LTML 12

163 24 0
                                    

Happy Reading!

Lumipas na ang magdamag at ngayon ay inililigpit na namin ang mga gamit ni Lola. Kagabi ay pinauwi ko na rin  si Ryan dahil baka mag-alala pa sina Tita. Kahit pa nagpumilit ito ay hindi ako pumayag na manatili ito. Ilang oras na rin itong nasa tabi ko. Sapat na iyon.

Parang walang buhay na isinara ko ang bag saka ipinatong iyon sa upuan. Pagkatapos ay nilapitan ko ang kamang hinigaan ni Lola sa pamamalagi niya sa ospital. Maayos na ito at parang walang lumulan na sinoman. Walang bakas na iniwan si Lola bukod sa imahe niya sa isip ko habang nakahiga dito.

Kasama ko ang pinsan ko sa kwarto para magligpit. Si Tita naman ay bumaba para ayusin ang papel na kailangan para makalabas na ng ospital. Gayundin ang mga bills na kailangan i-settle. Wala namang magiging problema sa bayarin. Marami ang nagbigay ng tulong, isama pa ang prinosesong financial assistance para sa pasyente ng ospital.

Nakatitig lang ako sa kama, nawala sa isip ko na kasama ko ang pinsan ko sa silid o ano man ang isipin niya dahil nakatayo lang ako doon at nakatingin sa kama na parang sira.

Akala ko po ba ay hihintayin niyo ako na dumalaw ulit? La, bakit po iniwan niyo ako? Hindi po ba nangako kayo na magpapagaling kayo? Akala ko po ba marami pa tayong bonding na gagawin kapag magaling na kayo, bakit po ganito?

Hindi man lang ako inihanda nito. Hindi man lang niya ako hinayaan na yakapin siya sa huling sandali. Ang sabihin kung gaano ko siya kamahal. Kung gaano siya kaimportante sa buhay ko.

Sino na lang po ang magbibigay ng advice sa akin? Sino po ang aalo sa akin kapag mabigat ang kalooban ko? Kapag pakiramdam ko po ay mas mabuting sumuko na lang sa buhay, sino na lang po ang magpapalakas ng loob ko?

Iniwan niyo po ako.

Ang hirap na tanggapin na wala na ito.

Hindi ko po kaya na pati ikaw iiwan ako. Bumalik ka po, Lola. Please.

"Naayos ko na ang lahat ng dapat bayaran. Pwede na tayong lumabas ngayong araw." Anito nang makapasok sa kwarto. Tumango kami ng pinsan ko sa sinabi ni Tita at tinapos na rin ang pag-aayos.

Alam na rin nila Kuya at ng nga anak ni Lola ang nangyari maliban kay Papa.

Hindi na kami nagtagal pa doon at umalis na. Nagpasya ako na dumeretso muna sa bahay dahil umuwi sina ate at Kuya doon. Sa text lang kami nakapag-usap mula kagabi.

-

Inabutan ko silang dalawa sa sala. Tahimik lang si Kuya habang panay naman ang pag-iyak ni ate. Nilapitan ko agad siya saka niyakap. Halos kapusin na ito sa hangin dahil sa kaiiyak.

Mahabang katahimikan ang namayani bago nagsalita si Kuya. "Sa bahay ni Tita muna tayo titira."

"Sige, mamaya aayusin ko na lang ang mga gamit na dadalhin natin para sa ilang araw na burol—"

"Hindi lang dahil sa burol, doon  muna tayo mamamalagi hanggat nag-iipon ako para sa sariling bahay na uupahan natin pansamantala."

"Teka, bakit naman?" Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Bakit doon kami titira? "Paano 'tong bahay?"

Bumuntong hininga ito, "ilang buwan ng hindi nagbabayad si Mama sa may-ari nito. Nakausap ko kahapon, kailangan umalis tayo dito ngayong linggo dahil may bibili na daw."

"Kung gano'n, saan dinadala ni Mama ang pera para sa upa nito? Buwan-buwan na nagpapadala si Papa di'ba?"

Bakas ang galit sa ekspresyon ng mukha ni Kuya. "Ewan ko."

"Malamang para doon sa pamilya niya napupunta lahat." Sabad ni ate kahit pa sisinghot-singhot.

Pare-pareho kaming napabuntong hininga na lang.

Letters To My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now