Tupang Naligaw

100 2 0
                                    

TUPANG NALIGAW
warriorMulan16

Ako'y na sa isang sulok,
nakapuo't yakap yaring tuhod.
Sapagkat ako'y nababalot
ng hinagpis, takot at poot.

Sa lugar na puno ng bangungot,
kung saan dilim ang bumabalot.
Lugar na nakakapanghilakbot
na ni sa panginip ay 'di ko nais matarok.

Nais kong tatagan itong dibdib,
yayakapin itong nakasusulasok na silid.
Imulat ang mata sa trahedyang sinapit.
Ngunit luha ko'y unti-unti ng nangilid.

Dibdib ko'y nanikip
at mga hikbi ko'y impit.
Tila kawayang lumalangitngit
sa hanging wumawagiswis.

Diko lubos maisip;
landas na pinili'y matarik
at sa isang pagkakamali'y
buhay ang kapalit.

"Patawad ina... Patawad ama...
Pangaral nyo'y ipinagwalang bahala.
Pag-akay n'yo sa tama
ay aking minasama.

"Bisyo, sugal at pakikipagbasag-ulo
impluwensya ng mga kaibigan kung tarantado.
Mga bagay na hindi n'yo gusto
at 'di nanaising matutunan ko."

"Ngunit patawad inay... Patawad itay...
Alak ay unti-unti ng inuubos ang aking atay,
sa dugo ko'y ito na ata ang nananalaytay
dahil sa pag-inom kong walang patay.

Maaga palang ako'y tatagay;
lilipas ang tanghalian at hapunan
ngunit ako'y naroon pa rin sa tambayan,
magtataas ng baso hanggang madaling araw.

"Uuwing bangasan;
sisigaw at mambubulahaw.
Bukas, makalawa'y
ako'y nasa Barangay.

Pangaral nyo'y 'di pinansin
patuloy kong tinahak baluktot na landasin.
Hanggang sa ako'y magising
sa lugar na rehas ang dingding.

Luha ko'y bumukal
ng makita ko ang inay.
Pugto ang mata't napakatamlay;
tila walang lakas habang akay ni itay.

Nais kung tumakbo palapit
at yakapin siya nang mahigpit.
Palisin ang mga butil ng tubig
at pakalmahin siya kahit saglit.

Ngunit hindi ko iyon magawa
sapagkat rehas na bakal sa ami'y pumapagitna.
Kaya't mata ko'y iginala
upang 'di mamalas yaring luha sa mukha.

"Patawad ina... Patawad ama...
sa aking mga sala...
sa mga pabigat kong dala
at mga pasakit n'yong tinamasa.

Ako ang dahilan ng inyong mga luha;
mga hikbi n'yong walang hupa;
gabing puno ng pangamba at gunita
sapagkat kayo'y nababalot ng awa.

"Saan ba tayo nagkulang?
Binusog natin siya ng pangaral.
Pero, bakit siya'y nariyan?
Nagdurusa't nahihirapan."

Nagugulumihanang sambit ni ina.
Habang mahigpit na yakap ni ama
at pinapalis ang luha niyang sagana,
siya'y inaalo't pinapakalma.

Samantalang ako'y walang magawa
kun'di ang humikbi at lumuha,
magsisi't tumuligsa
sa daang tinahak na malayo sa kanilang nasa.

Pag-aaral ay aking tinalikuran.
Bisyo't sugal ang aking pinag-aralan.
Lapis ay isinantabi't sigarilyo ang aking hinawakan.
Inuman ang nagsibing eskwelahan.

Barkada ang siyang naging guro;
sila sa akin ang nagturo
ng mga aral na ni isa'y walang matino.
Sila din ang nag-akay sa daang liko-liko.

Si ama't ina'y puno ng pangamba
sa oras na sumapit ang dilim at ako'y wala pa.
Samantalang ako'y 'di sila inaalala.
Lango ako sa alak, habang kasama ang barkada.

Ilang ulit nila akong pinagsabihan
na barkada'y aking iwasan.
Ngunit patuloy akong nagbingibingihan
kaya't ito ang aking kinasadlakan.

Sa maliit at makitid na piitan,
sarili'y aking natagpuan.
Mata'y luhaan
at puno ng tanong ang isipan.

"Inay, itay ako'y inyong paniwalaan...
Masama man ang tingin ng karamihan;
ngunit ako'y inosente't walang kasalanan
sa krime g kanilang isinasakdal."

"Ako man po'y naging suwail
sa huling pagkakataon ako'y inyong dinggin.
Pakiusap 'wag n'yo akong itakwil
nang dahil sa paratang na kanilang isinisiil."

"Alam ko pong tinahak kung landas ay mali
ngunit ang krimeng yao'y 'di magagawa ng inyong lipi."
Nawa po'y pakinggan ang sinasambit niring labi.
Usal na nagsusumamo't nagbabakasakali.

Kung sana'y kayo'y pinakinggan;
isinabuhay ang inyong mga pangaral.
'Di sana ganito ang aking kinahantungan.
Ako'y nagdurusa kahit walang kasalan.

Mata ko'y unti-unting pinikit
kasunod ng mga alaalang nanumbalik.
Isang gabing tahimik,
ang gumimbal sa aking daigdig.

Isang kahindik-hindik na pangyayari
na sa akin isinisisi.
Ako raw ang puno't dulo naring insidente,
ngunit wala iyong katotohanan sapagkat ako'y inosente.

Inosente sa kanilang mga paratang.
Mga bintang na malayo sa katotohanan,
kaya't ako'y nagsusumamong aking tinig ay pakinggan.
Upang makamtan inaasam na kalayaan.

Sa loob ng piitan
aking napagbulay-bulay
na ang mga itinuring kong kaibigan
ay naglaho't ako'y iniwan.

Noong mga oras na sila'y kailangan
ni anino nila'y 'di nasilayan.
Pangangamusta't 'di man lang nila naisipan,
tama nga sila itay, sila'y mga huwad na kaibigan.

Kaibigan lang sila sa inoman;
kasama sa tawanan
ngunit sa panahon ng kagipitan
ay napakahirap nilang masumpungan.

Lumipas ang mga araw at buwan.
Tila ako'y isang malamig na bangkay
na matiyagang naghihintay
sa muling pagsikat ng araw.

Dumating ang araw na aking pinakahihintay,
disesyo'y ilalatag na sa harapan.
Ako'y pumikit at umusal ng munting dasal
'Na sana'y manaig ang katotohanan'.

Di ko mapigilang maluha
dahil sa galak at tuwa
nang marinig ang hatol ng madla
na ako'y inosente't walang sala.

Kaya't aking napagpasyahan
masamang gawi ay talikuran.
Bisyo't sugal ay kalimutan
magpanibagong buhay at kalimutan ang nakaraan.

Crashing Waves (POETRY)Where stories live. Discover now