawan ko—kahit ang mga kaibigan ko.


Napatingin ako sa suot kong relo at mabigat sa pakiramdam ang pagpatak ng bawat segundo. Pigil ang hininga ko habang hinihintay ang hating-gabi. Dumating din ang minutong pinakahinihintay ko kaya napalunok ako.


"Sino na naman ang mawawala sa akin?" tanong ko sa sarili ko at balisang hinipan ang kandilang kaharap ko.


Hindi na ako nagtagal pa sa kwarto at lumabas na. Tahimik ang buong bahay at ang tanging naririnig ko lang ay ang yapak ng mga paa ko habang naglalakad pababa. Mabigat ang bawat paghinga ko hanggang sa nakarating ako sa sala, at naabutan si Chuck doon.


"Oh, Solene? Sa'n ka galing?" tanong niya sa akin matapos niyang hipan ang posporong hawak niya. "Kanina ka pa hinahanap ni Eloise sa 'kin. Gusto ka yata niyang makausap."


"Sa kwarto," sagot ko at hindi pinansin ang huli niyang sinabi.


Tumango na lang siya at tinapik ang balikat ko. Hindi na ako nagsalita at hinaplos na lang ang braso ko dahil sa lamig. Balot na balot din naman ang katawan ko ngunit hindi ko pa rin maiwasan na hindi makaramdam ng kakaiba at hindi maipaliwanag na lamig.


"Ayos ka lang?" tanong niya ulit sa akin.


"Oo, Chuck. Ayos lang ako," sagot ko at tiningnan na lang 'yong mga kaklase namin na natutulog dito sa sala. "Pakikuha nga sila ng kumot sa taas, baka lamigin pa 'tong tatlong 'to, e."


Kahit na nagdadalawang-isip siya na iwan ako ritong mag-isa, tumango na lang siya at walang nagawa kundi ang umakyat sa pangalawang palapag. Napabuntong-hininga na lang ako at tiningnan ang buong sala ng summer house nina Kianna. Akala ko magsasaya lang kami sa buong tatlong araw, pero hindi ko inaasahan na ganito pala ang mga mangyayari.


"Hey," tawag ni Eloise sa akin.


Dahan-dahan akong napatingin sa kaniya. Tumabi siya sa akin kaya umusog ako nang kaunti para bigyan siya ng space. Hindi siya nagsalita kaya napatitig na lang ako sa kandila na inilagay ni Chuck sa maliit na mesa rito sa sala.

HauntWhere stories live. Discover now