Ilaw ng Tahanan

76 2 0
                                    

Ilaw ng Tahanan
warriorMulan16

Ikaw sa ami'y nagbigay buhay
Siyang nagpakahirap at nagluwal
Iningatan mo kami't inalagaan
Mula pa noon kami'y nasa sinapupunan
Hanggang sa kami'y magkamuang

Pagmamahal mo'y hindi matatawaran
Pag-aaruga mo'y walang kapantay
Pagkalinga mo'y hindi mababayaran
Nang ano mang salapi at bagay

"Salamat aking ina...
Salamat sa paggabay sa t'wina.
Salamat sayong pag-aaruga.
Salamat sa pag-ibig mong ipinadama"

'Yon ang mga salitang nais mamutawi
sa aking bibig.
Mga salitang nais ipagsigawan
sa buong daigdig.
Mga salitang sa puso mo'y galak
ang ihahatid.
Salitang papanatag sa isip mong puno ng
ligalig.

Ngunit ang mga salitang iyon ay 'di ko
mabigkas.
Kaya't sa tula ko nalang idadaan
itong pasasalamat na wagas.
Ina, ikaw ang nagsilbing tanglaw
sa madilim na daan.
Umakay sa amin noong oras na kami'y naliligaw.
Sandalan namin sa mga araw na mapanglaw;
sa mga oras na kami'y nagdudurusa at nahihirapan.
Sa mga panahon na ang puso nami'y  puno ng lumbay

Salamat po Inay...
Salamat sa 'yong gabay at pagdamay.
Sipag at tiyaga mo'y aking sinasaluduhan.

Salat man tayo sa yaman;
salat sa mga materyal na bagay.
Wala iyong problema inay...
dahil sagana kami sayong pagmamahal.
Pagmamahal na mababakas sa inyong
pawisang mukha.
Mababakas sa hirap at pagod
na inyong sinasabana.
Mababakas sa inyong sipag at tiyaga
Pagmamahal na inyong naging sandata,
upang bumangon sa bawat umaga
At ituloy ang inyong pakikibaka.

Salamat po Inay...
Sa puyat at pagod ay hindi kayo bumigay.
Mahirap man ang ating buhay
Tayo ma'y nakatira sa pinagtagni-tagning bahay;
tumulo kung umulan;
Init nama'y 'di mo kayang tagalan kung tag-araw.
Ulam man nating pinagsasaluha'y
tuyo't tabos ng gulay
Basta luto mo inay...
Daig pa natin ang kumain sa sikat na
resto sa bayan
dahil ang luto mo'y may sangkap
na pagmamahal.

"Salamat po Inay...
dahil 'di mo kami iniwan at pinabayaan"
Sa gitna ng madilim na daan,
habang walang habas sa pagpatak ang ulan
at ang daluyong ng hangin ay walang humpay.
Buhay mo'y handang ialay
upang masiguro ang aming kaligtasan.
Inay, tapang mo'y aming sinasaluduhan
Ika'y aming tinitingala at hinahangaan.

"Salamat po Inay...
Dahil kayo'y naging kalasag sa laban ng buhay.
Alam kung ang mga salitang ito 'di sapat
upang tumbasan ang inyong pasakit at paghihirap.
Gayunpaman, Inay marami pong salamat
Salamat po sa lahat...
Sa inyong wagas na pagmamahal at pag-iingat.
Salamat po sa lahat...
'Di po kayo nagkulang kahit tayo'y salat.

Ina kong ilaw ng tahanan
na siyang nagsilbing tanglaw.
Ina kong labis na minamahal,
pasasalamat ko po'y walang hanggan.

Wakas

Kindly visit my yt channel
warriorMulan16 for more spoken word poetry 😊...

Thank you 😊❤️

Crashing Waves (POETRY)Where stories live. Discover now