Paramdam sa Opisina

217 5 0
                                    

PARAMDAM SA OPISINA

Nangyari ito sa isang tv network sa Mandaluyong City.

MAY 17, 2020. Linggo ng hapon. Kasagsagan ng lockdown. Prenteng-prente akong nakahilata sa kama nang biglang tumawag ang boss ko. Kailangan ko raw mag-duty sa office. Biglaan. Lock in ang set up. Bawal lumabas kahit weekends. Tatlong linggo.

Sa isip ko, sige lang. Raket din 'yan! No work, no pay kami sa media at kailangan kong kumita. At, dahil madaling araw ang simula ng production kinabukasan, pagkatawag na pagkatawag ng boss ko, dali-dali na akong nag-impake.

pasado alas singko dumating ang shuttle service. Mula Quezon City kung saan ako nakatira hanggang sa opisina namin sa Mandaluyong, mga 45 minutes din ang biyahe.

Pagdating, hindi muna ako nag-ayos ng gamit. Inuna ko syempre 'yung kuwentuhan with workmates, 2 sticks ng yosi, at 1 rank game sa ML. Ang ending, puno na lahat ng designated conference rooms na ginawang sleeping quarters. Pero may isa pa namang bakante. Ipinaalam na lang sa building management. Pumayag naman sila.

Conference room B. Second floor. Katabi ng radio booth. Mag-isa lang ako, pero ayos lang. Tutulog lang naman.

'Yung kuwarto, maliit lang ng konti sa classroom sa school. Sa kaliwang side ako pumuwesto, tumbok sa pintong gawa sa salamin. Hindi ako kita ng mga naglalakad sa hallway dahil may privacy film naman. Kung sisilipin ako, kailangan pang yumuko. Kung susukatin kasi, sa bandang binti lang pababa clear 'yung pinto.

Hanggang sa nilatag ko na 'yung napakanipis na comforter na binili noon ni mama sa Shopee, dalawang unan, at kumot. Pasado alas onse na rin, pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok, lahat ng trip kong panoorin sa Youtube, pinanood ko na. Wala pa rin.

Pumikit na lang ako sa pag-asang makatulog. No choice, 4:30 am ang call time para umpisahang magsulat ng balita. Effective naman. Nakatulog ako.

Pero naalimpungatan ako sa ingay. Takbuhan nang takbuhan 'yung mga nasa labas. Hindi ko tinitignan. Badtrip naman kasi, kung kailan nakatulog, saka may nagtatakbuhan.

Siguro mga isa o dalawang minuto rin nagtagal. Sa isip ko, baka 'yung mga taga maintenance may ginagawa. Pagdilat ko, inabot ko agad ang cellphone, alas tres kinse pa lang.

Pumikit saglit. Pero heto na naman sila. Umingay ulit. Takbuhan nang takbuhan sa hallway. Parang mga nagtatawanan pa nga. Doon na ako sumilip, kita naman kasi sa paanan ko ang puwang sa pinto.

Wala namang mga tao. Pero may nagtatakbuhan.

Hanggang sa may natanaw ako. Patakbo siyang lumapit sa pinto ng conference room kung nasaan ako. Tumayo lang siya. Sa isip ko, ang baduy ng sapatos niya. Parang pang highschool, black shoes na pambabae, 'yung may takong na mababa. Kaya siguro maingay.

Umalis siya. Takbo na naman. Tapos bumalik. Dalawa na sila. Halos pareho ng suot na sapatos. Baka kako sinisilip kung may tao sa loob. Baka maglilinis. Hindi ko alam. Tapos umalis sila. Sakto rin, nawala ang ingay.

Bumalik ako sa pag-idlip. Saglit na lang kasi, babangon na rin naman. Hanggang sa bumaba na ako sa newsroom. Nagsulat na ako ng news scripts, nakapagpa-ere ng breaking news at sumama sa mga nag-aalmusal.

Habang nagkukuwentuhan, tinanong ko kung nagising ba kaninang madaling araw 'yung mga natutulog sa Conference Room C. Isang kuwarto lang naman kasi ang pagitan ko sa kanila. Hindi raw.

Sabi ko imposible. Napaka-ingay. Takbuhan nang tabukan 'yung mga taga maintenance. Pero sabi nila hindi raw talaga sila nagising. Imposible raw na may taga maintenance sa 2nd floor dahil sa 4th floor sila natutulog. Tahimik naman daw kanina.

Natahimik din ako. Sa isip ko, meron talaga. Maingay kanina.

Pagkakain, bumalik ako sa Conference Room B. Sakto, may kuyang naglilinis. Dahil hindi ako mapakali, tinanong ko siya. Bakit kako kung kailan madaling araw, ang iingay ng mga kasamahan niyang babae dito sa 2nd floor.

Nagpapatawa raw sabi ni kuya. Anim lang daw silang naka-duty. Lahat sila lalaki. Next week pa raw ang dating ng mga kasama nilang babae.

Kunwari, dedma na lang ako. Pero agad kong kinuha ang mga gamit ko at pilit nakisiksik sa Conference Room C.

At, hanggang ngayon hindi ko pa rin kilala ang mga babaeng nagtatakbuhan.

EP

SPOOKIFY ( HORROR TAGALOG STORY )Where stories live. Discover now