Chapter 1

1.1K 12 0
                                    

CHAPTER ONE

C'MON, let's fly!
Parang sinisilihan na sa pagkakaupo si Gabrielle sa loob ng eroplanong magdadala sa kanya sa Maynila. Malakas ang tibok ng kanyang puso. Pinagpapawisan siya kahit malamig naman sa loob.
C'mon, c'mon, let's go! paulit-ulit niyang sabi sa isip dala ng tensiyong nararamdaman. Nagpa-panic na siya. Kabadong-kabado ang kanyang pakiramdam. Para bang hindi magtatagal at may bigla na lamang susulpot para hilahin siya palabas ng eroplano.
Sigurado siya na nang mga sandaling iyon, alam na sa kanila ang kanyang pagkawala. Nakikini-kinita na niya, ang kanyang Tiya Mirasol ay nanggagalaiti na sa galit. Binubungangaan nito ang asawa para hanapin siya. At malamang, nakarating na rin sa kaalaman ni Dario ang ginawa niyang pagtakas at pinapalakad na nito ang mga tauhan para maibalik siya sa Davao.
God... Hindi siya mapapakali hangga't hindi nakakaalis ang kanyang sinasakyan dahil hindi malayong masundan pa siya hanggang sa airport. Kung kaya lamang niyang lumipad, marahil ay kanina pa niya ginawa, makaalis lamang ng Davao.
Ayaw sana niyang iwan ang lugar na sinilangan, ngunit wala siyang mapagpipilian. She was forced to leave dahil kung hindi, habang-buhay siyang magtitiis sa piling ng mayabang na Dario na iyon.
Narinig niya ang panawagan na lilipad na ang eroplano at pinapayuhan silang mga pasahero na isuot na ang kanilang seat belt. Nang maramdaman niyang umangat na ang eroplano, saka pa lamang siya nakahinga nang maluwag. Ipinikit niya ang mga mata at umusal ng piping pasasalamat sa Panginoon.
Hindi alam ni Gabrielle kung saan siya tutuloy sa Maynila. Wala siyang kamag-anak o kakilala man lamang doon. Ni hindi pa nga siya nakakatapak sa lugar na iyon. Noong bumili siya ng ticket, ang Maynila ang kaagad na pumasok sa kanyang isip.
Hindi na niya pinag-isipan kung ano ang gagawin pagdating doon. Hindi na niya iyon napagtuunan ng pansin. Ang mahalaga ay kaagad na makalayo ng Davao.
Para tuloy gusto niyang maiyak sa kapalarang sinapit. Maaga siyang naulila sa mga magulang sa edad na pito. Wala siyang nagawa nang maiwan siya sa pangangalaga ng tiyahing si Marisol. Alam niyang labag sa kalooban nito ang pagkupkop sa kanya. Dalawa kasi ang anak nito at dagdag siyang palamunin at pahirap dito. Pero dahil nga sa kapatid ito ng kanyang ama, napilitan itong kupkupin siya.
Wala naman siyang nakilalang kamag-anak ng kanyang ina. Pulos paghihirap at sama ng loob ang naranasan niya sa piling ng pamilya ng kanyang tiyahin. Nang mapatira siya sa bahay ng mga ito, para na ring nagkaroon ng libreng katulong ang mga ito. Siya na ang gumawa ng mga gawaing-bahay. Pati ang dalawang pinsan niyang babae ay animo mga señorita kung makapag-utos.
Hindi alam ni Gabrielle kung bakit hindi siya pinakitaan nang maganda ng mga ito. Konsuwelo na lamang niya na pinag-aral siya ng kanyang tiyahin hanggang sa makatapos siya ng high school. At nagkaroon si Gabrielle ng full scholarship sa unibersidad na pinagtapusan niya sa kursong Education. Beinte-tres anyos na siya nang makapagtapos sa kolehiyo dahil palaging iilang units lamang ang nakukuha niya. Nagtatrabaho kasi siya sa umaga para matustusan ang ibang pangangailangan sa eskuwelahan at sa gabi siya nag-aaral.
Kapapasa pa lamang niya sa board exam at mag-iisang taon pa lamang siyang nagtuturo nang ipagpilitan sa kanya ng tiyahin na magpakasal siya sa anak ng mayamang negosyante sa kanilang lugar. At si Dario nga iyon. Masyadong kampante ang hinayupak na lalaki na magpapakasal siya rito.
Ayon dito, wala na raw siyang hahanapin pa. Mayaman at guwapo raw si Dario kaya pasalamat daw siya at siya pa ang nagustuhan ng lalaki kahit na marami raw ibang babae na naghahabol dito.
Ang kapal! hindi maiwasang sabi ng isip niya.
Nang sabihin ni Gabrielle sa kanyang tiyahin ang pagtutol niya ay nagalit ito. Sinumbatan siya nito nang katakot-takot. Kesyo wala raw siyang utang-na-loob. Hindi man lang daw niya naisip na parang tulong na lamang niya ang pagpapakasal kay Dario sa pamilya nito. Hindi lang naman daw ito ang giginhawa kundi pati na rin siya.
Mula noon, pinabantayan na siya ng kanyang tiyahin kahit saan man siya magpunta. Wala siyang nagawa nang itakda ng mga ito ang kasal nila ni Dario.
Hindi na lamang siya kumibo. Pinalabas niyang pumapayag na rin siya para hindi magkahinala ang mga ito sa balak na pagtakas. Bukas na ang kasal niya pero nandito siya at nakasakay sa eroplano papunta sa Maynila.
Sumilip si Gabrielle sa bintana at tinanaw ang papaliit na imahe ng lugar na kanyang sinilangan. May lungkot man siyang nararamdaman, mas nakalalamang pa rin ang relief sa kanyang puso. She was free! And it was what she had been waiting for all her life.
Muli niyang isinandal ang katawan sa upuan. A sigh of relief came out of her. Napangiti siya.
Good riddance, Dario!
HINDI malaman ni Gabrielle kung ano ang sasakyan paglabas niya ng airport. Nag-aalangan siyang pumara ng taxi dahil hindi naman niya alam kung saan siya magpapahatid. Init na init na siya. Mataas na kasi ang sikat ng araw. Alas-onse na nang tingnan niya ang suot na relo.
Ang suot niya ay bestidang bulaklakin na lagpas nang kaunti sa tuhod ang haba. May topper siyang kulay-brown na ang manggas ay inililis niya hanggang siko. Nakasukbit sa kaliwang balikat niya ang kanyang traveling bag.
Alam niyang namumula na ang kanyang pisngi dahil sa init ngunit hindi niya iyon alintana. Abala siya sa pag-iisip kung ano ang pinakamagandang gawin sa kanyang sitwasyon.
God, what must I do?
Parang gusto na siyang takasan ng pag-asa. Nang hindi pa nakakalapag ang eroplano sa Maynila, puno siya ng pag-asa. Parang kayang-kaya niya. Pero ngayong naroon na siya, hindi naman niya alam kung ano ang unang gagawin. Naliliyo pa siya. Wala pa nga pala siyang kinakain. Kasalukuyan niyang nilalabanan ang pagkahilo nang may humintong Pajero sa kanyang harap.
Lumabas mula sa sasakyan ang medyo may-edad nang lalaki.
"Ma'am Gabrielle?" paninigurong tanong nito. Lumapit ito sa kanya.
Paano nito nalaman ang pangalan ko? naguguluhang tanong niya sa sarili. Hindi ako ang tinutukoy nito, mariing tanggi ng kanyang isip. Paa nong mangyayari iyon gayong wala naman siyang kakilala sa Maynila? Alangan namang kakilala ito ni Dario? Imposible! Siya na rin ang nagbura ng ideyang iyon sa kanyang isip.
"Pasensiya na ho kayo at nahuli ako," hinging paumanhin nito, sabay kuha sa bag niya at ipinasok iyon sa sasakyan. "Masyado ho kasing traffic." Hinarap siya nito at sinabihang sumakay na.
"Ah... eh... Mang—" Hindi niya alam kung paano sisimulan ang nais sabihin.
"Mang Ponso, Ma'am Gabrielle," pagpapakilala nito.
"Ah... Mang Ponso, kasi n-nagkakamali—" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil biglang umikot ang kanyang paningkanyanin at para na siyang mabubuwal.
Maagap naman siyang iginiya ng matanda papasok sa loob ng sasakyan. Pagkalapat na pagkalapat ng kanyang likod sa malambot na upuan, awtomatikong naipikit niya ang mga mata. Patang-pata ang kanyang pakiramdam. Pilit man niyang nilalabanan ang pagtakas ng diwa ay hindi na niya nagawa. Tuluyan na siyang nakatulog.
Nagising lamang siya nang mapadaan ang gulong ng sasakyan sa isang lubak. Dahan-dahan niyang inayos ang pag-upo nang marinig niyang nagsalita si Mang Ponso.
"Pasensiya na ho kayo kung naistorbo ang pamamahinga ninyo. Hindi ko kasi napansin ang lubak," sabi ng matanda.
Tumingin siya sa labas. Napakunot ang kanyang noo nang makita niyang hindi pamilyar sa kanya ang lugar na kanilang dinaraanan.
Nabasa niya ang karatulang "Rancho Santiago" nang pumasok ang sasakyan sa isang malawak na lupain. Doon lamang bumalik sa kanya ang mga naganap mula nang lumapag sa Maynila ang eroplanong sinakyan niya.
"Nasaan na ho ba tayo?" nag-aalalang tanong ni Gabrielle.
"Nandito na ho tayo sa rancho. Malapit na ho tayo sa villa. Matagal na nga ho pala mula nang makapunta kayo rito, ano?" anang matanda.
Paano ba niya sasabihing hindi siya ang "Gabrielle" na sinasabi nito? Bakit naman kasi kapangalan pa niya ang naturang babae?
"Sa pagkakatanda ko, trese anyos ka lang nang huling mapasyal dito sa Quezon," patuloy na kuwento nito. Hindi nito napapansin ang kanyang pagkabalisa.
Quezon? hindi makapaniwalang sigaw ng isip niya. Nasa Quezon na pala sila.
Trese pa lang pala nang huli nitong makita ang babaeng tinutukoy. Ang tanong, kahawig kaya niya ang Gabrielle na iyon?
"Matutuwa ang Señora Belen 'pag nakita kayo," excited pang sabi nito.
Ewan ko lang, naisip niya. Pagdating na pagdating niya sa villa na sinasabi nito, kaagad siyang magpapaliwanag na nagkamali lamang ito. Sasabihin niyang nawalan na siya ng pagkakataong itama ito dahil nawalan na siya ng malay sa sobrang pagod. Siguro naman ay maiintindihan siya ng Señora Belen na tinutukoy ni Mang Ponso.
Nalibang naman si Gabrielle sa panonood sa tanawin sa labas. Napakaganda ng lugar. Kung kanina ay panay punong-kahoy ang nadaraanan nila, ngayon naman ay malawak na lupain na nababalutan ng maliliit na damo.
Ilang sandali pa ay namataan na niya ang villa. Napakalaki niyon. Ngayon pa lamang siya nakakita ng ganoon kalaking bahay. Talaga ngang mayaman ang pinaglilingkuran ni Mang Ponso. Nang malapit na ang sasakyan sa bahay ay saka niya nakitang napapalibutan iyon ng iba't ibang uri ng bulaklak. na halatang alagang-alaga.
Naisip tuloy niyang napakasarap sigurong tumira sa ganoong klaseng lugar—tahimik at malapit sa kalikasan.
Bumalik ang kanyang kaba nang pagbuksan siya ng pinto ni Mang Ponso. Tatlong tao ang nabungaran niyang naghihintay sa kanya. Iyong parang doña ay nasisiguro niyang si Señora Belen. Iyong isang matandang babae naman ay marahil katiwala ng villa at isang cute na cute na batang babae na sa tantiya niya ay nasa anim na taong gulang. Pawang nakangiti ang mga ito sa kanya.
Kaagad siyang sinalubong ng yakap ng doña na talaga namang ikinagulat niya. Inaasahan niyang magugulat ito at makikilalang hindi naman siya ang inaasahan nitong bisita. Pero kabaligtaran ang nangyari.
"I'm so glad to see you again, hija," tuwang-tuwang sabi ng doña. "It's been so long."
Pinagmasdan siya nitong mabuti. Magpapaliwanag na sana siya sa pag-aakalang alam na nitong hindi siya ang "Gabrielle" na kilala nito nang maunahan siya nitong muli sa pagsasalita.
"Look at you," humahangang patungkol nito sa kanya. "You've grown into a very beautiful woman. Hindi nagsisinungaling ang iyong mama nang sabihin niyang napakaganda mo."
Hindi niya ako nakilala? naguguluhang naisip niya. Granted na thirteen years old pa lamang ang 'Gabrielle' na sinasabi niya nang huli niyang makita, pero siguro namang malalaman pa rin niya kung ano na ang hitsura ng babae.
"Lola, is she Gabrielle?" narinig niyang tanong ng batang babae.
"Yes, sweetheart," baling ng doña sa bata. "Aliyah, this is your Tita Gabrielle or 'Tita Gabby' as we call her. Gabby, ito si Aliyah na anak ni Diego," pakilala nito sa kanya sa apo.
Nginitian ni Gabrielle ang bata. Lumapit naman ito sa kanya.
"Can I have a kiss, Tita Gabby?" nakangiting sabi ni Aliyah na lumabas ang biloy sa kanang pisngi.
Ngumiti siya, pagkatapos ay hinalikan ito sa pisngi. Napakagaan ng loob niya rito. Sabagay, mahilig naman talaga siya sa bata. Naalala tuloy niya ang mga batang tinuturuan. Nakadama siya ng lungkot nang maalala ang mga ito.
"Lola, ang Tita Gabby ba ang mapapangasawa ng Tito Miguel?"
Kung nagulat ang dalawang matanda sa tanong ng bata, lalo naman siya. Ikakasal ba ang Gabrielle na tinutukoy ng mga ito kaya magpupunta sa lugar na ito?
Gusto na niyang mapaiyak nang mga sandaling iyon. Kasal nga ang tinakbuhan niya sa Davao, pagkatapos kasal din naman pala ang mapupuntahan niya.
How lucky could she get!
"Aliyah, hindi mo dapat itinanong iyon."
"Eh, Lola, 'yon naman ang narinig ko, eh. 'Gabrielle' daw ang pangalan ng pakakasalan ng Tito Miguel," katwiran pa ng bata.
"Tama na 'yan," sabad ng matandang babaeng katiwala. "Aliyah, pagpahingahin muna natin si Gabby at tiyak na napagod siya sa biyahe," nakangiting saway nito sa bata.
Naisip niyang hindi lamang basta katiwala ang matanda kundi parang miyembro na rin ng pamilya.
Nagpasaway naman si Aliyah. Humawak ito sa kanyang kamay nang pumasok sila sa bahay. Katulad ng dapat asahan, napakaganda ng bahay na iyon. Ang mga gamit ay halatang antigo at mamahalin.
"Ihahatid ka muna ni Rosa sa iyong magiging silid. Kapag nakapag-ayos at nakapagpahinga ka na ay tatawagin ka na lang para sa hapunan," sabi ng doña sa kanya.
"Salamat ho..." Hindi niya alam kung ano ang itatawag dito.
"'Mama Belen,' hija. Nakalimutan mo na yatang 'Mama Belen' ang tawag mo sa akin," nakangiting paalala nito.
"Mama Belen, salamat ho," sabi na lamang niya.

Home At Last - Claudia SantiagoWhere stories live. Discover now