LTML 07

217 38 2
                                    

Happy Reading!

"Oo! Lalayasan ko talaga kayo. Ubos na ubos na ang pasensya ko sa inyong lahat, lalo na sa'yo! Bwiset ka sa buhay ko!" Nasa gate pa lang ako ng bahay ay dinig na dinig ko na ang boses ni Mama. Mabilis kong isinara iyon at pumasok sa loob ng bahay.

Sa kusina kung saan naroon si Mama habang may kausap sa telepono at halata ang inis sa mukha. "Iiwanan ko 'tong mga anak mo! Bwiset ka!" Napapikit ako sa lakas niyon, "sagarin mo pa talaga, makita mo ang hinahanap mo."

"Ma." Kuha ko sa kaniyang atensyon, mabilis itong lumingon sa akin. Bakas pa rin ang galit sa mukha nito. "Ano pong nangyayari?" Hindi ko napigilan ang sumabad.

Nasasaktan ako sa mga salitang binibitawan niya. Alam kong galit siya pero kailangan ba talaga na umabot sa gano'n ang pananalita niya?

Malakas na inilapag nito ang cellphone sa lamesa at tumayo. "Ayan oh, kausapin mo ang ama mong magaling!" Umalis siya sa hapag at nagtungo sa lababo para maghugas ng kamay, "sawang-sawa na ako sa pamamahay na 'to! Puro na lang problema ang binibigay sa buhay ko." Tinuro niya ang platong pinagkainan sa mesa bago tumingin sa akin, "linisin mo 'yan, nabibwisit ako sa Papa mo! Letche!" Huling turan nito saka pumasok sa kwarto at malakas na isinara ang pintuan.

Napabuntong hininga na lang ako, nilapitan ang mesa at kinuha ang phone. Hindi pa ibinababa ni Papa ang tawag. "Hello po, Pa."

"Oh, Mala, nasaan na ang Mama mo?" Tanong nito sa iritablsng tono.

"Ano pong nangyari? Bakit po nag-aaway na naman kayo ni Mama?" Kunot noong tanong ko sa halip na sagutin siya.

"Tsk! Wala iyon, huwag mo na lang pansinin. Sa aming dalawa ng Mama mo ang problemang ito kaya kami ang aayos." Hindi na ito pinahaba ang eksplanasyon at agad na binago ang topic, "kumusta ang klase?"

"Ayos lang naman po, marami lang po kailangan ipasa." Tipid na sagot ko. "Kayo po? Kumusta na po kayo d'yan?"

"Ayos lang din ako rito, basta mag-aral kayo ng mabuti ha, at saka anak…" sandali siyang huminto sa pagsasalita, "intindihin niyo na lang muna ang Mama niyo, galit lang iyon kaya nasabi niya ang mga bagay na 'yon. Mahal namin kayo."

"Naiintindihan ko po.' Iyon na lang ang maaari kong gawin. May pagpipilian pa ba?

"Mala," tawag ni Papa.

"Kailan po kayo uuwi?" Hindi ko na namalayan na umiiyak na pala ako. Kumurap ako ng ilang beses para pigilin ang mga luha ko.

Narinig ko ang malalim na buntong-hininga sa kabilang linya. "Hindi ko pa alam, 'nak. Pangako sa pag-uwi ko, isasama ko kayo ng mga kapatid mo. Huwag mo silang pababayaan ha." Ano raw? Bakit ganito ang mga sinasabi ni Papa?

"Pa, ano pong ibig niyong sabihin?"

Kinakabahan ako dahil sa mga sinasabi ni Papa. Ano bang gusto niyang palabasin? Di'ba magiging maayos naman ang lahat kapag nakauwi na siya? Aayusin namin ang pamilya namin. Gaya ng dati, magiging buo ulit kami.

"Kailangan ko na munang ibaba ito, mag-aayos na ako para pumasok sa trabaho. Tatawag na lang ako sa libreng oras ko. Sabihan mo ang nga kapatid mo na mahal ko sila, mahal ko kayo kahit ano pang mangyari sa pamilya natin."

"Pa, ano po ba ang—" hindi ko na naituloy pa ng iba ko pa sanang gusto itanong dahil nawala na ang nasa kabilang linya. Ibinaba na ni Papa ng tawag.

Maayos pa ba ang lahat at babalik sa dati? Pakiramdam ko kasi ay ako na lang ang umaasa. Sana naman ay hindi. Baka hindi ko kayanin.

"Iiwanan ko na 'tong mga anak mo!"

"Pangako sa pag-uwi ko, isasama ko kayo ng mga kapatid mo."

"Mahal ko kayo kahit ano pang mangyari sa pamilya natin."

Hindi magawang iproseso ng utak ko ang mga sinabi nila nang hindi nagpipira-piraso ang kalooban ko. Masakit marinig sa mismong mga magulang mo ang mga katagang iyon. Ang hirap tanggapin.

Mabilis kong tinuyo ang nga luha ko nang bumukas ang pinto ng kwarto at iniluwa no'n si Mama. Lumapit ito at inabot ang pera sa akin. "Bumili ka ng ulam sa kanto, kulang na yung natira d'yan. Bilisan mo, magbihis ka muna." Anito saka ako tinalikuran.

Walang kagana-gana kong niligpit ang pinagkainan niya bago umakyat para magbihis. Pagkatapos ay lumabas na rin ako para bumili ng ulam sa kanto na malapit sa amin.

"Ma, heto na po—" napahinto ako sa pagpasok ng makita na magkausap at masayang nagtatawanan si Mama at ang lalaki, nandito na naman pala.

Huminto sandali si Mama bago nakangiti na lumingon sa gawi ko. "Isalin mo na para makakain na." Gusto kong matawa sa bilis ng pagbabago ng ekspresyon nito. Dumating lang yung isa akala mong nanalo siya sa lotto. "Dali na,"  hindi mapuknat ang ngiti niya na nakakainis sa mata. Kung sa ganito siya sasaya, hindi ko alam kung matatanggap ko ba.

Hanep talaga!

-

Walang nagbago sa sitwasyon sa bahay. Kung hindi sila nagtatalo at nagsisigawan, wala namang kumikibo ni isa sa kanila. Parang hangin na lang ang isa't-isa. Paano nila natitiis ang ganitong set-up? Nkakainis!

Dahil sa gulo rito sa bahay, dalawang linggo na naming hindi nadadalaw si Lola. Binabalitaan naman kami ni Tita. Akala namin ay magiging maayos na siya pero kabaliktaran ang nangyayari. Habang tumatagal siya doon, lalo pang humihina ang katawan niya. Sabi ng doktor ay hindi daw nagrerespond ang katawan niya sa gamot kaya naman minabuti na sumailalim siya sa therapy para alisin ang bukol.

Sana maging matagumpay iyon. Sana talaga.

Ako naman ay inabala ang sarili sa bagay-bagay. Tinapos ko ang mga dapat icomply sa subjects ko. Ang iba nga ay mas inagahan ko na ang pagpapasa. Ayaw ko kasing magkaroon pa ng problema, graduating pa man din ako.

Ayaw kong ipakita sa kanila na bawat araw ay para akong kandilang nauupos. Lahat halos ng nasa paligid ko ay negatibo para sa sistema ko. Kahit pa nga gusto kong alisin iyon, hindi pwede. Pamilya ko sila e, sila mismo ang nagdudulot ng negativity sa akin.

Minsan ay gusto ko na lang mamanhid ng tuluyan o kaya ay takasan ang lahat ng problema ko. Umalis at lumayo sa kanila. Gusto kong maging selfish, maging masama, mawalan ng pakialam para hindi ko na kailangan isipin ang mga tao sa paligid ko.

Pero hindi naman ako gano'n, hindi ko iyon kayang gawin sa kanila. Pamilya ko sila, e, mahal na mahal ko sila. Tanga na kung tanga pero umaasa pa rin ako na babalik sa dating masaya at buklod ang pamilya ko. Kakayanin namin 'to. Kaya namin ito.



Kendingmaxx

Letters To My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now