Chapter 6

590 8 1
                                    

CHAPTER SIX

DUMATING ang mga magulang ni Renar. Kasamang mga ito ang mag-asawang James at Claire. At noon lang niya nakaharap ang babaing pumingot sa kanyang anak.
Kung siya ang masusunod, ayaw niya ng magarbong handaan. Subalit yon ang gusto ni Renar-isang engrandeng handaan. Espesyal ang naturang pagdiriwang para sa lalaki.
Hindi nagustuhan ni Cinela ang mga titig sa kanya ng bilas. Masasabi pa nga niyang inirapan siya nito.
Nagtaka tuloy siya. Hindi ba magkasundo sina Endela at Claire?
Piling-pili ang mga imbitado. Halos mga kaibigan lahat ni Renar. Sa panig niya, wala siyang kinumbida. Sino naman ang kukumbidahin niya? Ayaw naman ni Renar na makipagkita pa siya sa mga kaibigan ni Endela. Kaya ang lalaki ang nag-imbita ng mga bisita. Tumayo siyang isang tunay na asawa sa tabi nito.
Pilit niyang tinandaan ang mga pangalan ng mga bisita nila. Nakipag-usap siya sa mga ito. Pero si Renar ang nagdadala ng usapan at inalalayan siya. Hindi nawawala sa kanyang baywang ang kamay ng lalaki.
Ngiting-ngiti naman siya. Kabado man, nagpakatatag siya. Wala siyang dapat na ikabahala. "May tawag kayo, Ma'am,"
Napatingin siya kay Marla. "Sino?"
"Babae. Kaibigan n'yo raw. Ayaw sabihin ang pangalan, e."
Napatingin sa kanya si Renar. Nagtatanong ang mga mata nito. Sinabi niyang meron siyang tawag. Alumpihit itong tumango.
Nagpaumanhin siya sa kanilang kaharap. Tinungo niya ang telepono. Bago niya naangat iyon, nakita niya si Lemuel na kalaro ang anak ng mag-asawang James at Claire. "Hello."
"Happy anniversary."
Kinabahan siya. Mahina ang tinig ng kausap. Parang namaos. "Endela?" anas niya. "Kumusta ka na?"
"Cinela."
Nakita niyang nakatingin sa kanya si Lemuel.
Sinenyasan niya itong lumapit. Sumunod naman ang bata.
Kaagad niyang inilapit sa bibig nito ang awditibo. "Say
'hello'..." Dinudurog ang kanyang puso nang sundin siya ni Lemuel. Binawi niya ang awditibo. Tapos ay napatingin ang bata sa kanya.
"Mommy, bakit ka umiiyak? Sino ang kausap mo?"
"Cinela.." aniya, kapwa kay Lemuel at sa mouthpiece.
"That's better," sabi ng nasa kabilang linya.
Sumisinghot na ang babae. "Mahalin mo siya. Mahalin mo rin ang asawa ko. Punuan mo na lang ang pagkukulang ko sa kanila." Naputol ang linya.
"Sino iyon, Mommy?"
"Isang kaibigan." Hinalikan niya sa noo si Lemuel. "Sige na, maglaro na kayo ulit." Pilit niyang pinatatag ang tinig. At habang sinusundan ng tingin ang 'anak,' napadako ang kanyang atension kay Claire na nakatingin sa kanya.
Pakiramdam niya ay sinisilaban siya ng titig na iyon ng bilas. Ano'ng hindi pagkakaunawaan mayroon sina Claire at Endela?
Hinarap niyang mag-isa ang ibang mga bisita.
Gayundin ang ginawa ni Renar. Pakiramdam niya ay pinagkakatiwalaan na siya nito para mag-isang harapin ang mga panauhin nila.
"Mrs. Ledesma, matagal ko nang gusto kang makilala at maging kaibigan. Pero sa pagkakaalam ko, you're a very busy woman. Ano ba ang pinagkakaabalahan mong negosyo ngayon?"
"Wala. Wala akong negosyo. Nandito lamang ako sa loob ng bahay nitong mga nagdaang araw. Itinutuon ko ang aking atension sa aking pamilya. Alam mo na, bumabawi."
Nagtawanan sila ng babae na sa pagkakatanda niya, asawa ng kaibigang matalik ni Renar na si Alain. Heto ngayon ang siste, nakalimutan niya ang pangalan ng kaharap!
"Kung wala kang ginagawa, puwede tayong lumabas minsan." Mabuti na yaong magkaroon na siya ng grupo, ng sarili niyang kaibigan. "Magkuwentuhan."
"Call ako riyan. Anyway, nasa kabilang village lang naman kami, e. Pareho pala tayong devoted housewife.
Ang suwerte naman sa iyo ni Renar."
Ngiti ang itinugon niya. Meron na siya ngayong kaibigan sa katauhan ng asawa ni Alain. Hindi matatapos ang gabing iyon at "maaalala" niya ang pangalan ng kaharap.
Nakita niya si Renar. Paakyat sa hagdan. Hindi niya pinansin iyon. Subalit kumunot ang kanyang noo nang makaraan ang ilang segundo, nakita naman niya si Claire na binagtas din paakyat ang hagdan.
"Mommy...
"Tho, bakit?"
"Inaantok na ako..."
"Sige na, Mrs. Ledesma, patulugin mo na iyang guwapo ninyong anak. Mukhang napagod sa kalalaro.
''Endela' na lang."
'''Merlita' na rin ang itawag mo sa akin."
"Say good night to Tita Merlita, iho." At inihatid niya ang bata sa kuwarto nito para patulugin. Lalabas na sana siya nang masiguradong tulog na ito, subalit naantala nang mapansing mula sa kanilang kuwarto ay lumabas si Claire. Makaraan naman ang ilang sandali, si Renar.
Mabuti na lang at kaagad niyang napansin ang pagbukas ng pinto ng kanilang kuwarto. Kaya umatras siya pabalik sa silid ni Lemuel. Hindi siya napansin ng sino man sa dalawa.
Ano ang ginawa ng dalawa roon? Bakit sinundan ni Claire si Renar sa kanilang kuwarto? Hindi niya maiwasang magduda.
Ipagpalagay nang nag-usap lang ang mga ito, bakit kailangang doon pa sa silid nila? Bakit parang nagtatago ang dalawa? Hindi ba at kahina-hinala iyon? Mayroon ba siyang hindi nalalaman? Napapailing na bumalik siya sa sentro ng kasiyahan.
Siya mismo ang lumapit kay Renar. Ngumiti ito nang makita siya. Alumpihit naman siyang ngumiti. Dapat ba niya kaagad itong husgahan? "Tulog na si Lemuel..."
"Napagod siguro sa pakikipaglaro kay Sam. Ayun pinatulog na rin ni Mama."
Hindi na siya nagtanong kung bakit hindi si Claire ang nagpatulog sa anak nito. Minabuti na lamang niyang itikom ang mga labi niya para walang gulo.
"ALAM mo bang ang saya-saya ko?" Ala-una na ng madaling araw umalis ang huli nilang bisita. "Hindi pilit ang pagse-celebrate natin ng ating church wedding anniversary."
Hindi siya nagkomento. Itinikom din niya ang mga labi tungkol sa pagtawag ng kapatid. Hindi iyon ikakatuwa ni Renar. Nahiga na lamang siya sa tabi nito at pagod na ipinikit ang mga mata.
"It's time that we celebrate in private..." makahulugang turan ni Renar na masuyo siyang hinalikan.
"Pareho tayong pagod, Renar." But she was not shutting him out. Hindi lang niya maiwaglit kung ano ang ginawa kanina nina Claire at Renar dito sa kanilang silid.
"I am excited..."
"Renar, please..."
"Ano ba ang problema?"
"Pagod ako."
Nagpakawala ng malalim na paghinga si Renar.
Ibinagsak nito ang katawan sa tabi niya.

Lies (In The Mercy Of Love) - Catarina ParisWhere stories live. Discover now